2021
5 Tip para Magtagumpay bilang Estudyante sa Unibersidad
Pebrero 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

5 Tip para Magtagumpay bilang Estudyante sa Unibersidad

Gusto mo bang matagalan ang buhay sa unibersidad? O gusto mo bang magtagumpay sa unibersidad? Ang mga tip na ito ay maaaring makagawa ng malaking kaibhan.

Larawan
binatilyong nag-aaral

Nasa kampus ka man ng kolehiyo o kumukuha ng kurso online, magkakahalo ang damdaming dulot ng karanasan sa unibersidad: kasabikan na naghahanda ka para sa sarili mong hinaharap at siguro may kaunting pag-aalala na baka hindi mo matapos ang mas mataas na kurso at mabayaran ang matrikula. Para sa akin, ang pag-aaral sa unibersidad ay isang bagong karanasan. Pinili kong magdormitoryo habang nag-aaral, na ibig sabihin ay hindi ako nakatira sa bahay namin, kasama ko sa kuwarto ang isang (kadalasa’y makalat) na estranghero, at pinipilit kong kumain ng ibang pagkain maliban sa sandwich—lahat ng iyan habang nag-aaral ako ng mahihirap na kurso!

Maraming pagbabago sa kolehiyo, at madalas akong mag-isip kung sapat ang kakayahan ko para magtagumpay. Bagama’t natagalan bago ako nasanay sa buhay sa unibersidad, natuto rin ako ng mga gawi kalaunan na nakatulong para magtagumpay ako sa aking karanasan sa kolehiyo. Narito ang limang tip na nakatulong sa akin na makapag-adjust sa kolehiyo.

1. Bigyan ng Prayoridad ang Ebanghelyo at Hangaring Pakinggan Siya

Ito siguro ang pinakamahalagang tip sa lahat. Nang magsimula ako sa kolehiyo, ang sabay-sabay na paggawa ng homework, pagpasok sa klase, at pagtatrabaho—habang sinisikap na magkaroon ng oras para sa mga kaibigan—ay napakahirap kung minsan. Ngunit natanto ko na hindi ako madalas magtuon sa pag-aaral ng banal na kasulatan at pagdarasal. Dahil nang gawin ko iyon, tila naging mas madaling gawin ang lahat ng iba pang bagay. Ngayon kapag nai-stress ako, sinusuri ko sandali kung paano ko mabibigyan ng prayoridad ang ebanghelyo sa buhay ko. Hindi ako perpekto roon, pero sinisikap kong magdasal at mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw para mas marami akong pagkakataong “pakinggan Siya,” tulad ng paghikayat ni Pangulong Russell M. Nelson na gawin natin.1 Natanto ko na ang mahalaga sa akin ay mahalaga sa Ama sa Langit, lalo na ang pag-aaral ko. Kapag ginagawa ko ang lahat at humihingi ako ng tulong sa Kanya, sinasamahan Niya ako at pinalalakas ako para magawa ko ang lahat ng iba pang kailangan kong gawin.

2. Magtakda ng mga Mithiin at Rebyuhin ang mga Ito nang Madalas

Sa simula ng bawat semestre, gusto kong gumawa ng pangmatagalan at pangmadaliang mga mithiin. Ang pangmadaliang mga mithiin ay maliliit na mithiing makakatulong sa akin na maabot ang malaki at pangmatagalan kong mithiin. Halimbawa, ang pangmatagalan kong mithiin ay makapagtapos ng bachelor’s degree sa Public Relations, at ang isa sa mga pangmadalian kong mithiin ay ipasa ang lahat ng assignment ko sa takdang oras. Isinusulat ko ang mga mithiing ito at inilalagay ko kung saan madalas kong makikita ang mga ito, gaya ng sa cellphone ko o nakasabit sa refrigerator. Ang pagtutuon sa mga ito ay naghikayat sa akin na magpatuloy sa kabila ng mahihirap na panahon sa paaralan.

3. Magplano ng Oras ng Pag-aaral sa Iyong Lingguhang Iskedyul

Ang paggawa ng lingguhang plano kung kailan ako nasa klase at kung kailan ako mag-aaral ay laging nakakatulong. Karaniwan ay nagpaplano akong mag-aral nang tatlong oras bawat linggo para sa bawat credit hour na naka-enrol ako (hal., ang isang kursong may 3 credits ay katumbas ng siyam na oras na pag-aaral bawat linggo). At kapag sinusunod ko ang plano ko, mas masaya ang iba ko pang aktibidad dahil hindi ako nag-aalala na may homework akong hindi natapos!

4. Kumain ng Balanseng Pagkain at Mag-ehersisyo

Ang pag-aalaga sa iyong katawan ay may kaugnayan sa pagtatagumpay sa pag-aaral. Ang aking pisikal na kalusugan ay laging nakakaapekto sa kalusugan ng aking isipan at damdamin. Kapag nahihirapan ako, tumatakbo ako. Lumilinaw ang isipan ko sa pag-eehersisyo, at sumisigla ako sa pagkain ng masusustansyang pagkain. Kapag malusog ang katawan ko, mas handa akong magtuon sa aking pag-aaral.

5. Matulog nang Sapat

Dapat makatulog nang pito hanggang siyam na oras ang mga adult gabi-gabi—ito ay isang mithiing palagi kong sinisikap gawin (at madalas na hindi ko nagagawa). Kahit gusto kong magpuyat para magbasa ng magandang aklat o makipag-chat sa mga kaibigan, laging mas mahalaga ang pagtulog. Ang pagtulog ay nakakabawas ng stress at maaaring makaragdag sa kakayahan ng tao na maalala ang napag-aralan niya. Sa mga gabi bago ang mga pagsusulit, inaayos ko ang iskedyul ko para magkaroon ng sapat na tulog at magawa ang lahat sa abot-kaya ko kinabukasan.

Nang ginawa ko palagi ang limang bagay na ito, hindi lang ako naka-adjust sa buhay sa kolehiyo—nagtagumpay ako rito! Tandaan, ang takot ay hindi nagmumula sa Ama sa Langit. Kapag Siya ang inuuna mo, matutulungan ka Niyang gawin ang anuman at matapos ang lahat ng ipinagagawa sa iyo.

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 88–92.