2010
Punuin ang Mundo
Hulyo 2010


Punuin ang Mundo

Nanawagan si Pangulong Thomas S. Monson sa mga Banal sa mga Huling Araw na patuloy na sumampalataya at manalangin na mabuksan “ang mga lugar na limitado ang ating impluwensya at kung saan hindi tayo pinapayagang ibahagi ang ebanghelyo” (tingnan sa sidebar sa pahina 25). Naroon siya sa makasaysayang pulong noong 1974 nang manawagan si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa mga lider ng Simbahan na pagsikapan at paghusayin pa ang pagpapatupad sa programa ng misyonero sa buong mundo at “sa paghahanap ng mga susing tila nawala sa maraming bansa kung saan mabubuksan natin ang mga mundong iyon.”1

Nangangako si Pangulong Monson na magkakaroon ng mga himala kapag patuloy tayong sumampalataya at nanalangin. Naranasan niya ito kaya alam niyang ito ay totoo. Sa mga sumunod na taon matapos ang pakiusap ni Pangulong Kimball, nakita niya ang biglang pagdami ng mga misyonero at nagpabinyag.2 Nasaksihan niya ang pagbubukas ng maraming lugar nang sundin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang hiling ni Pangulong Kimball na manalangin nang ang mga bansa ng mundo ay magbukas ng kanilang pintuan sa pangangaral ng ebanghelyo. Naging kasangkapan si Pangulong Monson sa pagtatayo ng Freiberg Germany Temple. Nasaksihan niya ang pagbubukas ng maraming bansa sa ebanghelyo matapos bumagsak ang Berlin Wall noong 1989.3

Alam niya at ng lahat ng mga propeta sa mga huling araw mula noong Panunumbalik ng ebanghelyo na ang mga salitang isinulat ni Propetang Joseph Smith noong Marso 1842 ay totoo: “Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”4

Magkaisa nga tayo sa ating pananampalataya at mga panalangin nang ang mga lugar na sarado ngayon ay magbukas at maganap ang mga himala sa pagtanggap natin sa hamon ni Pangulong Monson.

Ibaba: Inilaan ni Pangulong Heber J. Grant ang Cardston Alberta Temple noong Agosto 26, 1923—ang unang templong inilaan sa labas ng Estados Unidos. Kanan: Ang pilak na dulos na ginamit ni Elder David O. McKay sa paglalagak sa batong panulok ng templo noong 1915.

Kaliwa: Kasama si Samuel H. Smith, kapatid ni Propetang Joseph Smith, sa mga unang misyonerong nangaral ng ebanghelyo sa Estados Unidos. Itaas: Labis na nagtagumpay ang mga unang misyonero sa England sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, tulad ng mga misyonero sa mga bansang Scandinavian at iba pang mga bansa sa Europa.

Kaliwa at itaas: Ang Gadfield Elm chapel sa Malvern, England, ang una at pinakalumang kapilya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong 1840 bininyagan ni Elder Wilford Woodruff ang 600 miyembro ng United Brethren na nagpulong doon. Ibinigay nila ang kanilang kapilya sa Simbahan, at naging sentro ng gawaing misyonero sa lugar. Kalaunan ipinagbili nila ito upang maipamasahe ng mga miyembro doon papuntang Sion.

Mga larawang kuha ni David Pickup

Naghahandang maglayag ang barkong Ellen Maria mula Liverpool, England, papuntang Amerika noong Pebrero 1, 1851. Noong panahong iyon, mahigit 50,000 Banal sa mga Huling Araw ang nakatira sa British Isles. Posible noon ang pandarayuhan bunga ng Perpetual Emigrating Fund, na nagpautang ng pera sa nagdarahop na mga Banal sa mga Huling Araw sa pangakong babayaran nila ang utang para makapandayuhan ang iba. Libu-libong miyembro ang nandayuhan para makasama ang mga Banal sa Amerika.

Kaliwa: estatuwa ni Samuel H. Smith, ni D. J. Bawden; kanan: Paglulan ng mga Banal sa Barko sa Liverpool, ni Ken Baxter

Maraming “mga pulo ng dagat” ang kasama sa mga lugar kung saan nagsimulang mag-ugat ang ebanghelyo noong ika-19 na siglo. Dulong kaliwa: Ang kinatatayuan ng 1882 meetinghouse na ito sa Hawaii ang pinagtayuan ng Laie Hawaii Temple, na natapos noong 1919 (kaliwa). Ibabang kaliwa: Nang magtungo ang mga misyonero sa New Zealand noong 1854, namukadkad ang ebanghelyo. Ibaba: Ang replikang ito ng Stela 5—isa sa 80 monumento sa Izapa, Chiapas, Mexico—ay kilala bilang Tree-of-Life Stone. May ilang nagsasabi na tila paglalarawan ito ng panaginip ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8).

