2015
Hindi Nag-iisa Kailanman sa Sierra Leone
September 2015


Hindi Nag-iisa Kailanman sa Sierra Leone

Sa kabila ng sakit, pagkabukod, at matagal na epekto ng digmaan, alam ng mga Banal sa mga Huling Araw sa bansang ito ng Africa na naaalala sila ng Ama sa Langit.

Larawan
Church members in Sierra Leone holding church meetings in a home.

Mga larawan sa kagandahang-loob ni Norman C. Hill AT NI Mariatu Browne, MALIBAN KUNG IBA ANG NAKASAAD; WATAWAT NI ronniechua/iStock/Thinkstock; DILAW NA BANDILA NI Welden C. Andersen

Paano magiging matatag ang Simbahan kung ang inyong bansa, na nagbabangon pa rin mula sa digmaang sibil, ay nahawahan ng isang nakamamatay na virus at pagkatapos ay ibinukod sa iba pang mga bansa dahil sa sakit na iyan? Ano ang gagawin ninyo kung ang mga missionary, maliban sa lokal na mga missionary, ay inalis, hindi lang minsan kundi paulit-ulit?

Kung naninirahan kayo sa Sierra Leone sa bansang West Africa, aasa kayo sa Panginoon at mamamasdan ninyo ang patuloy na paglago ng Simbahan. Makikita ninyo ang mga lokal na lider na ginagampanan ang kanilang tungkulin. Makikita ninyo na pinalalakas ng mga miyembro ang isa’t isa, patuloy ang gawaing misyonero, at dinaraig ng pananampalataya ang takot.

Patuloy na Pag-unlad

Sa kabila ng digmaang sibil mula 1991 hanggang 2002, patuloy ang pagdami ng mga miyembro ng Simbahan sa Sierra Leone. Ang mga full-time missionary ay unang dumating sa bansang ito sa timog ng Sahara Desert noong Mayo 1988. Pagkaraan ng dalawang taon nabuo ang isang district. Sa iba’t ibang pagkakataon noong 1990s, inalis ang mga missionary dahil sa digmaan, ngunit patuloy na pinangasiwaan at pinalago ng mga miyembro sa lugar ang Simbahan. Noong 2007 nabuo ang Sierra Leone Freetown Mission, na kinabilangan ng Liberia. Pagkatapos noong Disyembre 2012, nag-organisa ng isang stake si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa kabisera ng Sierra Leone, ang Freetown. Ito ang ika-3,000 stake ng Simbahan.

Paglaban sa Ebola

Pagkatapos ay dumating ang Ebola. Ang paglaganap ng hemorrhagic fever na sanhi ng virus ay nagmula sa Guinea noong Marso 2014. Pumasok ito sa Sierra Leone noong Mayo at mabilis itong kumalat. Inilipat ang mga full-time missionary sa ibang lugar, at ang mission president sa Ghana ay hinilingan ding maglingkod bilang mission president ng Sierra Leone—habang nananatili sa Accra.

“Nang makaalis na ang mga missionary, nag-alala kami na baka wala nang tumulong sa amin,” sabi ng Kenema District president na si Jonathan Cobinah. “Gayunman, nang linggo ring iyon nakatanggap kami ng liham mula sa Africa West Area Presidency na tinitiyak sa amin na hindi iyon mangyayari.” Magmula noon, ang 13,000 miyembro sa Sierra Leone ay tumanggap ng suporta sa area, at nang maghandang tumulong ang mga international organization, nakipagtulungan ang Church Welfare Services at emergency response sa iba’t ibang pandaigdigang organisasyon para matugunan ang mga pangangailangan ng komunidad. (Tingnan sa sidebar.)

“Sa loob ng ilang araw, nagkaroon kami ng videoconference sa katatalagang mission president,” sabi ni President Cobinah. “Sinabi niya sa amin na kailangan ng pag-iingat sa mga miting at aktibidad ng Simbahan para hindi mahawahan ng sakit, at kung hindi naman ay itutuloy namin ang dati naming ginagawa.”

Para hindi na kumalat pa ang sakit, noong Setyembre 2014 ibinalita ng presidente ng Sierra Leone ang pagpapatupad ng lockdown sa buong bansa na magsisimula sa loob lang ng ilang araw. Sa panahon ng lockdown, lahat ng mamamayan ay inutusang manatili sa loob ng bahay nila. Kailangang pagkasyahin ng halos lahat ng tao ang anumang pagkain nila sa bahay.

