2016
Pagbati kay Jesus
Disyembre 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pagbati kay Jesus

Larawan
little girl waving

Paglalarawan ni Dan Burr

Makalipas ang ilang linggong pag-asam, sa wakas ay sumapit din ang Bisperas ng Pasko. Halos buong pamilya ay kasama namin—sina Lola at Lolo Fletcher, ang tatlo naming anak na babae at ang kani-kanilang asawa’t mga anak. Padilim na at nagsisindihan na ang mga ilaw sa mga lansangan. Nagkikislapan ang magagandang dekorasyon sa mga bahay habang masayang kumukutitap ang mga ilaw ng Christmas tree sa mga bintana.

Naghahanda kaming magpunta sa Nativity Pageant, na maraming taon nang itinatanghal ng Simbahan sa Calgary, Alberta, Canada. Tuwing Bisperas ng Pasko inasam naming magpunta sa outdoor pageant na kumpleto sa mga asno, tupa, Pantas na Lalaki, pastol, sundalong Romano, anghel, at malakas na sound system. Naghatid ito ng diwa ng kapayapaan, pag-ibig, at tunay na kahulugan ng Pasko sa aming abalang pagdiriwang.

Nakarating kami sa Heritage Park, kung saan itinanghal ang pageant, at hindi nagtagal ay masaya na naming pinakinggan ang magandang musika ng Mormon Tabernacle Choir at pinanood ang kuwento ng pagsilang ng Tagapagligtas. Ang panganay naming apo na si Lauren ay tatlong taong gulang noon. Naakit siya sa mga tanawin, tunog, at kuwentong pinanonood namin. Lumikha ng maliliit na ulap ang aming hininga sa napakalamig na hangin sa silong ng maaliwalas at mabituing kalangitan. Pinanood namin ang pagsunod ng mga taong gumaganap sa papel na Jose at Maria sa utos ni Augusto Cesar na magpunta sa Betlehem para magpatala. Ang babaeng gumanap na Maria ay “kasalukuyang kagampan” (tingnan sa Lucas 2:5), at ang tanging lugar na nakita nilang matutuluyan ay isang abang kuwadra ng mga hayop. Doon, “kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban” (tingnan sa Lucas 2:7). Natuon ang mga spotlight sa burol kung saan nakita namin ang mga taong gumanap na mga pastol na “pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan” (tingnan sa Lucas 2:8). Walang anu-ano, biglang lumitaw na nakalutang sa hangin ang isang tauhang nakadamit na anghel, na nasisinagan ng liwanag. Biglang sumigaw si Lauren nang buong pagmamahal, “Jesus, ako si Lauren!”

Narinig ng lahat ng nasa paligid namin ang kanyang pagbati at mahina silang nagtawanan, na natutuwa sa sorpresa. Pagkakamali iyon sa pagkilala ng isang walang malay, ngunit para sa amin pinaganda niyon ang aming alaala sa pageant sa taon na iyon. Alam ni Lauren na kilala siya ni Jesus, at ipinaalala sa amin nito ang aming kaalaman na kilala Niya ang bawat isa sa atin. Inisip namin kung naaalala pa ni Lauren ang kanyang Tagapagligtas na iniwan niya tatlong taon pa lang ang nakalilipas. Ang biglaang pagbati ni Lauren ay nagbigay sa amin ng pag-asa na makikilala rin namin Siya kapag nakaharap namin Siya. Ang pagmamahal ni Lauren sa Tagapagligtas at ang Kanyang pagmamahal kay Lauren ay nagpainit sa aming puso sa napakalamig na gabing iyon ng Bisperas ng Pasko.