2021
Pagkakaroon ng Lakas at Tapang na Lumipad
Pebrero 2021


Pagkakaroon ng Lakas at Tapang na Lumipad

Bilang mga anak ng Diyos, ang ating likas na kabanalan ay nagbibigay sa atin ng kakayahang lumipad sa espirituwal.

Larawan
bird flying out of a nest

Ilang saglit pa lang ang nakalilipas, isang pares ng kalapati ang nagsimulang gumawa ng pugad sa isang puno sa aking hardin. Nanood ako habang nagtitipon sila ng maliliit na sanga para malikha ang magiging tahanan nila.

Makalipas ang ilang araw, nakakita ako ng mga pinagbalatan ng itlog sa damuhan. Dalawang magagandang sisiw ang napisa. Napakabilis ng kanilang paglaki kaya hindi nagtagal ay halos kasing-laki na sila ng kanilang ina.

Isang umaga minasdan ko ang isa sa mga sisiw, na nasa gilid ng pugad, na ilang beses na nagtangkang lumipad. Sa wakas, tumalon na ang sisiw na kalapati, na lumipad papunta sa bubong ng bahay namin. Sa loob ng ilang araw, ang matapang na kalapating ito ay kasama na ng kanyang ina sa paglipad.

Samantala, ang isa pang sisiw ay nakamasid mula sa pugad. Marahil iniisip nito na isang araw ay makakasama na ito sa kanila. Nag-alinlangan ako. Parang walang balak na lumipad ang sisiw na ito.

Gayunman, nagulat ako nang makaraan ang ilang araw ay nakita ko ang sisiw na naglalakad sa damuhan sa ibaba ng pugad. Malinaw na tinangka nitong lumipad. Sa loob ng ilang araw matapos niyon, ang sisiw na ito ay maraming beses na nagtangkang lumipad. Sa wakas, nagtagumpay ito, lumipad pabalik sa pugad at mula doon papunta sa kalangitan.

Bilang mga anak ng Diyos, ang ating likas na kabanalan ay nagbibigay sa atin ng kakayahang lumipad sa espirituwal. Gayunman, maaari nating magawa ang pagkakamali na sukatin ang ating pag-unlad sa unang paraan ng pagsukat ko sa progreso ng atubiling sisiw na kalapati sa progreso ng kapatid nito. Kapag ikinukumpara natin ang ating espirituwal na mga pagsisikap sa pagsisikap ng iba na itinuturing nating mas magigiting, maaaring isipin natin na hindi tayo sumusulong.

Nais din ng kaaway na isipin natin na hindi tayo maaaring umunlad sa espirituwal. Nais niyang paniwalaan natin na ang mga bagay na temporal lamang ang mahalaga, kaya tinutukso niya tayo gamit ang mga panggagambala na tulad ng mga uso at walang kabuluhang bagay ng daigdig.

Sa panahon ng ating buhay sa lupa, dumaranas tayo ng maraming pagsubok, pagdurusa, at kabiguan. Ngunit sinabihan tayo ng ating Ama sa Langit na, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon” (Josue 1:9). Kapag nagkukulang tayo, inaasahan ng Panginoon na patuloy tayong magsisikap, aalalahanin ang ating potensyal, at, gaya ng sisiw, ituon ang ating paningin sa langit.