2021
Pagsulong nang May Pag-asa sa mga Panahong Hindi Inaasahan
Pebrero 2021


Mga Young Adult

Pagsulong nang May Pag-asa sa Panahong Hindi Inaasahan

Kapag nakadarama tayo ng takot at kawalang-katiyakan tungkol sa pagsulong sa buhay, ang ating pag-asa at pananampalataya kay Cristo ay maaaring maging tanglaw sa daan.

Larawan
woman in sunlight

Walang sinuman sa atin ang nakaisip sa pandaigdigang epekto ng pandemyang COVID-19.

Para bang ang lahat ng bagay sa mundo ay natigil, sa hindi batid na tagal ng panahon, na nagiging sanhi ng kawalang-katiyakan na nagpapadilim sa ating isipan tungkol sa hinaharap.

Umuwi ako mula sa misyon ko sa Arizona, USA, nang nagsisimulang lumaganap ang pandemya sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa huling ilang linggo ng aking misyon, nakikinita ko na ang gusto kong mangyari sa buhay ko kapag nakauwi na ako. Gumawa ako ng mga partikular na plano at mithiin at handa nang magsimula! Nagplano akong mag-aral sa nursing school, magsimula ng mga bagong libangan at maghanap ng mga bagong kaibigan, at samantalahin ang napakaraming oportunidad na dumarating habang bata pa ako. Nakadama ako ng kapayapaan at katiyakan na ginagabayan ako ng Diyos at na maraming dakilang bagay na nakalaan para sa akin pagkatapos ng aking misyon.

Nagbago iyon kaagad nang makauwi na ako.

Isa-isang nakansela ang mga plano ko dahil sa COVID-19. Nagsimula akong magduda at mag-alinlangan sa mga desisyon at mithiing ginawa ko. Pinili kong maghanap ng trabaho habang hinihintay kong magsimula ang mga online class sa halip na lumipat sa ibang estado para simulan ang pag-aaral ko gaya ng orihinal kong plano. Hindi nagtagal, nadama ko na nawala na ang aking layunin at na nag-aaksaya ako ng maraming oras. Dati-rati ay gusto kong puno ang iskedyul bilang missionary, kaya bigla akong nalungkot, nainip, at nadamang wala akong silbi.

Hindi ko na inaasam ang hinaharap. Ayaw kong harapin ang pagbabagong ito sa buhay. Gusto kong balikan ang nakaraan, balikan ang mga dating kaibigan at lugar na minsang nagpasaya sa akin. Ang pananaw at mga plano ko sa buhay ilang linggo pa lang ang nakaraan ay naglaho, at nadama ko na para akong paralisado sa kadiliman, pangamba, at panghihina ng loob. Dama ko na parang hindi ako ito. Katatapos ko lang sa napakagandang karanasan ng paglilingkod sa Panginoon sa loob ng 18 buwan, ngunit ngayon ay mas mababa ang tingin ko sa sarili ko.

Inisip ko kung bakit mali ang lahat at kung saan naroon ang ipinangakong mga pagpapala ng Panginoon. Ang mga katiyakan na nadama ko sa mga huling linggo ng aking misyon ay tila naglaho.

Pagkatapos ay sumapit ang pangkalahatang kumperensya, at natanto ko kung gaano ako nagkukulang sa isang partikular na aspeto sa buhay—pag-asa.

Si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng mensahe na pinamagatang “Isang Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020), at talagang tumatak ito sa aking isipan. Natanto ko na dahil sa pananampalataya ko kay Cristo, kaya at dapat akong umasa sa mas mabubuting bagay na darating. Dahil buhay si Cristo at patuloy Siyang kumikilos sa buhay ko, natanto ko na ang aking hinaharap ay mapupuno ng himala at sagana sa pagpapala na tulad ng aking nakaraan.

Dahil nadama at dinaig ng Tagapagligtas ang lahat ng kakaharapin ko, kaya kong paniwalaan, kahit may dahilan para hindi paniwalaan, na magiging mas mabuti ang lahat—kahit kung minsan ay nasisira ang mga plano ko.

Natanto ko na kung nais kong magkaroon ng kagalakan, tagumpay, at katuparan ng mga nais ko sa buhay, dapat akong magpatuloy at sumulong nang may pag-asa, kahit na nahaharap sa kawalang-katiyakan. Madali ang sumuko at maging miserable. Mahirap tiisin ang ating mga paghihirap nang may tiyaga at tiwala, at nang may matibay na katiyakan na ang Diyos ang bahala at mas bubuti ang mga bagay-bagay. Ngunit tulad ng ipinayo ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Nawa’y piliin natin palagi ang tama na mas mahirap gawin sa halip na ang mali na mas madaling gawin.”1

Magtiwala na pinatatatag ka ng Diyos kahit pakiramdam mo na bumabagsak ka na. Magtiwala na sa huli, magiging maayos ang lahat dahil “ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios” (Mga Taga Roma 8:28).

Kapag napalilibutan tayo ng maiitim na ulap at nakadarama tayo ng takot at kawalang-katiyakan hinggil sa pagsulong sa landas ng buhay na ito, ang ating pag-asa at pananampalataya kay Cristo ay maaaring tumanglaw sa ating daan at tutulong sa ating gumawa ng isang maliit na pasulong na hakbang. Dahil sa Kanya, posibleng magalak tayo ngayon kahit na hindi natin gusto o inaasahan ang ating kalagayan.

Kung matagpuan mo ang sarili mo na nasa pagitan ng mga pagbabago sa buhay o ang mga bagay ay hindi ayon sa gaya ng nais mong mangyari, alalahanin na ang Ama sa Langit ay may plano para sa iyo na maaaring hindi mo kayang mawari. Kahit kapag tila tahimik Siya kung minsan, aktibo Siyang kumikilos sa iyong buhay. Nakikita Niya ang katapusan mula sa simula. Kung umaasa ka sa Kanya at nagpapatuloy, ginagawa ang lahat ng makakaya mo sa kalagayan mo sa ngayon, tiyak na magiging mas maganda ang buhay mo kaysa inakala mo.

Huwag sumuko. Patuloy na magsikap kahit kapag hindi mo makita ang mga resulta ng iyong mga pagsisikap at parang hindi ito bumubuti. Magpatuloy kahit na ang mga bagay-bagay ay hindi naaayon sa plano. Hanapin ang kamay ng Panginoon sa iyong buhay at kilalanin ang Kanyang kabutihan. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa layuning kumilos ayon sa Kanyang mga salita. Gawin ang lahat ng makakaya mo, anuman ito ngayon. Patuloy na kumapit. Patuloy na sumulong. At patuloy na umasa na, sa Kanyang paggabay, magiging mas maayos ang mga bagay-bagay.

Tala

  1. Thomas S. Monson, “Mga Pagpili,” Liahona, Mayo 2016, 86.