2022
Nililimitahan Ba Natin ang Diyos sa Ating Buhay?
Abril 2022


“Nililimitahan Ba Natin ang Diyos sa Ating Buhay?,” Liahona, Abr. 2022.

Nililimitahan Ba Natin ang Diyos sa Ating Buhay?

Hindi lang ang bishop ang tanging nailaan ng Diyos para tulungan tayo sa ating mga hamon.

Larawan
isang paglalarawan ng bulaklak na dinidiligan

Mga larawang-guhit ni David Green

Nang tawagin si Marco bilang bishop, isa sa mga una niyang appointment sina Brother at Sister Peña (binago ang mga pangalan). Pareho silang nagkaroon ng trauma na may kaugnayan sa pang-aabuso. Matindi ang naging resulta ng mga hamon sa kalusugan ng kanilang isipan. Pareho silang nahiwalay sa asawa at ginagawa nila ang lahat para palakihin ang pinagsamang pamilya. Dahil sa kasalukuyang mga hamon sa paghahanap ng trabaho, nahirapan silang umasa sa sarili. Gusto nilang magpunta sa templo pero hindi sila naging karapat-dapat na mabigyan ng recommend. Parang palaging may mabigat na problema ang isa sa kanila.

Minahal sila ni Marco, pero naging malinaw kaagad na kinailangan nila ng mas malaking tulong kaysa kaya niyang ilaang mag-isa.

Sa kasamaang-palad, nag-atubili ang mga Peña na payagan ang bishop na patulungin ang iba. Noong panahong iyon, inasahan ng maraming miyembro ng Simbahan na ang bishop ang responsableng tumulong sa mga miyembro na malagpasan ang mga hamong katulad nito. Bukod pa rito, nangamba si Marco na baka madama ng mga Peña na hindi sila mahalaga sa kanya kung iba ang patutulungin niya.

Kaya ginawa ni Marco ang lahat ng makakaya niya. Bumisita siya. Nagbigay siya ng payo. Sinikap niyang ikonekta sila sa kinakailangang mga mental health professional. Sinamahan sila ni Marco at ng kanyang asawa sa mga klase sa self-reliance at tinulungan silang matugunan ang ilang pinansyal na hamon nila. Habang tumutulong din ang iba pang nasa ward, gumugol ng maraming oras ang bishop sa pagkausap sa mga Peña. Pagkaraan ng limang taon, nabuklod na sila, pero nahirapan pa rin sila sa karamihan ng mga pangmatagalang problema nila noong una nila siyang kausapin.

Sa pagbabalik-tanaw, sinabi ni Marco na mali ang pagkaunawa nila at ng mga Peña sa tungkulin ng bishop. Bukod pa rito, hindi sila nagtiwalang tatlo na magagampanan ng Relief Society president at elders quorum president ang kanilang mga banal na responsibilidad na tulungan ang mga miyembrong may ganitong klaseng mga hamon. Dahil dito ay nalimitahan nila ang mga pagpapala ng Panginoon sa buhay ng mga Peña.

Pagpapalawak ng Ating Pananaw at Mapagkukunan ng Tulong

Hindi kakaiba ang kuwentong ito. Karamihan sa atin ay umaasa sa ating bishop bilang espirituwal na lider ng ating ward. Siya ang namumunong high priest sa ward at mayhawak ng mga susi ng priesthood na pamunuan ang gawain ng Simbahan sa ward. Dahil kabilang sa kanyang papel sa banal na kasulatan ang magsilbing pangkalahatang hukom, kailangan natin ang kanyang tulong sa mga isyung may kaugnayan sa pagkamarapat at pagsisisi. Siya rin ang responsable sa huli sa paggamit ng resources ng Simbahan para tulungan ang mga nangangailangan. Kaya siya kadalasan ang unang taong naiisip natin kapag kailangan natin ng anumang klaseng tulong.

Gayunman, sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, hindi lamang ang bishop ang awtorisadong kumilos para sa Kanya. Naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga susi ng priesthood, may awtoridad at kapangyarihan ang iba pang kalalakihan at kababaihan sa ward na tumanggap ng paghahayag at tumulong sa mga taong nakatalaga sa kanilang pangangalaga. Ang mga elders quorum at Relief Society president ang nahirang na tumanggap ng patnubay ng Diyos sa pagtulong sa atin. Ang iba pang mga lider ng ward, mga ministering brother at sister, at sinumang binigyan ng atas sa ilalim ng awtoridad ng mga susi ng priesthood na kumilos sa ngalan ng Panginoon ay maaari ding magbigay ng kinakailangang tulong.

