2010
Pagkakaroon ng Kanlungan sa Ebanghelyo
Hulyo 2010


Pagkakaroon ng Kanlungan sa Ebanghelyo

Sa paglaki ko sa Perth, Australia, naroong dumalo ako at pumalya ako sa relihiyon. Nabinyagan ako sa Simbahang Metodista, nag-aral sa mga paaralan ng ibang relihiyon, at minsan ay dumadalo sa kongregasyon ng mga Baptist kasama ng lola ko. Sa kabila ng pabagu-bagong espirituwal na pananaw, tila likas sa akin ang pagdarasal—salamat sa lola ko, na nagbahagi ng kaniyang pananampalataya at tinuruan akong magbasa sa Biblia. Nagpapasalamat ako sa kanyang patuloy na impluwensya sa aking buhay dahil, sa kabila ng makadaigdig kong mga hangarin, agad akong nagsimulang maniwala kay Jesucristo. Sa pagbabalik-tanaw, natanto kong inihahanda ng Ama sa Langit ang puso ko para tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo

Naganap ang isang paghahanda nang maaksidente ako habang bumibisita sa France. Ilang saglit lang matapos akong makadama ng malakas na pahiwatig na mag-seat belt ako, dumulas ang kotse at nahulog sa 20-talampakang (6-m) lalim na dike. Dahil sa tinig ng babala at dahil muli kong nagamit ang aking mga paa at binti samantalang ang ibang nagkaroon ng ganitong pinsala ay habampanahon nang nalumpo, nagsimula kong maunawaan na isang banal na kapangyarihang higit sa akin ang pumapatnubay.

Makalipas ang dalawang taon, nang bumalik ako sa France bilang exchange student, walang paliguy-ligoy na inanyayahan ako ni Kayla Barth, kapwa ko estudyante na taga-California, na sumama sa kanya sa pagsisimba. Humanga ako sa malaking kasiglahan ni Kayla sa ebanghelyo. Pinakinggan kong mabuti ang bawat salita habang ibinabahagi niya ang plano ng kaligtasan. Parang pamilyar lahat, parang narinig ko na noon pa.

Nang papasok na ako sa Angoulême chapel sa kauna-unahang pagkakataon, para akong ibinalot sa isang mainit-init na kumot. “Nakauwi” na ako. Nang araw ding iyon, sa Gospel Essentials class, ang nagtuturong misyonero ay nagbahagi ng napakalakas na patotoo tungkol sa Unang Pangitain. Habang ipinapaliwanag niya kung paano nagpapatotoo sa atin ang Espiritu Santo, may init na nagmula sa puso ko at napuspos ang buong katawan ko. Ang malakas na patotoong ito ay hindi mabura sa aking alaala, na siyang tumulong sa akin sa kabila ng mga pagsubok sa aking pananampalataya.

Makalipas ang mga isang buwan mula nang unang pagtuntong ko sa Angoulême chapel, nagpasiya akong magpabinyag. Ako’y 18 taong gulang noon at di na kailangan ang pahintulot ng mga magulang. Ngunit nang tawagan ko ang pamilya ko sa Australia hatid ang napakagandang balita, nagulat at nalungkot ako na matuklasan ang negatibong pananaw nila tungkol sa Simbahan at tumutol sila sa hangarin kong magpabinyag.

Napakabigat nito sa aking puso. Dapat ba akong magpatuloy kahit labag sa kalooban ng pamilya ko, na mahal na mahal ko? O dapat bang ipagpaliban ko ang binyag hanggang sa makabalik ako sa Australia, kung saan ako mahaharap sa mas matinding pagsalungat?

Ang Mateo 19:29 ang nakatulong sa aking magpasiya: “At ang bawat magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng walang hanggang buhay.” Handa ba akong unahin ang Tagapagligtas—bago ang aking pamilya? Ang sagot ay oo, at noong Disyembre 16, 1989, ako ay nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang nalalabing panahon ko sa France ay napuno ng payapang kagalakan na di ko kailanman naranasan.

