2010
Mahal kong Frieda
Hulyo 2010


Mahal Kong Frieda

Sumulat ang mga young adult para payuhan ang isang dalaga na nag-iisip na makisama sa kanyang nobyo.

Sa mundong pabagu-bago ang mga pinahahalagahan, ang pananatiling tapat sa ating mga pamantayan ay mahalaga sa espirituwal na kaligtasan. Ang tapat na pangangakong igagalang natin ang ating mga tipan ay makapagpapalakas sa atin laban sa mga tukso.

Si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsalita tungkol sa isang desisyon na makatutulong sa atin upang manatiling tapat: “Hindi sinabi ni Josue na piliin ninyo sa susunod na taon kung sino ang inyong paglilingkuran; ang tinukoy niya ay ang ‘araw na ito,’ habang nakasikat pa ang araw at bago pa lubusang kumalat ang dilim. (Tingnan sa Jos. 24:15.) … Kumilos na ngayon, upang makalipas ang isang libong taon mula ngayon, kapag nagbalik-tanaw kayo sa sandaling ito, masasabi ninyong ito ay mahalagang sandali—ito ay araw ng pagpapasiya.”1

Si Frieda,* isang dalagang miyembro ng Simbahan sa Europa, ay nahaharap sa gayunding sandali ng pagdedesisyon. Gusto raw niyang makasal sa templo balang-araw, ngunit iniisip niyang makisama na sa kanyang kasintahang di-miyembro. Plano niyang magsisi at bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan pagkalipas ng ilang taon at magpakasal sa iba sa templo, ngunit sa ngayon, sabi niya, gusto lang niyang magsaya.

Ang mga young adult sa Scandinavia ay inanyayahang sumulat kay Frieda. Di nila alam ang tunay niyang pangalan o kung saan siya nakatira, ngunit nagbahagi sila ng patotoo at mga karanasang tunay na nangyari sa buhay upang tulungan siyang piliin ang tama. Narito ang mga sipi mula sa mga liham na isinulat ng mga kaedad ni Frieda at pumayag silang ibahagi ito.

Magpasiyang Magpakasal sa Templo

Bago nakisama ang kaibigan kong si Erika* sa kanyang kasintahan, na di miyembro ng Simbahan, tiniyak niya sa kanyang pamilya na mananatili siyang malapit sa ebanghelyo. Ngunit simula nang mapasok si Erika sa gayong situwasyon, mahirap na para sa kanya ang kumawala pa. Iniisip niya na napakasakit at napakahirap bumalik sa tamang landas.

Nakakalungkot na marami akong kaibigan na, tulad ni Erika, ay naligaw ng landas dahil inakala nilang sila pa rin ang may kontrol sa kanilang sarili kahit hindi na ayon sa mga pamantayan ng Simbahan ang kanilang pamumuhay. Sa katunayan, ang pagwawalang-bahala sa mga tuntunin ang nagpapadali para si Satanas ang magkaroon ng kontrol sa buhay ng tao.

Natuto ako mula sa mga karanasan ng mga kaibigan ko. Noong 17 taong gulang ako, nagpasiya akong magkaroon ng patotoong kasingtigas ng bato dahil alam kong kakailanganin ko ito para sa espirituwal na kaligtasan. Ang pagkakaroon ng malakas na patotoo at pagkaalam na may plano ang Ama sa Langit para sa akin ang nakapagligtas sa akin.

Isang bagay ang natitiyak ko: Determinado akong magpakasal sa templo. Ang templo ang tanging daan tungo sa tunay na kaligayahan at ang tanging paraan upang makapamuhay tayo sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo balang-araw. Kung gusto kong makapasok sa templo, kailangan kong sundin ang mga tuntunin ng ebanghelyo. Nagpasiya akong ipamuhay ang ebanghelyo dahil alam kong ito ang tamang gawin, kahit medyo mahirap.

Mag-ukol ng panahon para pag-isipan kung saan ka patutungo, at isipin kung saan ka aakayin balang-araw ng mga desisyon mo ngayon.

Amanda Bernskov, Denmark

Hanapin ang Talagang Kailangan Mo

Sa palagay ko higit sa anupaman sa mundo gusto nating lahat na tayo ay mahalin. Ngunit ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang batay sa atraksiyon. Ito ay pagtitiwala at paghahangad ng pinakamainam para sa isang tao. Ito ay di-makasarili at magiliw at kung minsan ay mapagpaubaya, ibig sabihin handa tayong magbigay at magdusa para dito kung kinakailangan.

Frieda, ang buhay mo at ang buhay ng iba pang tao ay nakasalalay sa mga desisyong gagawin mo sa hinaharap. Mahihirapan kang piliin ang tama kung hindi mo pa alam kung kanino ka nakapanig. Alalahanin na ginagawa ni Satanas ang lahat para sirain ang mga pamilya. Magkaroon ng lakas ng loob na sundin ang alam mong tama. Huwag kang papayag kung hindi rin lang kasal sa templo para sa kawalang-hanggan.

