2023
Pagtahak sa Landas ng Tipan Kasama ang Ating mga Pamilya
Marso 2023


Mensahe Ng Area Presidency

Pagtahak sa Landas ng Tipan Kasama ang Ating mga Pamilya

(Hango sa Nobyembre 20, 2023 na “Lumapit kay Cristo: Hahayo Ako, Maglilingkod Ako” na Area Presidency Fireside na ginanap sa bakuran ng Lahug Meetinghouse sa Cebu)

Minamahal kong mga kapatid, ngayon ay tanda ng bagong simulain sa muling pangangako na mananatili tayo sa landas ng tipan at ipalalaganap ang ebanghelyo ni Jesucristo nang may panibagong sigla. Ang “Lumapit kay Cristo: Hahayo Ako, Maglilingkod Ako” na inisyatibo na inilunsad ngayon ang panimula ng bagong panahon ng dagdag na espirituwalidad at habambuhay na pagkadisipulo, hindi lamang sa ating mga kabataan kundi sa buong pamilya rin.

Inilarawan ni Elder Renlund ang nangyayari sa Pilipinas bilang inflection point sa Kasaysayan ng Simbahan dito sa mahal nating bayan. Ang inflection point sa matematika ay ang punto kung saan ang pagliko ng isang function ay nagbabago ng direksyon. Sa totoong mundo, ang inflection point ay maaari ring sabihin na panimula ng isang bagay na bago at nagsisimulang magbago ang mga bagay-bagay. Ang inflection point ay maaaring maging tanda ng simula ng momentum.

Binanggit ni Pangulong Nelson ang tungkol sa espirituwal na momentum sa kanyang mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2022. Mayroon tayong momentum dito sa Pilipinas ng makasaysayang bilang ng kalalakihan at kababaihan na tumugon sa panawagan na magmisyon. Bukod sa dagdag na bilang, nakita rin namin ang mas handang mga missionary na humahayo sa mission field.

Sa mensahe ring iyon na ibinigay niya noong Abril, sinabi ni Pangulong Nelson na ang isa mga hakbang na maaari nating gawin para matulungan tayong mapanatili ang positibong espirituwal na momentum ay “tahakin ang landas ng tipan at manatili roon.”

Para sa mga mayroon pa ring mga tanong tungkol sa tunay na ibig sabihin ng landas ng tipan, himayin natin ang bawat salita.

Ang “covenant” o “tipan” sa Tagalog ay sagradong kasunduan sa pagitan natin at ng Diyos. Diyos ang nagtatakda ng mga kondisyon, at nangangako Siya na pagpapalain tayo sa pagsunod sa mga kondisyon na iyon.

Ang “landas” ay maaaring pisikal na daanan tungo sa tiyak na destinasyon, pero dito, ang landas ng tipan ay tungkol sa iba’t ibang mga ordenansa na nagtuturo ng daan para makabalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit. Ang mga tipan ang nagtuturo ng landas pabalik sa Diyos. Ang mga sagradong gawa na ito ay sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at nakakalat sa buong buhay natin bilang mga milestone. Lahat ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng priesthood ay may kaakibat na mga tipan.

Kasama sa landas ng tipan ang:

  • Pagpapabinyag.

  • Pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.

  • Mga ordinasyon sa priesthood; at

  • Pagpunta sa templo para tanggapin ang ating endowment at mabuklod sa kasal.

Tandaan lamang na sa patuloy mong paglalakbay sa buhay ngayon, kasama mo sa paglalakad si Jesucristo. Mahal ka Niya at binibigyan ka ng mga katulong habang daan sa pamamagitan ng iyong mga magulang, lider, at mga kaibigan. Hindi tayo naglalakad nang mag-isa sa landas na ito. Ibinibigkis tayo ng mga tipan sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Tulad ng napakagandang naituro sa atin kanina ni Elder Bangerter, natatanggap natin ang nakapagpapalakas at nagbibigay-kakayahan na kapangyarihan ni Cristo kapag ibinigkis natin ang ating sarili sa Kanya sa pamamagitan ng mga tipan na ito.

Gaya ng ipinangako sa atin ng Tagapagligtas sa Juan 15:10-11 — “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos.”

Inaanyayahan ko kayong subukan ang kanyang pangako. Manatiling tapat sa inyong mga tipan. Sundin ang mga kautusan. Sumali sa Batalyon ng mga Kabataan ng Panginoon at tulungan ang iba na tahakin ang landas ng tipan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanila. Sa paggawa nito, mananatili kayo sa Kanyang pagmamahal, at mapupuspos kayo ng kagalakan.

