2016
Isang Sacrament Meeting ng mga Anghel
Disyembre 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Isang Sacrament Meeting ng mga Anghel

Ilang araw makalipas ang Thanksgiving, nagsimulang magkasakit ang tatlong-taong-gulang kong anak na si Drew. Gumising siya kada umaga, nag-almusal, nagbihis at mukhang maayos naman ang lagay niya, ngunit sa paglipas ng maghapon, nanamlay siya at ayaw kumain.

Nagpatuloy ito nang ilang linggo. Sa huli, araw ng Biyernes, Disyembre 18, dinala ko si Drew sa doktor nang bandang alas-3:00 ng hapon. Hindi makatayo o makalakad si Drew at maputla siya.

Tumingin ako sa doktor at sinabi ko, “Ganito na po siya kada hapon at gabi nitong nagdaang tatlong linggo.” Tiningnan ng doktor si Drew at agad itong ipinaospital. Sinuri nila ito ngunit hindi nila malaman kung ano ang sakit niya.

Kinabukasan, inilipat si Drew sa ibang ospital. Pinanghinaan na ako ng loob noong umagang iyon ng Linggo. Makalipas ang dalawang araw ng maraming pagsusuri mula sa dalawang magkaibang ospital, walang nakaalam kung ano ang sakit ng anak ko. Ang nakasama pa, araw ng Linggo iyon bago sumapit ang Pasko. Ang paborito kong sacrament meeting sa buong taon ay ang Pamaskong programa at hindi ko maririnig ang lahat ng magagandang awitin at mensahe sa aming ward.

Habang naglalakad kaming mag-asawa na kasama si Drew papunta sa silid sa ospital kung saan idaraos ang sacrament meeting, miserable ako. Lumapit ako sa mesang kinalalagyan ng mga kopya ng programa sa sacrament meeting, dumampot ako ng isa, at naglakad habang nakatungo nang may makasalubong akong tao.

Tumingala ako at sinabi ko, “Sori po,” pero wala naman palang tao. Nang tumingin ako sa loob ng silid na pagdarausan ng sacrament meeting, mukha itong awditoryum. Sa entablado may mga upuan para sa mga tagapagsalita, isang piyano, at isang mesang nakahanda para sa sakramento na may ilang upuan sa likod. Ang silid ay may kalat-kalat na mga batang maysakit at kanilang mga magulang, at marami sa mga bata ang nakasuwero.

Nang igala ko ang paningin ko sa buong silid, nadama ko ang presensya ng mga anghel. Naupo na kami at tumulo ang mga luha sa aking mga pisngi nang madama ko ang pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak na maysakit at naghihirap, na nakaratay sa ospital at samu’t-sari ang karamdaman sa pinakamagandang bahagi ng taon.

Iyon ang naging pinakamagandang sacrament meeting sa buhay ko.

Hindi natuklasan ng mga doktor kung ano ang sakit ni Drew kahit kailan. Niresetahan siya ng gamot para sa mga sintomas at pinalabas na ng ospital kinabukasan. Hindi nagkaroon ng negatibong epekto sa kanya ang pagkaospital na iyon, ngunit ang sacrament meeting na iyon sa araw ng Pasko ay mananatili sa aking alaala habampanahon.