Nang magbalik ako sa Perth, malugod akong tinanggap ng aking pamilya. Ngunit ang mga pagtatangka kong ibahagi ang ebanghelyo sa kanila ay tinutulang mabuti. Gumawa pa sila ng paraan para makipagkita ako sa mga “eksperto” ng relihiyon na “magbibigay ng kaliwanagan” sa akin at tutulungan akong makita ang “mali” sa napili kong landas. Para sa akin malaking pagsubok ito ng pananampalataya, at matapos ang pagdagsa ng mga propaganda laban sa Mormon, nakadama ako ng pag-aalinlangan sa ginawa kong desisyon.

Gayunman sa kaibuturan ng aking puso, hindi ko maitatwa na ang naranasan ko sa France ay mula sa Diyos, kaya’t hinangad kong palakasin ako ng Espiritu ng Panginoon. Nag-ayuno ako at nagdasal tuwing Linggo sa loob ng ilang linggo, isinubsob ko ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, tumanggap ako ng mga basbas ng priesthood para sa patnubay at kalakasan, at nagsimba ako linggu-linggo upang makasalamuha ang mga Banal. Sa halip na pagtuunan ang mga bagay na hindi ko maunawaan at di ko alam, pinagtuunan ko ang mga bagay na alam ko: Ako ay anak ng Diyos, si Jesus ang Cristo, ipinanumbalik ni Joseph Smith ang Simbahan ng Panginoon, ang Aklat ni Mormon at ang Biblia ay salita ng Diyos, at walang hanggan ang mga pamilya. Sa ganitong bagong pananaw, nagsimulang lumago at muling tumatag ang aking patotoo.

Ang huling hamon na kailangan kong harapin sa taon na iyon ay ang tungkol sa pagpapakasal sa loob ng templo nang wala ang aking pamilya. Isang binatang nakilala ko sa France at kasulatan ko ang dumating mula sa California upang dalawin ako sa loob ng tatlong linggo. Naging malinaw sa aming dalawa na gusto na naming magpakasal, ngunit naharap na naman ako sa isa pang mahirap na desisyon: magpapakasal ba ako sa loob ng templo para mabuklod sa panahong ito at buong kawalang-hanggan, o magpapakasal ako sa ibang lugar para maging bahagi ng seremonya ang pamilya ko?

Sinunod ko ang payo ng aking stake president at nagpakasal sa templo noong Pebrero 1991. Noong panahong iyon, labis na nasaktan ang pamilya ko, ngunit naunawaan na nila na pagpapala sa buhay ko ang Simbahan. Habang minamasdan nila ang paglaki ng aming mga anak sa ebanghelyo, nagpakita sila ng pasasalamat sa mga bagay na itinuturo namin sa kanila at sa nagiging uri ng kanilang pagkatao.

Kamakailan ay nagpasalamat ang isa sa mga anak ko sa desisyon kong tanggapin ang ebanghelyo at alagaan ang pamilya sa Panginoon. Napaluha ako sa kanyang katapatan dahil natanto ko na hindi lamang buhay ko ang napagpala ng desisyon kong ipamuhay ang ebanghelyo kundi maging ang kanyang buhay. Walang hanggan ang pasasalamat ko sa Ama sa Langit sa mga himala at impluwensya ng mga anghel sa lupa na umakay sa akin pauwi sa ebanghelyo ni Jesucristo. Makalipas ang dalawampung taon natanto ko na lahat ng pagsubok, sakit ng kalooban, at panganib na masaktan ang damdamin ng aking pamilya ay sulit lahat. Ang ebanghelyo ang lahat sa akin. Ito ay totoo. Ito ang aking tahanan.

Paglalarawan ni Jeff Ward

Nang papasok na ako sa Angoulême chapel sa kauna-unahang pagkakataon, para akong ibinalot sa isang mainit-init na kumot. “Nakauwi” na ako.