2021
Pag-aadjust sa Pagbabago Pagkatapos ng Aking Misyon
Pebrero 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pag-aadjust sa Pagbabago Pagkatapos ng Aking Misyon

Maaaring hindi perpekto ang buhay pagkatapos ng misyon, ngunit maaari pa rin tayong magkaroon ng kagalakan at layunin habang patuloy tayo sa pagiging mga disipulo ni Jesucristo.

Larawan
dalagitang may hawak na Aklat ni Mormon

Gustung-gusto ko ang misyon ko sa Colombia. Naging pinakamagandang bahagi ito ng buhay ko. Minahal ko ang mga taong nakilala ko at tinuruan ko. Minahal ko rin ang mga kompanyon ko, at marami akong natutuhan sa kanila! Iniisip ko ang misyon ko araw-araw.

Pagkatapos ng training ko sa missionary training center, akala ko handa na akong magmisyon, pero marami pa rin akong dapat matutuhan sa misyon. At gayundin ang nangyari pagkatapos ng aking misyon—akala ko alam ko na ang lahat ng kailangan kong malaman tungkol sa buhay. Akala ko handa na ako para sa lahat ng mararanasan ko sa buhay. Akala ko magiging perpekto ang lahat.

Pero, tulad ng hula ninyo, hindi ito naging perpekto.

Noong nasa misyon ako, inoperahan, nagkasakit, at namatay ang aking Tita Cecilia. Matapos ipagdasal ang tungkol dito, nagpasiya ang mga magulang ko na hintayin akong makauwi bago sabihin sa akin ang pagkamatay niya. Labis akong nasaktan nang malaman kong pumanaw na siya. Siya ang paborito kong tita noon pa man, at nalungkot ako na hindi ako nakauwi para magpaalam.

Pero hindi lang iyon ang nagbago habang wala ako. Umasa ako na magmimisyon ang kapatid ko habang nasa misyon ako, pero nagbago ang isip niya. Mahirap ito para sa mga magulang ko, at mahirap din ito para sa akin.

At hindi na rin tulad ng dati ang pagtingin sa akin ng mga kaibigan ko kumpara noong bago ako magmisyon. Palagi kong niyayayang magsimba noon ang mga kaibigan kong hindi miyembro, pero nang makauwi ako at yayain ko silang muli, ibang-iba na ang kilos nila. Ayaw nilang magkaroon ng anumang kaugnayan sa Simbahan. Hindi ko tiyak kung ano ang nagbago, pero ipinagdasal ko pa rin sila at binahaginan ng mga espirituwal na mensahe. Pero talagang nadama ko na nag-iisa ako at parang wala akong mga kaibigan.

Napakaraming nagbago habang wala ako, at ang pag-aadjust sa mga pagbabagong iyon pagkauwi ko ay mahirap.

Ang Kahalagahan ng Paglilingkod

Noong nasa misyon ako, kapag pinanghihinaan ako ng loob o iniisip ko na hindi ko na kayang magpatuloy, nagdarasal ako para humingi ng tulong. Kaya alam ko na makakaasa akong tutulungan ako ng Ama sa Langit na maka-adjust sa bagong buhay na ito.

Nadama ko na kailangan kong maglingkod. Ang paglilingkod ay palaging nagpadama sa akin na mayroon akong layunin. Kinausap ko ang bishop ko at sinabi ko sa kanya na nais kong maglingkod. Tinawag niya akong maging Young Women secretary.

Makalipas ang ilang buwan, sinabi ko sa Ama sa Langit na gusto kong umunlad at mas matuto pa sa buhay ko, at humingi ako ng tulong sa Kanya. Kinabukasan, tinawag ako na maging pangalawang tagapayo sa stake Primary presidency.

Ang makapaglingkod sa mga dalagita at sa mga bata sa Primary ay talagang nakatulong sa akin na makibagay sa buhay pagkatapos ng aking misyon. Nagawa kong magtuon sa pagtulong sa kanila na bumaling sa Tagapagligtas sa halip na magpokus sa mga hamon ko sa buhay. Sa paglipas ng panahon, naging mas madali nang mag-adjust nang sikapin kong maglingkod.

Ang Pinaninindigan Ko

Ang isa pang nakatulong sa akin na mag-adjust sa buhay pagkatapos ng misyon ay ang pagbabahagi ng aking patotoo tuwing may pagkakataon ako. Kung minsan nagkaroon pa ako ng pagkakataong ibahagi ang aking mga paniniwala sa mga presentation sa mga klase ko sa unibersidad.

Matapos akong atasan ng propesor ko sa philosophy na gumawa ng isang presentation tungkol sa katarungan at kalayaan, ipinalabas ko ang isang video ng Simbahan na pinamagatang “Be Still, My Soul.” Ang video ay tungkol sa isang babaeng inaresto dahil sa pagkalulong sa droga. Habang nasa piitan, nangulila siya sa kanyang mga anak. Matapos ang kanyang rehabilitasyon, umuwi siya na iba na ang pagkatao.

Tinapos ko ang aking presentation sa aking patotoo. Sinabi ko na lahat tayo ay binigyan ng Diyos ng kalayaan, pero binigyan Niya tayo ng mga kautusan upang ipaunawa sa atin kung paano iiwasang masaktan ang ating sarili o ang ibang tao. Pinatotohanan ko rin na Siya ay buhay.

Hindi kinontra ng propesor at mga kaklase ko ang anumang sinabi ko. At naiwan silang nag-iisip dahil sa aking patotoo. Nalaman ko na hindi mo malalaman kung kailan kakailanganin ng isang tao ang iyong kabatiran para maniwala na talagang mayroong Diyos at buhay si Jesucristo.

Sa kabuuan, patuloy lamang na paglapit kay Cristo at pagtulong sa iba na lumapit sa Kanya ang nakatulong sa akin na makapag-adjust sa buhay pagkatapos ng misyon ko. Hindi na ako full-time missionary, pero maaari pa rin akong magdasal, maglingkod, at magpatotoo sa katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Matutulungan ko pa rin ang ibang tao at magagawa ang ginawa ko sa aking misyon—sa ibang paraan nga lang.

Ang pag-aadjust sa buhay pagkatapos ng misyon ay maaaring mahirap, pero magkakaroon pa rin tayo ng kagalakan at layunin kapag tinatandaan natin ang natutuhan natin bilang mga missionary at habang patuloy tayo sa pagiging mga disipulo ni Jesucristo. Tutulungan tayo ng Ama sa Langit na magtagumpay habang sinisikap nating sundin Siya.