2016
Ang Paglilingkod sa Misyon na Kailangan Ko
Disyembre 2016


Ang Paglilingkod sa Misyon na Kailangan Ko

Ang awtor ay naninirahan sa São Paulo, Brazil.

Miyembro ako ng Simbahan, pero kailangan ko rin ang mga missionary.

Larawan
young man praying

Nang mag-17 anyos ako, wala na ang lahat ng kaibigan ko. Nagsilipat na sila sa malayo, nasa misyon, o basta’t ayaw na akong kaibiganin. Kahit naroon ang pamilya ko, dama ko pa ring nag-iisa ako. Dama kong walang sumusuporta sa akin sa labas ng aking tahanan, at hindi ko makayang makibagay sa iba kahit na sinikap kong gawin ito.

Isang araw dumating sa bahay namin ang mga bagong missionary na nakadestino sa aming ward at nagpakilala sa amin. Itinanong nila kung paano nila kami matutulungan. Wala akong pakialam noon sa sinasabi nila dahil ang nasa isip ko lang ay kung gaano ako kalungkot. Pagkatapos ay sinabi ng mga missionary na ikalulugod nila kung tutulungan ko sila sa pagtuturo ng ilan sa kanilang mga lesson. Nagulat ako! Bakit sila hihingi ng tulong sa isang tao na malinaw na hindi maganda ang pakiramdam sa sarili?

Pumayag na rin ako, at sinamahan ko sila sa ilang lesson. Hindi lamang tinulungan ng mga missionary ang mga taong tinuturuan nila kundi naging mabuting impluwensya rin sila sa akin.

Nang malipat ang isa sa mga elder, natanto ko na bumuti na ang buhay ko simula nang sumama ako sa mga missionary. Magkatulad kami ng sumunod na elder sa maraming bagay, at nagpatuloy ako sa pagsama sa mga missionary. Hinikayat, tinuruan, at sinuportahan nila ako. Napabuti nila ang pakiramdam ko sa mga araw na nahihirapan ako. Sa kabila ng pagkakaiba sa wika at sa kanilang abalang iskedyul, sinikap ng mga missionary na tulungan ako. Tinulungan ako ng mga missionary na matanto na hindi ako nag-iisa. Binabantayan at tinutulungan ako ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa pamamagitan ng ibang tao.

Nang umalis ang bagong elder, pinasalamatan ko siya sa pagiging instrumento sa mga kamay ng Panginoon para iligtas ako. Nagpapasalamat ako na napunta siya sa mission na iyon dahil isang pagpapala siya sa akin.

Bago sumapit ang panahong ito, halos wala akong hangaring magmisyon, ngunit habang minamasdan ko ang mga missionary na ito, lumaki ang hangarin kong maglingkod. Malapit na akong umalis para magmisyon, at umaasa ako na maibibigay ko ang lahat sa Panginoon gaya ng mga missionary na iyon.

Bago dumating sa aming tahanan ang unang set ng mga missionary na iyon, naaalala ko na malungkot ako nang gabing iyon at nagdarasal. Buong puso kong hiniling sa Diyos na magpadala ng isang kaibigan man lang para tulungan at suportahan ako. Sinagot ng Panginoon ang dasal ko sa hindi inaasahang paraan—sa pagpapadala ng mga missionary. Alam ko na si Jesucristo ay buhay at ang mga missionary ay Kanyang mga lingkod.