“Ang mga elders quorum at Relief Society president ay may banal na responsibilidad at paghahayag na tumulong sa mga miyembro,” sabi ni President Jean B. Bingham, Relief Society General President. “Lahat ng taong itinalaga para sa isang tungkulin o tumanggap ng takdang-gawain sa ilalim ng mga susi ng priesthood ay may awtoridad at may karapatan sa paghahayag na kailangan upang magampanan ang responsibilidad na iyon.” 1

Mahal tayo ng Diyos, at nais Niyang gamitin ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan upang pagpalain tayo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 41:1). 2 Gayunman, “karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan.” 3 Kapag nililimitahan natin ang mga pinagkakatiwalaan natin sa pagtulong sa atin, maaaring napipigilan nating matanggap sa ating buhay ang marami sa mga pagpapalang nais ibigay sa atin ng Diyos, dahil hindi natin natutugunan ang mga kundisyong naitakda Niya para matanggap ang mga pagpapalang iyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21). 4

Pagbibigay ng Kapangyarihan sa mga Relief Society at Elders Quorum President

Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2018, nagpahayag ang mga pinuno ng malalaking pagbabago, kabilang na ang muling pagsasaayos ng mga korum ng priesthood, pagpapasimula ng ministering kapalit ng home at visiting teaching, at pagdaragdag sa tungkulin ng mga Relief Society at elders quorum presidency na tumulong na pamunuan ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa ward. Ang mga pagbabagong ito ay nagbigay-diin sa papel na ginagampanan ng mga Relief Society at elders quorum president na “magkaroon ng pangunahing responsibilidad sa … pangangalaga at paglilingkod sa mga miyembro ng Simbahan,” 5 at magtulungan na rin sa pagtugon sa mga temporal na pangangailangan sa pakikipag-ugnayan sa bishop. 6

Ang mga pagbabagong ito kamakailan sa organisasyon, mga patakaran, at programa ng Simbahan ay nilayon, kahit paano, na “tulungan ang mga elders quorum at Relief Society na magkasundo sa kanilang gawain. … At tutulutan nito ang bishop na magbigay ng mas maraming responsibilidad sa mga elders quorum at Relief Society president upang mapagtuunan ng bishop at ng kanyang mga counselor ang kanilang pangunahing mga tungkulin” sa bagong henerasyon sa ward. 7

Para sa mga Bishop: Ang Kapangyarihan ng Banal na Pagtatalaga ng Tungkulin

Dahil may mga responsibilidad na ang bishop lamang ang makakaganap, ang pagkakaroon ng mga Relief Society at elders quorum president na binigyan ng kapangyarihang tumulong ay maaaring maging malaking pagpapala sa mga bishop at sa mga miyembrong nangangailangan.

Halimbawa, ang bishop lamang ang maaaring magsilbing pangkalahatang hukom hinggil sa mga bagay na nauugnay sa pagkamarapat. Gayundin, siya lamang ang may responsibilidad na gamitin ang mga fast offering at ward finances. Hawak niya ang mga susi ng Aaronic Priesthood sa ward at hindi niya maaaring kaligtaan ang kanyang mga responsibilidad para sa bagong henerasyon.

Ang kakayahang magtalaga ng tungkulin ay isang pagpapala sa bishop gayundin sa mga miyembro ng ward. “Ang isang bishop ay kailangang maging isang mahusay sa tagapagtalaga ng tungkulin, dahil kung hindi ay lubha siyang mabibigatan sa kanyang mga responsibilidad o masisiraan ng loob na makita na napakarami sa mga iyon ang hindi natupad,” sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. 8

“Kailangang maunawaan ng bishop na hindi nito binabawasan ang kanyang mga responsibilidad,” sabi ni Sister Reyna I. Aburto, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency. 9 Bagkus, ang pag-anyaya sa iba na tumulong sa gawain ng Panginoon ay magpapatatag at magpapala sa kanila sa pamamagitan ng mga pagkakataong maglingkod. Iyan ang resulta ng pagkilos sa ngalan ng Tagapagligtas at sa Kanyang awtoridad na pagpalain ang iba.