Tamang-tama ang Dating

Mabuti na lang, ilang linggo bago ibinalita ang lockdown, nagsimula nang makipagtulungan ang Africa West Area sa headquarters ng Simbahan para pahintulutan ang paghahatid ng mga suplay na panlinis para sa lahat ng 7,800 pamilyang Banal sa mga Huling Araw sa Sierra Leone at maglaan ng isang 110-libra (50 kg) na sako ng bigas at ilang litro ng mantika sa mahigit 2,500 pamilyang LDS kung kailan kailangan. Hindi batid ang napipintong lockdown, agad pa ring inihatid ng mga lokal na lider ng Simbahan ang mga suplay na ito.

Larawan
Women on a balcony with food and cleaning supplies from the Church during the Ebola outbreak.

“Mahirap ipaliwanag ang pagpupumilit na nadama namin sa panahong iyon,” paggunita ni Sahr Doe, special assistant sa mission president. “Sa katapusan ng linggo nang maaprubahan ang pamamahagi ng mga suplay, nalaman namin na baka ma-quarantine ang isang partikular na lugar. Magiging napakahirap nang maghatid doon ng mga suplay, kaya maghapon at magdamag kaming nagkarga ng mga suplay sa mga trak at pinapunta na namin ang mga ito sa mga branch sa iba’t ibang dako ng bansa. Sa isang lungsod, dumating ang mga suplay ilang oras na lang bago ipagbawal ang pagpasok doon. Sa iba’t ibang dako ng bansa, nakapaghatid kami ng mga suplay bago nag-lockdown. Ito ay isang pagpapala sa aming lahat at isang himala sa makabagong panahong ito.”

Ang paglaganap ng Ebola ay nagdulot din ng malawakang pagkawala ng trabaho. “Halos mawalan na ako ng pag-asa,” sabi ni Sister Sai Kamaia ng Allentown Branch, na may tatlong anak na ang hanapbuhay ay pagbebenta ng kung anu-anong maliliit na bagay. “Naubos ang lahat ng pera ko pagsapit ng Setyembre, bago pa ipinatupad ang lockdown. Takot magnegosyo ang mga tao. Hindi ko alam ang gagawin ko.” Tulad ng iba, napaluha siya sa tuwa nang makatanggap siya ng mga suplay mula sa Simbahan.

“Bilang isang balo at pinuno ng aming pamilya, napakaganda ng pakiramdam na natulungan kami ng Simbahan,” sabi ni Sister Mary Margay ng Kissy Second Branch. “Inisip namin kung saan kami mamamalagi habang may lockdown. Labis kaming natuwa na maaari kaming manatili sa bahay nang may makakain.”

Tulad ng mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako, sinisikap ng mga Banal sa Sierra Leone na umasa sa sarili. Ngunit sa di-inaasahang panahong ito ng pangangailangan, tamang-tama ang dating ng mga suplay para sa marami na wala nang masulingan. “Ang tamang-tamang dating ng tulong na ito ay nagpabatid sa mga Banal dito na hindi sila nag-iisa kailanman,” sabi ni Mariatu Browne, public affairs director ng bansa. Habang naka-quarantine, ibinahagi rin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga suplay sa kanilang mga kapitbahay, na nagpala sa marami na may kakaunti o walang-walang pagkain.

Sa mga Kamay ng Panginoon

Sa kasamaang-palad, hindi lamang pag-iwas sa gutom ang problema. Nahawa sa sakit ang ilang Banal sa mga Huling Araw. Nakita ni Simon Kamara ng Teko Road Branch, na isang taon pa lang miyembro ng Simbahan, ang pagpanaw ng kanyang asawa at anak na lalaki sa sakit na Ebola. Pagkatapos ay nahawa rin siya.

“Nasa mga kamay ng Panginoon ang buhay ko,” sabi niya habang nasa isang pagamutan. “Tulad ng sinumang ama, gusto ko ang pinakamainam para sa aking mga anak. Pero ngayong natagpuan ko na ang ebanghelyo at nauunawaan ko na ang plano ng kaligtasan, malaki ang pag-asa ko para sa sarili ko at sa pamilya ko anuman ang mangyari.” Sa kabila ng mga paunang palatandaan ng paggaling, pumanaw si Brother Kamara. Nangulila nang husto ang naiwang mga anak sa kanilang mga magulang, bagama’t inaalagaan sila ngayon ng mga miyembro at kaibigan at maayos naman sila.

