2021
Paano Kung Hindi Ako Nagpunta?
Pebrero 2021


Paano Kung Hindi Ako Nagpunta?

Ang karanasang natatak sa aking isipan at kaluluwa ang dahilan kung bakit kinailangan kong dumalo nang gabing iyon.

Larawan
lighting a candle

Halos kumbinsihin ko ang sarili ko na huwag nang pumunta noong gabing iyon. Alam ko na ang isang gabi ng paggunita ay makatutulong sa akin na makayanan ang pagkawala ng aking ina, ngunit alam ko rin na ang gabi ay maghahatid ng mga luha habang patuloy akong nagdadalamhati sa pagpanaw niya.

Habang papalapit ang oras sa gabi ng paggunita, natagpuan ko ang sarili kong naghahandang pumunta sa kabila ng mga pag-aatubili ko noong una. Nagpasiya ako na makabubuti para sa akin ang magpunta doon.

Ang gabi ng paggunita, na nagbigay parangal sa ilang tao na pumanaw kamakailan lang, ay ginanap sa funeral home na nag-asikaso sa libing ng aking ina. Maliban sa funeral home director at sa kanyang pamilya, wala akong kakilala sa mga tao na nasa silid. Noong gabing iyon, binasa ang pangalan ng bawat taong namatay, at isang kinatawan ng pamilya ang nagsisindi ng maliit na kandila bilang pag-alaala sa taong iyon.

Pagkatapos ng serbisyo, tumayo ako para magmiryenda. Lahat ng mga nakaupo sa likuran ko ay nagsialis na maliban sa isang mahinang babae na may nakakabit na aparato para sa paghinga sa tabi ng kanyang walker. Nadama ko ang kalungkutan at paghihirap na nadarama niya. Nadama ko rin na kailangan ko siyang yakapin.

Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam niya sa isang estranghero na yayakap sa kanya, pero sinunod ko ang simpleng pahiwatig na ito. Lumapit ako sa kanya na nakaunat ang aking mga kamay. Inabot niya ang mga kamay ko at hinila niya ako palapit sa kanya. Hinagkan niya ako sa pisngi at sinabing, “Salamat at alam mong kailangan ko ng yakap. Isa kang anghel.” Pagkatapos ay nag-usap kami sandali.

Sa karanasang ito ay natatak sa isipan at kaluluwa ko ang dahilan kung bakit kinailangan kong pumunta roon. Yayakapin kaya ng ibang tao ang babaeng ito nang gabing iyon kung hindi ako nagpunta? Hindi ko alam, pero alam ko na ipinahiwatig sa akin na yakapin ko siya, at dahil ginawa ko ito, kapwa kami pinagpala.