Larawan
larawang-guhit ng ilang bulaklak na dinidiligan

Para sa mga Lider: Paano Ito Ginagawa?

Malamang na makita ng mga miyembro at lider ang mga pagpapalang ito sa mga ward kung saan naunawaan ng mga miyembro ang layunin ng ministering at maayos na nakikipag-ugnayan ang mga elders quorum at Relief Society president sa isa’t isa at sa bishop.

“Ang pinakamainam, dapat ay nagtutulungan na ang mga elders quorum at Relief Society president sa mga pangangailangan ng mga miyembrong pinag-uusapan nila kapag nag-uugnayan sila tungkol sa ministering,” sabi ni President Bingham. “Pagkatapos ay kinakausap nila ang bishop para hingin ang kanyang mga ideya at pagsang-ayon sa mga plano nila sa pagtulong.” 10

Mahalagang maunawaan na kapag naglilingkod ang mga miyembro ng ward, natatapos ang gawain. “Ang ministering ay ang pagkilos ayon sa ebanghelyo,” sabi ni Elder Walter F. González ng Pitumpu. “Ang pagtugon sa mga pangangailangan ng miyembro ay hindi lamang gawain ng mga elders quorum at Relief Society president, tulad ng hindi lamang ito gawain ng bishop.” 11

“Ang ministering ang susi sa pagtugon sa mga pangangailangan at pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan,” sabi ni President Bingham. “Ang ministering ay pag-anyaya sa mga tao na lumapit kay Cristo at gumawa ng mga tipan sa templo sa Kanya. Ministering ang paraan ng pagtukoy natin sa mga pangangailangan at kalakasan ng mga miyembro habang sinusuportahan natin sila sa pamumuhay ng ebanghelyo at pagkatutong umasa sa sarili.” 12

Hindi ang Wakas

Hindi nagtagal matapos ma-release si Marco bilang bishop, nagkaroon ng pandemya. Nawalan ng trabaho si Brother Peña, at nasadlak ang pamilya sa panibagong problema sa emosyon at sa pera. Kasunod ng payo ng mga pinuno ng Simbahan at ng binagong hanbuk, 13 pinamunuan ng elders quorum president ng mga Peña ang paghahanap ng mga inspiradong paraan para masuportahan sila. Sa pagsangguni sa bagong bishop, nadama ng elders quorum president na atasan si Marco na tulungan si Brother Peña.

Naroon na ang mahalagang pagtitiwala. At sa atas na iyon, na ibinigay sa ilalim ng awtoridad ng mga susi ng priesthood, makakaasa si Marco na makatanggap ng paghahayag na kakailanganin niya sa pagtulong. 14

“Kabalintunaan ang tawag dito ng ilan nang hinilingan akong tulungan si Brother Peña matapos akong mag-ukol ng maraming oras sa kanila bilang bishop,” sabi ni Marco. “Pero ang assignment na ito ay piling karanasan para sa akin. Tungkulin mula sa Panginoon ang tumulong sa paggawa ng Kanyang gawain. Nagpapasalamat akong makatulong na mapagaan hindi lamang ang mga pasanin ng mga Peña kundi pati na rin ng bishop.”

Mga Tala

  1. Interbyu kay Elder Walter F. González at sa mga miyembro ng Relief Society General Presidency, Mayo 2021.

  2. Pangulong Thomas S. Monson, “Isipin ang mga Pagpapala,” Liahona, No. 2012, 89.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 100.

  4. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2014, 121–22.

  5. Jeffrey R. Holland, general conference leadership meeting, Abr. 2018.

  6. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 7.1.4.1; 8.2.2; 9.2.2, ChurchofJesusChrist.org

  7. Ronald A. Rasband, “Masdan! Hukbong Kaygiting,” Liahona, Mayo 2018, 59; tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk, 7.1.

  8. Dallin H. Oaks, “Bishop, Help!,” Ensign, Mayo 1997, 22.

  9. Interbyu kay Elder Walter F. González at sa mga miyembro ng Relief Society General Presidency, Mayo 2021.

  10. Interbyu, Mayo 2021; tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk, 21.4.

  11. Interbyu, Mayo 2021.

  12. Interbyu, Mayo 2021.

  13. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 22.6.2.

  14. Tingnan sa Quentin L. Cook, “Mga Bishop—Mga Pastol sa Kawan ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2021, 59–60.