Isang Personal na Himala

Si Sister Haju Julloh ng Waterloo Branch ay isang nars. Dahil sa pag-aalaga sa mga maysakit, lantad siya sa virus araw-araw. Habang dumarami ang mga pasyente, ang mga protective gown sa ospital na pinagtatrabahuhan niya ay hindi gaanong nalalabhan at nalilinisan kung minsan. Hindi nagtagal matapos siyang sumapi sa Simbahan noong Agosto 2014, nasuring positibo sa Ebola si Sister Julloh at na-quarantine sa bahay niya.

“Hindi ako makapagsimba, kaya tinawagan at pinalakas ng mga miyembro ng branch ang loob ko,” sabi niya. “Habang nakakulong sa kuwarto ko, nagpasiya akong magtuon sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Binasa ko ang tungkol sa maraming espirituwal na karanasan, kabilang na ang mga himalang nangyari sa mga pangkaraniwang taong katulad ko. Gusto kong magkaroon ng himala ngunit hindi ko alam kung dapat nga akong humingi. Patuloy akong nagbasa at nakipag-usap sa mga kaibigan sa telepono tungkol sa mga bagay na nabasa ko. Pagkaraan ng ilang linggo sa bahay, muli akong sinuri kung may virus pa ako at negatibo ang naging resulta. Kinailangan akong manatiling naka-quarantine nang isa pang linggo at saka ako muling sinuri. Muli, negatibo ang naging resulta. Kaya pinayagan na akong lumabas ng bahay at magsimba at magbalik din sa trabaho. Isang himala iyan para sa akin.”

Pagpapabilis ng Gawain

Sa mahihirap na panahon, dapat bang magpatuloy ang gawaing misyonero? Ang mga Banal sa Sierra Leone ay may isang tradisyon. Patuloy nilang ibinabahagi ang ebanghelyo anuman ang mangyari.

“Sa halip na magreklamo sa sitwasyon namin o hindi kumilos, hinikayat namin ang mga Banal na tumulong sa pamamagitan ng pagtawag sa mga branch missionary na humalili sa mga full-time missionary,” paliwanag ni Pangulong Bai Seasy ng Kossoh Town District. “Wala kaming panahong maawa sa sarili; may gawain ng kaligtasan kaming dapat asikasuhin. Ipinares namin ang mga returned missionary sa mga magiging missionary at inorganisa sila sa mga zone.”

“Bawat branch mission leader ay pinayagang magkaroon ng phone card para makapagturo. Pananagutan nila ang paggamit nito, ngunit nakatulong ito sa mga branch missionary para patuloy na makaugnayan ang mga bagong investigator at bagong binyag, at malaking kaibhan ang nagawa ng pakikipag-ugnayang iyon,” sabi ni Brian Robbin-Taylor, isa pang special assistant sa mission president.

“Nagkaroon kami ng ‘mga phone lesson’ sa mga investigator at bagong binyag,” pagpapatuloy niya. “Karagdagan iyon sa lingguhang mga missionary lesson na ginaganap sa simbahan. Nakatugon kami sa mga pangangailangan ng mga miyembro at investigator na hindi namin makokontak kung wala iyon, dahil sa mga paghihigpit sa quarantine o mga pangamba na baka mahawa sa sakit.”

Ngayon ang mga nabinyagan sa Sierra Leone ay mababa lamang nang kaunti kaysa noong naroon ang mga full-time missionary, maraming di-gaanong aktibong miyembro na muling naging aktibo, at patuloy ang pag-unlad ng Simbahan.

Larawan
Baptisms in the Naije Town Branch in Sierra Leone.

Malaking Dahilan para Umasa

Sa paglaganap ng sakit, mahigit 60 porsiyento ang walang trabaho. Hindi madala ang mga pananim sa palengke dahil sa mga paghihigpit sa quarantine. Maraming mga mahal sa buhay ang nasawi. Walang dudang marami pang darating na mga pagsubok sa Sierra Leone.

Gayunman, sa kabila ng mga hamong iyon, tapat ang mga Banal at lumalago ang Simbahan. Tulad ng sabi ni Mariatu Browne, “Alam namin na inaalala kami ng Ama sa Langit. At kapag sumasainyo ang Panginoon, inaalalayan kayo ng Simbahan, at nagtutulungan kayo, may malaking dahilan para umasa. Bilang mga Banal sa Sierra Leone, hindi kami nag-iisa kailanman.”