2010
Ano ang Dala ng mga Pioneer?
Hulyo 2010


Mga Klasikong Ebanghelyo

Ano ang Dala ng mga Pioneer?

Larawan
President Stephen L Richards

Para maunawaan ang mga pioneer at ang kanilang mga nagawa, dapat nating suriin ang kanilang mga layunin. … Nagpunta sila para sa kalayaan at kapayapaan, tulad ng ginawa ng iba. Nagpunta sila upang magtayo ng sarili nilang mga tahanan, tulad ng ginawa ng iba. Nagpunta sila upang sambahin ang Diyos at ipamuhay ang kanilang relihiyon para sa ikatatahimik ng kanilang konsiyensya, tulad ng ginawa ng iba; ngunit narito ang isang bagay na ipinunta nila na walang katulad, ayon sa nalalaman ko, sa iba pang paglipat ng mga pioneer: nagpunta sila na may tunay na layuning magtatag ng isang lipunan upang maibalik nila sa sibilisasyong tinakasan nila, oo, maging sa kanilang mga mang-uusig, ang mga alituntunin ng buhay at pag-uugaling pinagmulan ng sarili nilang inspirasyon, pagkakaisa, tagumpay, at kaligayahan. …

Kung gayon, ano ang dala ng mga pioneer? Dala nila ang kasipagang bihirang mapantayan. Itinuro at ipinamuhay nila ang ebanghelyo ng pagtatrabaho bilang pundasyon ng tagumpay at kaligayahan. …

Dala nila ang edukasyon at pagmamahal sa sining at maganda. …

Dala nila ang mataas na uri ng katapatan at malaking kakayahang maging tapat sa layuning itinaguyod nila. …

Narito ngayon ang pinakamagandang bagay sa lahat na dala ng mga pioneer, at ang tinutukoy ko ay ang karunungan, karunungan tungkol sa mahahalagang bagay sa buhay. …

Una, isaalang-alang ang katawan ng tao. … Nagdala ng bagong konsepto ang mga pioneer tungkol sa katawan na nagbigay dito ng sagradong kabuluhan. Itinuro nila na ang katawan ang tabernakulo sa lupa kung saan nananahan ang espiritu ng tao, ang literal na anak ng Diyos, at ang katawan ay hindi maaaring dungisan o dumihan o abusuhin sa anumang paraan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga lason at nakamamatay na bagay nang hindi tuwirang kinakalaban ang Diyos, kung kaninong Espiritu ay nananahan doon. … Dala nila ang mga tuntunin sa batas ng kalusugan. …

Pangalawa—pagkatao o personalidad. … Itinuro [ng mga pioneer] hindi lamang na ang tao ay anak ng Diyos, na mula sa pinakamarangal na angkan kundi na siya rin ay nakatadhana, kung magiging marapat siya para dito, na makasama ang kanyang Ama sa Langit sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga walang hanggang gawain pagdating ng panahon. …

Susunod—ang pamilya. … Ano ang karunungang dala ng mga pioneer tungkol sa pamilya? Aba, pinuhunanan nila ito nang napakarangal at napakadakilang mga katangiang tinaglay nito sa buong kasaysayan ng mundo. Itinuro nila na hindi lamang ito pangunahing sangkap ng maligayang buhay at pag-unlad dito sa lupa kundi ito rin ang pinakapundasyon ng ating pag-asa sa pinakamataas na kadakilaan sa kahariang selestiyal ng ating Diyos. Sa katunayan, ang langit na hinahangad natin ay bahagya lamang nakahihigit sa nakikinita nating tahanan sa kawalang-hanggan. Kaylaki ng kaibhan ng matataas na konseptong ito ng tahanan at pamilya sa matitinding kasamaan sa tahanan ngayon—diborsyo, mga wasak na tahanan, mga batang nakaligtaan at naligaw ng landas na dapat ay mas kaawaan kaysa abusuhin dahil sa pagkawasak ng pamilya. … Ah, kung maipamumuhay lamang sa mga pamilya ng mundo ang karunungang dala ng mapagpakumbabang mga pioneer na ito, kaylaking pakinabang sana sa kaginhawahan at kaligayahan at pag-unlad ng tao.

Ang huli, … kapatiran. Itinuro nila, sa napaka-makatotohanang paraan, ang konsepto ng lahat ng bansa, kaanak, wika, at taong kabilang sa pamilya ng Diyos. … Naniwala sila … na ang tanging malaking pag-asa sa kapayapaan ng sansinukob ay nasa pagpapalaganap ng doktrina ng kapatiran sa buong mundo. …

… Ang makabuluhang mga kontribusyong ito na binabanggit ko at marami pang iba ay mga alituntunin ng ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. … Dahil sa lubos na pananampalataya ng mga pioneer sa nagbibigay-inspirasyong mensahe ng buhay at katotohanan kung kaya’t itinatag nila ang bahay ng Panginoon sa “taluktok ng mga bundok” [Isaias 2:2]. Malaking bagay ang magtatag ng isang republika at baguhin ang disyerto at gawing mga lungsod, bayan, at nayon na may mga tahanan, eskuwelahan, at pasilidad na tinatamasa natin ngayon. Mas malaking tagumpay ang itatag ang kaharian ng Diyos at ihatid mula sa Sion ang pagbati na may pag-asa at pananampalataya at banal at walang hanggang karunungan sa buong sangkatauhan. Ito ang tunay na pamanang dala ng ating mararangal na pioneer na iniwan sa atin at sa ating mga kaibigan. … Ito ang pinakamahalagang regalo sa buhay. Tinutulungan tayo ng Diyos na pahalagahan, ipamuhay, at ipalaganap ito.

Paglalarawan ni Paul Mann

Ang pinakadakilang bagay sa lahat na dala ng mga pioneer [ay] karunungan.