Sa pagbabalik-tanaw, nakikita ko na ang iba’t ibang kabanata ng buhay ko at ng pagtahak ko sa landas ng tipan ay maikukumpara sa ating bagong logo:

  • Lumaki ako sa isang tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw kung saan ang halimbawa ng mga magulang ko ay nakaganyak sa amin na lumapit kay Cristo,

  • Ang pagiging aktibo sa Simbahan ay nakatulong sa akin na magkaroon ng patotoo at hangaring maglingkod sa iba.

  • Pumasok ako sa templo at naglingkod ako sa full-time mission.

  • Ikinasal ako sa templo at pinaglingkuran ang Panginoon sa iba’t ibang katungkulan.

  • Sa bawat hakbang, saan mang bansa ako nakatira, naroon ang aming pamilya sa Simbahan para tulungan kaming malampasan ang anumang mga hamon na kinakaharap namin.

At nagpapatuloy ang paglalakbay sa landas ng tipan. Gusto naming matiyak na ang mga tradisyon namin sa ebanghelyo ay naipapasa sa aming mga anak, sa kanilang mga anak, at sa mga susunod pa.

Sa paggawa natin ng ating bahagi sa pagsuporta sa bagong pananaw na ito, nakikinita ko ang mas marami pa sa ating mga kabataan na nagkakaroon ng mga karanasang tulad ng sa akin, tinatamasa ang mga pagpapalang gaya ng natanggap ko, at ginagawa rin nila ang lahat sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa bahaging ito ng ubasan.

Bilang mga magulang, paano natin maihahanda ang ating mga anak para sa habambuhay na pagtahak sa landas ng tipan ng Diyos? Dahil mahal Niya tayo, nagtitiwala sa atin, at alam ang ating potensiyal, binigyan tayo ng Ama sa Langit ng pagkakataong tulungan ang ating mga anak na pumasok at umunlad sa Kanyang landas ng tipan, ang landas tungo sa buhay na walang hanggan (Doktrina at mga Tipan 68:25–28).

Maraming paraan para maihanda ang ating mga anak sa paglalakbay na ito sa landas ng tipan, at tutulungan tayo ng Ama sa Langit na matuklasan ang pinakamainam na paraan para matulungan sila. Sa paghahangad natin ng inspirasyon, tandaan na hindi lahat ng pagkatuto ay nangyayari sa nakaiskedyul na mga lesson. Sa katunayan, bahagi ng pagiging napakabisa ng pagkatuto sa tahanan ay ang pagkakataon na matuto sa pamamagitan ng halimbawa at sa maliliit at simpleng sandali—iyong likas na nangyayari sa araw-araw na pamumuhay. Tulad ng ang pagsunod sa landas ng tipan ay palagian at habambuhay na proseso, gayundin ang pagkatuto tungkol sa landas ng tipan.

Narito ang ilang bagay na magagawa natin sa ating pamilya para matahak at manatili sa landas ng tipan.

  • Sa tuwing may karanasan tayo na nagpapalakas ng ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ibahagi ito sa ating mga anak.

  • Kapag nakakagawa ng maling pagpili ang ating anak, masayang magsalita tungkol sa kaloob na pagsisisi.

  • Sa tuwing napapansin natin na ginagawa ng ating anak ang bagay na ipinangako niyang gawin, purihin siya nang taos-puso. Ituro na ang pagtupad sa mga pangako ay tumutulong sa atin na maghanda sa pagtupad ng mga tipan.

  • Gawing sagrado at masayang kaganapan sa pamilya ang sakramento.

  • Gawing bahagi ng ating pamilya ang mga ordenansa ng priesthood.

  • Bilang mga magulang, magpakita ng halimbawa sa pagtataglay ng current na temple recommend at regular na pagpunta sa templo.

  • Ituro sa ating mga anak ang dapat nilang gawin at paano sila dapat mamuhay para matanggap ang temple recommend at marapat na makilahok sa mga proxy baptism.

  • Magdispley ng larawan ng templo sa tahanan. Palaging pag-usapan ang tungkol sa templo sa ating pag-aaral sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at sa family home evening.

  • Tumanggap ng patriarchal blessing. Ibahagi sa kanila ang ating Patriarchal Blessing at tulungan silang maghanda sa pagtanggap ng kanilang basbas.