Kung gusto mo ng tunay na pag-ibig, hanapin ang tagapagbigay ng tunay na pag-ibig: ang Diyos. Ang tunay na pag-ibig ay espirituwal na kaloob, hindi seksuwal na imahinasyon. Tanging sa Diyos mo matatanggap ang pinakadakilang kaloob na ito.

David Isaksen, Norway

Magpasiyang Magbalik

Noong ako’y 17 taong gulang, nagsimula kong madama na hindi ko na magawang makibagay sa mga tao sa simbahan. Kasabay niyon, nagdiborsiyo ang mga magulang ko at tumigil na sa pagsisimba. Dumalo pa rin ako, pero nawalan na ako ng pananalig sa walang hanggang kasal. Nang makilala ko si Kristian,* hindi ako nahirapang talikuran ang Simbahan at lumayo. Kaya’t ginawa ko iyon.

Nagsama kami sa loob ng halos apat na taon bago kami naghiwalay. Gusto kong magsimbang muli, pero takot ako na baka kung anu-ano ang itanong sa akin ng mga tao. Dinalaw ko ang kapatid ko. Sa kanyang ward ay walang nakakakilala sa akin o kung gaano na ako katagal na di nagpupunta sa Simbahan, at habang naroon nagsimula akong magsimba muli. Nang umuwi ako ipinagpatuloy ko ang pagsisimba sa sarili kong ward. Sa unang Linggo ay talagang takot ako, pero masaya naman ang mga tao na naroon ako.

Alam kong kailangan kong pumili ng papanigan; hindi ako maaaring magpatuloy sa paglakad na ang isang paa ko’y nasa panig ng Panginoon at ang isa ay nasa daigdig. Nagsimula akong makipag-usap sa aking bishop. Tinulungan niya akong maunawaan ang Pagbabayad-sala. Mahaba ang landas na iyon ng pagsisisi—kung minsan napakahirap. Patuloy pa rin ako, at marami pa akong dapat matutuhan, ngunit mas maligaya ako ngayon. Alam kong tama ang pinili ko nang magpasiya akong bumalik sa Simbahan. Ang ginawa ko lang ay inisip ko kung ano ang nadarama ko at kung ano ang alam kong tama at pagkatapos ay ginawa ito.

Hindi ibinigay ang pangalan

Manindigan sa Iyong Matuwid na Desisyon

May isa akong kaibigan noon na naharap din sa desisyong tulad ng sa iyo. Noon pa man ang kaibigan kong si Sarah* ay may matatag nang patotoo sa Simbahan at mga katotohanan nito. Simula noong bata pa kami, matindi na ang hangarin namin ni Sarah na makasal sa templo.

Noong siya ay 17 o 18 taong gulang na, nakilala niya ang isang binata at nagsimulang makipagdeyt dito. Maganda ang personalidad ng lalaki at madaling magustuhan. Hindi siya miyembro, pero sa simula parang hindi iyon problema.

Kalaunan, inisip na niya kung ano ang magiging buhay niya kung pakakasalan niya ang binata, kahit na hindi iyon sa templo. Naisip niya: “Siguro magiging maayos naman; siguro puwede kaming gumawa ng kasunduan. Siguro magbabago rin siya paglipas ng panahon. Siguro madadala ko siya sa ebanghelyo.”

Pinag-isipan niya itong mabuti, at umiyak siya at nagdasal. Alam niya sa puso niya na noon pa ay gusto na niyang makasal sa templo, ngunit dahil sa nadarama niya sa kanyang kasintahan nahihirapan siyang magdesisyon. Sa huli nakipagkalas siya sa nobyo. Isa iyon sa mga pinakamahirap na bagay na ginawa niya, ngunit nagtiwala siya sa Panginoon.

Noong tagsibol ng 2007 ikinasal siya sa isang kahanga-hangang lalaki. Sila ngayon ay nabuklod na sa isa’t isa para sa panahong ito at sa kawalang-hanggan. Talagang maligaya siya na nagpasiya siyang maghintay hanggang sa matagpuan niya ang isang taong mahal niya at mapapakasalan sa templo.

Kung hindi mo alam kung ano ang gagawin mong desisyon, ipagdasal mo ito hanggang sa malaman mo. Magtiwala ka sa Panginoon. Alam ko sa obserbasyon ko kay Sarah—at sa buhay ko—na pagpapalain Niya tayo, kapag ginawa natin ito.

Anna Lindgren, Sweden

Tala

  1. Neal A. Maxwell, “Why Not Now?” Ensign, Nob. 1974, 13.

Paglalarawan ni John Luke; background © Shambhala Publications

Retrato ng Stockholm Sweden Temple © Stefan Hallberg