2021
Makasusumpong Tayong Lahat ng Galak sa Ating Personal na mga Bilangguan
Pebrero 2021


Digital Lamang

Makasusumpong Tayong Lahat ng Galak sa Ating Personal na mga Bilangguan

Dahil kay Cristo, ang pinakamahihirap na panahon natin ay maaaring maging pinakamasasayang panahon sa ating buhay.

Larawan
babae sa may bintana

“Sapagkat aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan” (Filipos 4:11). Ito ang mga salita ni Pablo sa isang liham sa mga taga-Filipos. Ngunit ang masiyahan saanman tayo naroon o kung ano ang pinagdaraanan natin ay mas madaling sabihin kaysa gawin.

Talagang kagila-gilalas na si Pablo pa, sa lahat ng tao, ang nasiyahan sa kalagayan niya. Isinulat niya ang mga salitang ito habang nakagapos sa bilangguan—at hindi rin iyon katulad ng mga bilangguang iniisip natin ngayon. Ngayon, ang mga bilangguan ay karaniwang isang silid na gawa sa kongkreto, may kubeta, pagkain, at malinis na damit at nagbibigay ng pagkakataong magtrabaho at makihalubilo sa iba, kahit paano. Pero si Pablo ay nasa isang bilangguan na inilalarawan ng mga mananalaysay na “labindalawang talampakan [3.6 m] ang lalim sa lupa” at “nakakasuka at nakakarimarim dahil marumi, madilim, at mabaho.” Sa kuwartong iyon, na 6 ½ talampakan (2 m) ang taas, 30 talampakan (9 m) ang haba, at 22 talampakan (7 m) ang lapad, “itinapon ang mga bilanggong hinatulang mamatay sa sakal o pagkagutom.”1

Doon namalagi si Pablo noon.

Subalit, kahit paano, sa kakila-kilabot na lugar na ito, isinulat niya ang tinatawag ng maraming Kristiyano na pinakamasayang aklat sa Biblia. Nagpahayag siya ng pasasalamat (tingnan sa mga Filipos 1:3), pag-asa (tingnan sa Filipos 1:20), at tiwala sa Panginoon (tingnan sa Filipos 2:19). Mahigit 15 beses niyang tinukoy ang galak at pagkagalak sa sulat na ito pa lang.

Hindi tulad ni Pablo, karamihan sa atin ay hindi gumugugol ng ating panahon sa loob ng bilangguan. Ngunit napakarami sa atin ang maaaring makulong sa isang kalagayan ng isipan na parang bilangguan—nakakulong sa pagsubok na mukhang sasaklob sa atin. Ang ating mga bilangguan ay maaaring pagkawala ng trabaho, pagpanaw ng mahal sa buhay, kapanglawan, takot, problema sa pera, adiksyon, pasakit, o pag-aalala. Kapag pakiramdam natin ay nakakulong tayo sa ating sariling mga bilangguan, pinupuspos ba natin, tulad ni Pablo, ang ating puso at pananalita ng pasasalamat, pag-asa, pananampalataya, tiwala, at galak? Kaya ba nating gunitain ang mga panahon natin sa bilangguan at ituring ang mga ito bilang pinakamasasayang panahon ng ating buhay? Paano nagiging posible iyan?

Nagiging posible ito kapag naniniwala tayo sa pinaniwalaan ni Pablo nang sabihin niyang, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Sa pamamagitan ni Jesucristo tayo lubos na magagalak kahit sa ating pinakamadidilim na lugar, “sa anumang kalagayang aking kinaroroonan” (Filipos 4:11).

Nakiusap si Pablo sa mga taga-Filipos, “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay”—sa madaling salita, huwag gaanong mag-alala tungkol sa anumang bagay, “kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos” (Filipos 4:6). Sabi pa ni Pablo, “At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus” (Filipos 4:7). Kapag nasa loob tayo ng ating mga bilangguan at nagdarasal sa abot ng ating makakaya, at nagpapasalamat sa Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang nagawa, talagang matitiyak natin na magiging maayos ang lahat dahil kay Jesucristo.

Tandaan lamang na noong nasa bilangguan si Pablo, isinulat niya ang pinakamasayang aklat sa Biblia dahil kay Cristo. Ang sarili nating mga bilangguan ay maaari ring maging pinakamasasayang panahon sa ating buhay. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”2 Maaari tayong maging masaya at mapalakas kay Jesucristo, anuman ang ating kalagayan.

Mga Tala

  1. “Roman Prisons,” UNRV, na-access noong Hulyo July 6, 2020, unrv.com/government/roman-prisons.php.

  2. Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 82.