  • Magmisyon. Kung ikaw ay nagmisyon, palagi itong banggitin at ang iyong mga karanasan. O anyayahan ang mga kaibigan o mga kapamilya na nagmisyon na ikuwento ang tungkol dito. Maaari din nating banggitin ang mga paraan ng pagbabahagi natin ng ebanghelyo sa ibang tao sa buong buhay natin. Tulungan ang ating anak na mag-isip ng mga paraan na maibabahagi niya ang ebanghelyo.

  • Isali ang iyong pamilya sa pag-minister mo sa ibang tao. Gampanang mabuti ang iyong mga tungkulin.

Ang tahanang nakasentro sa ebanghelyo, na itinatag ng mabubuting magulang, ang pinakamagandang lugar para matahak ng bagong henerasyon ang landas ng tipan at manatili dito.

Isang magandang halimbawa nito sina Erick at Gloria Corazon Andrada mula sa San Fernando, La Union. Ang dalawa nilang anak na lalaki ay bahagi ng 4600 mga missionary na ang hangaring maglingkod ay hindi nahadlangan ng pandemya.

Bilang mga magulang, natural lang na nakadama sila ng pangamba para sa kanilang kalusugan at kaligtasan, pero mas malakas ang kanilang pananampalataya, at lubos ang kanilang tiwala sa Diyos, kaya’t ibinigay nila ang buong suporta at paghihikayat sa kanilang mga anak.

Ang mas matanda nilang anak na si Alvin Joshua ay umuwi noong Hulyo 2022 matapos maglingkod nang dalawang taon sa Philippines Baguio Mission. Orihinal siyang tinawag na maglingkod sa Manchester, England pero dahil sa mga restriksyon sa pagbiyahe siya ay na-reassign sa kanyang home mission. Ang kanilang pangalawang anak na si Dallin Ivan ay kasalukuyang naglilingkod sa Philippines Quezon City Mission. Nakilala ko si Elder Andrada nang mag-tour ako sa kanilang mission kamakailan. Napakainam ng ginagawa niya sa pag-train ng bagong missionary.

Sabi ni Brother Andrada: “Bilang mga magulang nais lamang naming maging maligaya ang mga anak namin, at natagpuan nila ito habang nasa full-time mission. Hindi namin maipagpapalit sa anumang bagay ang kagalakan na nadama nila at natamo sa paglilingkod sa Panginoon. Ang pagpapadala sa kanila sa misyon sa kabila ng pandemya ay matalino at inspiradong desisyon.”

Para kina Brother at Sister Andrada, ang pinakamainam na paraan para maihanda ang kanilang mga anak na magmisyon ay sa pagiging mga huwaran ng pagtupad ng tipan na buong kagalakan na naglilingkod at nagmi-minister. Iniimbita nila ang mga missionary sa family home evening, nagbibigay sa kanila ng mga referral, at tinutulungan at sinusuportahan ang mga young adult sa kanilang ward sa paghahanda nila sa pagmimisyon.

Pinapayuhan nila ang mga magulang na huwag unahin ang pag-aaral at trabaho kaysa sa seminary, pagdalo sa FSY, at pagmimisyon. Sinabi ni Sister Andrada na, “ihahanda sila ng paaralan para sa buhay, ihahanda sila ng paglilingkod bilang missionary para sa kawalang-hanggan. Nagbalik ang aming anak na mas mapagmahal at mapagmalasakit na mga tao. Lubusan silang binago ng kanilang misyon, at natagpuan nila ang kagalakan na nais ng sinumang magulang para sa kanilang mga anak.”

Salamat sa lahat ng mga Erick at Gloria Andrada sa Simbahan sa paghahanda at pagtulong sa inyong mga anak na lumapit kay Cristo, na gumawa at tumupad ng mga tipan at maglingkod sa full-time mission. Inaanyayahan ko tayong lahat na tularan ang kanilang halimbawa.

Ito ay espesyal na panahon sa kasaysayan ng Simbahan sa Pilipinas. Ibinuhos ng Panginoon ang Kanyang mga pagpapala at ipinagkaloob sa atin ang maraming himala. Saksi ako na sa paglapit natin kay Cristo, paggawa, at pagtupad ng ating mga tipan sa Kanya, at paglilingkod sa Kanya, madaraig natin ang mundo at magkakaroon ng higit na kapayapaan at tunay na kagalakan sa ating buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, Amen.