2016
Isang Kakaibang Pasko
Disyembre 2016


Isang Kakaibang Pasko

Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.

Mahirap ang hindi makita si Inay, pero maaari pa ring maging masaya ang Pasko.

“Remember him, as you picture Christmas this year” (Children’s Songbook, 50).

Larawan
A Different Christmas

Halos Pasko na, pero hindi gaanong natutuwa si Diego. Iyon ang unang Pasko simula nang magdiborsyo ang kanyang mga magulang. At nag-iba na ang lahat. Sila ng kapatid niyang si Samuel ay ni hindi na makikita si Inay ngayong Pasko.

“Nag-iba na ang lahat,” sabi ni Diego kay Itay.

“Alam ko.” Malungkot ang mga mata ni Itay. “Kung minsan nagbabago ang mga bagay-bagay bago pa ito bumuti.” Ilang sandali siyang natahimik, pagkatapos ay ngumiti. “Ang Pasko ay maiiba sa taong ito, pero hindi iyan nangangahulugan na hindi tayo magiging masaya. Ipagdiriwang pa rin natin ang pagsilang ng Tagapagligtas.”

Tumango si Diego. Mahirap ang hindi makita si Inay, pero maaari pa ring maging masaya ang Pasko, tulad ng sabi ni Itay. Gustong pasayahin ni Diego ang Paskong ito.

Nagpunta siya sa kanyang kuwarto para mag-isip. Kung minsan gumagawa ng proyektong pangserbisyo ang pamilya para sa Pasko. Ano ang magagawa nila sa taon na ito?

Inilibot ni Diego ang kanyang tingin sa paligid ng kuwarto. Nakita niya ang isang laruang kotse na hindi na niya nilalaro. Dinampot niya ito at pinaikot ang mga gulong. Maganda pa rin talaga ito. Siguro maipapamigay nila nina Itay at Samuel ang ilang laruan sa mga batang wala nito! Nakakita siya ng iba pang mga laruan at inilagay ang mga ito sa isang bag kasama ang laruang kotse.

Nang matapos si Diego, dinala niya ang bag sa kuwarto ni Samuel. “Puwede ba kitang tulungang maglinis ng kuwarto mo?” tanong niya. “Sorpresa ito para kay Itay.”

Tumingala si Samuel mula sa larawang idinodrowing niya. “Oo naman.”

Magkasamang nilinis ng magkapatid ang kuwarto ni Samuel. Sinabi ni Diego kay Samuel ang plano niya. Nakakita sila ng ilang laruan na hindi na nilalaro ni Samuel at idinagdag ang mga ito sa bag.

Nang makatapos sila, dinala nila sa ibaba ang bag. “Itay,” sabi ni Diego, “nakakita po kami ng ilang laruan na hindi na namin nilalaro. Puwede po ba naming ipamigay ang mga ito sa mga batang walang laruan?”

Mukhang nagulat at masaya si Itay. “Magandang ideya iyan! Dalhin natin ang mga ito sa bahay-kanlungan ngayong hapon.”

Masaya kaming mabisita ang kanlungan. Nakalaro nina Diego at Samuel ang ilan sa mga bata habang kausap ni Itay ang matatanda.

Habang pauwi, nagtanong si Itay kung ano pa ang magagawa nila para maging espesyal ang Paskong ito.

“Noong nakaraang Pasko namigay tayo ng pagkain sa mga kapitbahay natin,” sabi ni Diego.

“Puwede nating gawin iyon,” sabi ni Itay. “Bumili tayo ng mga sangkap sa paggawa ng cookies.”

Naisip ni Samuel na magandang ideya ang cookies.

Tinulungan ng mga bata si Itay na bumili ng mga sangkap sa tindahan. Sa bahay gumawa sila ng masa at naggupit-gupit ng mga hugis ng bituin at puno. Nilagyan nina Diego at Samuel ng frosting na dilaw at berde ang cookies. Pagkatapos ay dinala nila ang maliliit na bag ng cookies sa mga kapitbahay nila.

Sa pagtatapos ng araw, pagod si Diego pero masaya siya. Sama-sama silang nakagawa nina Samuel at Itay ng mga bagay-bagay bilang pamilya at natulungan nila ang iba. Tama si Itay. Kakaiba ang Pasko, pero masaya pa rin iyon.