2015
Mananatili Ba o Susunod?
September 2015


Mananatili Ba o Susunod?

Ang awtor ay naninirahan sa Pilipinas.

Nang sabihin ko sa aking mga magulang na gusto kong magmisyon, hindi ko inasahan ang sagot nila. Pinapili nila ako kung pamilya ko ba o ang misyon ko.

Larawan
illustration depicting a young man walking out of a door. He is carrying a bag, backpack and scripture tote.

Paglalarawan ni Scott Jarrard

Naaalala ko pa ang mga salita ng mga missionary na nagturo sa akin: “Anumang iutos ng Diyos, gawin ito, at darating ang mga pagpapala.” Tumimo sa puso ko ang mga salitang ito. Nabinyagan ako sa edad na 16, ang tanging miyembro ng Simbahan sa pamilya ko. Makalipas ang walong buwan, napagpala akong makitang nabinyagan ang aking bunsong kapatid sa Simbahan.

Nang mag-18 anyos ako, ginusto kong maglingkod sa full-time mission at tumulong sa gawain ng Panginoon. Sabik kong sinabi ang planong ito sa mga magulang ko at kung gaano ko kagustong anyayahan ang mga tao na lumapit kay Jesucristo sa pagtulong sa kanila na tanggapin at ipamuhay ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo. Nagulat ako sa kanilang sagot. Sinabi nila na masakit sa loob nila na isiping magmimisyon ako, at kinailangan kong pumili: pamilya ko o misyon ko.

Nabigla akong marinig ang mga salitang iyon. Agad akong nagpunta sa gusali ng Simbahan malapit sa bahay namin at pumasok sa isa sa mga silid doon para lumuhod at magtanong sa Ama sa Langit, “Ano po ang gagawin ko? Ano ang pipiliin ko: pamilya ko o misyon ko? Pareho po itong mahalaga sa akin.”

Habang nakaluhod, pumasok sa isipan ko ang sinabi ng mga missionary: “Anumang iutos ng Diyos, gawin ito.”

Mahal ko ang pamilya ko at gusto ko silang makasama magpakailanman. Iginagalang ko ang kanilang damdamin. Subalit sabi sa banal na kasulatan, “Ang pagsunod ay maigi kay sa [sakripisyo]” (I Samuel 15:22). Napuspos ako ng Espiritu ng Panginoon, at napalakas ako. Nagpasiya akong maglingkod dahil alam kong tutulungan ng Ama sa Langit ang pamilya ko na makaunawa.

Umuwi ako para lamang itaboy ng galit na mga salita ng tatay ko at sinabihan niya ako na huwag nang bumalik kailanman. Hindi alam kung saan susuling, nag-impake ako. Wala ako ni kaunting takot, dahil alam kong kasama ko ang Panginoon, na may plano Siya para sa bawat pamilya, at na balang-araw ay mauunawaan ng pamilya ko ang magandang planong ito.

Hindi pa ako gaanong nakakalayo sa bahay nang abutan ako ng aking ina. Niyakap niya ako at sinabi kung gaano niya ako kamahal. Pag-alis ko, nakita ko siyang umiiyak na lakip ang pagmamahal at dalamhati ng isang inang nakikita ang paglisan ng kanyang anak.

Sa loob ng mahigit isang taon, nakitira ako sa bahay ng isang returned missionary na nakilala ko noong investigator ako. Ang Panginoon ay tapat sa Kanyang pangako sa 1 Nephi 3:7—naglaan Siya ng paraan para masunod ko ang Kanyang mga utos. Ipinadala niya ang di-makasarili at mapagbigay na lalaking ito para suportahan ako at lumikha ng espirituwal na kapaligiran kung saan ako makapaghahanda para sa misyon ko. Nadama ko ang kamay ng Diyos na nagpapalakas sa akin sa gitna ng aking mga hamon. Nadama ko ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang pagmamahal na ito ang nagpatatag sa akin sa mga oras ng pagsubok hanggang sa i-set apart ako bilang full-time missionary sa Philippines Cauayan Mission.

Ilang buwan pagkaraan, nakatanggap ako ng liham mula sa aking pamilya na nagsasabi sa akin na hinihintay nila ang pagbalik ko. Hindi ako kailanman nawalan ng pananalig at pag-asa na ang buong pamilya ko ay magiging miyembro ng Simbahan, mabubuklod sa templo para sa buong kawalang-hanggan, at makakapiling ko ang ating Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo balang-araw.

Nang makauwi na ako mula sa misyon, nakita kong matupad ang pangarap na iyon. Nabinyagan ko ang aking ina, na naghahanda na ngayong pumasok sa templo. Madalas kong bisitahin ang aking pamilya, at mas malapit na kami sa isa’t isa kaysa rati.