Kaliwa: retrato ng 1882 meetinghouse sa kagandahang-loob ng Church History Museum; itaas: Ang Pangako, ni Al Rounds; ibabang kaliwa: Pagtatayo Ngayon para sa Kawalang-hanggan, ni Sylvia Huege de Serville, Fourth International Art Competition; ibaba: Panaginip ni Lehi, ni Araceli Andrade, Seventh International Art Competition

Kanan: Noong 1960s marami sa Nigeria at Ghana ang nagkaroon ng patotoo sa pagbabasa ng literatura ng Simbahan. Pagdating ng mga misyonero noong 1978, daan-daang African ang handa nang mabinyagan. Sa loob ng isang taon, mga 1,700 katao ang nabinyagan at nakumpirma.

Itaas: Retrato ng mga binyag sa Nigeria noong 1978 na kuha ni Janath Cannon; Itaas: Ordenasyon sa Sierra Leone ng mga Banal sa mga Huling Araw, ni Emile Wilson; Kanan: Binyag sa Sierra Leone, ni Emile Wilson

Itaas: Nagdiwang ang mga taga Asia nang bumisita si Pangulong Gordon B. Hinckley at ang kanyang asawang si Marjorie noong 1996. Gitnang itaas: Napaliligiran ng mga imahe ng mga taga Asia at ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga miyembrong Taiwanese na ito, na nagpapakita kung paano nagiging epektibo ang ebanghelyo sa anumang kultura. Kanang itaas: Inilaan ni Elder Heber J. Grant (gitna) at ng mga misyonero, ang Japan para sa gawaing misyonero sa lugar na ito noong Setyembre 1, 1901. Itaas: Nakipagtipon si Elder Francis M. Lyman, isang Apostol, sa iba pang mga lider ng Simbahan noong Agosto 1903 sa St. Petersburg, Russia, upang ilaan ang Russia para sa pangangaral ng ebanghelyo.

Kaliwang itaas: Namumukadkad ang mga Lamanita na Tulad ng Rosas sa Disyerto, ni Maria Gladis Barrientos de Monterroso, Third International Art Competition; kaliwa: Unang Pangitain ni Joseph Smith, ni Januza Mostyl, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; kanang itaas: larawan ni Pangulong Hinckley na kuha ni Gerry Avant; gitnang itaas: Walang-kupas na mga Misyonero, ni Jueling Chen, Fourth International Art Competition, hindi maaaring kopyahin; itaas dulong kanan: retrato ng mga misyonero sa Japan sa kagandahang-loob ng Church History Museum; kanan: Paglalaan ng Russia, ni Emin Zulfugarov

Kaliwa: Naipakita ng mga kulay at habi ng burdang ito ang sigla ng napakalaking pag-unlad ng Simbahan sa Mexico, Central America, at South America sa nagdaang 50 taon. Mahal ng mga miyembrong ito ang Aklat ni Mormon at malapit ang damdamin nila sa templo, na kinakatawan dito ng Guatemala City Guatemala Temple. Ibaba: Ngayon mahigit 1,500 mga miyembro ang nakatira sa Poland, isang bansang lubhang naapektuhan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang kanilang patotoo ay nakaugat sa gayunding mga paniniwala nating mga Banal sa mga Huling Araw, tulad ng Unang Pangitain (na inilarawan sa ibaba ng isang alagad ng sining sa Poland).

Mga Tala

  1. Spencer W. Kimball, “When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 3.

  2. Tingnan sa “Status Report on Missionary Work: A Conversation with Elder Thomas S. Monson, Chairman of the Missionary Committee of the Council of the Twelve,” Ensign, Okt. 1977, 8.

  3. Tingnan sa Garold at Norma Davis, “Behind the Wall: The Church in Eastern Germany,” Tambuli, Peb. 1992, 12.

  4. History of the Church, 4:540.

  5. “President Hinckley Visits Asian Saints, Dedicates Hong Kong Temple,” Ensign, Ago. 1996, 74.