2010
Tapat na mga Kaibigan
Hulyo 2010


Mensahe ng Unang Panguluhan

Tapat na mga Kaibigan

Larawan
President Henry B. Eyring

Isa sa magagandang papuring maibibigay ng Tagapagligtas ay ang tawagin tayong “mga kaibigan.” Alam nating sakdal ang Kanyang pagmamahal sa lahat ng anak ng Kanyang Ama sa Langit. Subalit para sa mga naging tapat sa kanilang paglilingkod sa Kanya, inirereserba Niya ang espesyal na katawagang ito. Alalahanin ang mga salita sa ika-84 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan: “At muli sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, sapagkat magmula ngayon tatawagin ko kayong mga kaibigan, kinakailangan na ibigay ko sa inyo ang kautusang ito, upang kayo ay maging aking mga kaibigan sa mga araw kung kailan ako ay kasama nila, naglalakbay upang ipangaral ang ebanghelyo sa aking kapangyarihan” (D at T 84:77).

Nagiging kaibigan Niya tayo kapag pinaglilingkuran natin ang iba para sa Kanya. Siya ang perpektong halimbawa ng klase ng kaibigang dapat tayong maging. Pinakamainam lang ang ninanais Niya para sa mga anak ng Kanyang Ama sa Langit. Ang kaligayahan nila ay kaligayahan Niya. Nadarama Niya ang kanilang kalungkutan dahil nabayaran na Niya ang lahat ng kanilang kasalanan, inako Niya ang lahat ng kanilang sakit, pinasan ang lahat ng kanilang problema, at nadama ang lahat ng kanilang inaasam. Dalisay ang Kanyang mga layunin. Hindi Niya hangad na kilalanin Siya kundi ibigay ang buong kaluwalhatian sa Kanyang Ama sa Langit. Ang perpektong kaibigan, si Jesucristo, ay ganap na di-makasarili sa paghahandog ng kaligayahan sa iba.

Bawat isa sa atin na gumawa na ng tipan sa binyag ay nangakong susundin ang Kanyang halimbawa na dalhin ang pasanin ng isa’t isa tulad ng gagawin Niya (tingnan sa Mosias 18:8).

Sa susunod na ilang araw magkakaroon kayo ng maraming pagkakataong maging kaibigan para sa Kanya. Maaaring habang naglalakad kayo sa maalikabok na daan. Maaaring habang nakaupo kayo sa tren. Maaaring habang naghahanap kayo ng lugar na mauupuan sa kongregasyon ng Simbahan. Kung nagmamasid kayo, makakakita kayo ng isang taong may mabigat na pasanin. Maaaring pasanin ito ng kalungkutan o lumbay o poot. Makikita lang ninyo ito kung ipinagdasal ninyo na loobin ng Espiritu na makita ninyo ang nilalaman ng mga puso at nangakong itataas ang mga kamay na nakababa.

Ang sagot sa inyong panalangin ay maaaring ang mukha ng isang dating kaibigan, na hindi ninyo nakita nang maraming taon ngunit biglang sumaisip at sumapuso’t damdamin ninyo ang mga pangangailangan nila na parang inyo ang mga ito. Nangyari na iyan sa akin. Nakipag-ugnayan sa akin ang dati kong mga kaibigan na nasa malalayong lugar at pinalakas ang loob ko sa sandaling tanging Diyos lamang ang maaaring nagpaalam sa kanila tungkol sa aking pasanin.

Hiniling sa atin ng mga buhay na propeta ng Diyos na maging tapat na mga kaibigan sa mga bagong binyag sa Simbahan at sagipin ang mga naligaw ng landas. Magagawa natin ito, at gagawin natin ito kung lagi nating aalalahanin ang Tagapagligtas. Kapag tumutulong tayo at nagpapagaan ng pasanin, tinutulungan Niya tayo. Aakayin Niya tayo sa mga taong nangangailangan. Pagpapalain Niya tayo upang madama natin ang kanilang nadarama. Habang nagsisikap tayong paglingkuran sila, lalo tayong bibigyan ng kaloob na madama ang Kanyang pagmamahal sa kanila. Magbibigay iyan ng tapang at lakas na muli’t muling tumulong nang may pananampalataya.

At, ngayon at magpasawalang-hanggan, madarama natin ang galak na makasama ang Kanyang tapat na mga kaibigan. Dalangin ko na mapasaatin at mapasalahat ng paglilingkuran natin ang pagpapalang iyan.

Ang perpektong kaibigan, si Jesucristo, ay ganap na di-makasarili sa paghahandog ng kaligayahan sa iba. Nagiging kaibigan Niya tayo kapag pinaglingkuran natin ang iba para sa Kanya.

Paglalarawan ni John Luke; Dahil Dito Magsiyaon Kayo, at Turuan ang Lahat ng Bansa, ni Harry Anderson