2022
“Hindi Ko Alam ang Kahulugan ng Lahat ng Bagay,” at OK Lang Iyan
Abril 2022


Mga Young Adult

“Hindi Ko Alam ang Kahulugan ng Lahat ng Bagay,” at OK Lang Iyan

Kapag hindi natin alam ang lahat ng sagot, pananampalataya ang sagot.

Larawan
isang babaeng nakatayo sa gilid ng isang bundok na nakatingin sa paglubog ng araw

Hinding-hindi ko malilimutan ang isang aral na natutuhan ko sa isang dalagita sa aking misyon.

Palagi siyang humihingi ng pisikal o konkretong katibayan na ang Aklat ni Mormon ay totoo. At nakaupo ako roon, na hindi sigurado kung paano sasagutin ang kanyang mga tanong at paratang. Bata pa ako noon at masiglang missionary, at ang tanging alam ko ay na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Pinanghinaan ako ng loob dahil hindi ko alam ang lahat ng sagot sa kanyang mga tanong. Pero napagtanto ko na, hindi na mahalaga kung mayroon akong pisikal na katibayan para patunayan na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ang katibayan ay hindi magbibigay sa kanya ng pananampalataya.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pananampalataya ay hindi makakamit sa pag-aaral lamang ng sinaunang mga teksto. Hindi ito makakamit sa mga nahukay at natuklasan ng mga arkeologo. Hindi ito magmumula sa mga eksperimento ng siyensya. Ni hindi ito magmumula sa pagkasaksi sa mga himala. Maaaring pagtibayin ng mga ito ang pananampalataya, o kaya’y magsilbing hamon dito, ngunit hindi ito lumilikha ng pananampalataya.” 1

Gaano kaya iyon kadali kung maipapakita natin ang mga laminang ginto sa buong mundo? Sasapi talaga ang ilang tao sa Simbahan, pero ang iba ay maaaring hindi, dahil hindi lang pisikal na ebidensya ang kailangan para magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Tutal, tulad ng sinabi ng Tagapagligtas kay Tomas, “Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya” (Juan 20:29).

Kung Gayon, Ano ang Pananampalataya?

Ang pananampalataya ay hindi lamang paniniwala—ito ay isang alituntunin ng pagkilos. “Ang pananampalataya kay Cristo ay nagbubunga ng paggawa. Ito’y nagbubunga ng tapat at taos na pagsisisi.” 2 At kahit sinasabi ng mundo na ang pananampalataya ay bulag na pagsunod, naunawaan ko na ang pananampalataya ay pagtitiwala na pagtitibayin sa akin ng Diyos ang katotohanan kapag kumikilos ako.

“Ang ibig sabihin ng magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay lubos na umasa sa Kanya—magtiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. Kasama rito ang paniniwala sa Kanyang mga turo. Ito ay paniniwala na kahit hindi ninyo nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga ito.” 3

Hindi natin alam ang lahat ng sagot, pero kapag nagtiwala tayo sa ating Ama sa Langit na nakakaalam sa lahat, aakayin Niya tayo sa kung ano ang totoo (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:7).

Magtuon sa Nalalaman Mo na

Maaaring magulumihanan tayong makarinig ng payo na magkaroon ng di-natitinag na pananampalataya sa isang mundong patuloy na nagtatangkang pahinain iyon. Ngunit ang pagkakaroon ng di-natitinag na pananampalataya ay posible. Ang pananampalataya ay isang pagpapasiya. Kapag palagi at sadya nating pinipiling mamuhay nang may pananampalataya araw-araw, nagkakaroon tayo ng matibay na pundasyon at matatag na patotoo.

Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang isang paraan para magkaroon ng di-natitinag na pananampalataya: “Maniwala sa Diyos; … maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon” (Mosias 4:9).

Para sa akin, kapag tinatanggap ko na may mga bagay na maaaring hindi ko lubos na mauunawaan sa buhay na ito at nagtutuon ako sa nalalaman ko na, hindi mapapahina ng iba pang mga bagay ang aking patotoo tungkol sa pagmamahal ng Diyos para sa akin at sa katotohanan ng Simbahang ito.

Inuulit ko ang mga salita ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Hindi ko alam ang lahat ng dahilan, ang lahat ng layunin, at hindi ko alam ang lahat tungkol sa takdang panahon ng Panginoon. Tulad ni Nephi, masasabi nating ‘hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay’ (1 Nephi 11:17).

“Ngunit may ilang bagay na tiyak na alam ko. Alam ko na tayo ay mga espiritung anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Alam ko na ang Amang Walang Hanggan ang may-akda ng plano ng kaligayahan. Alam ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos.” 4

Ang mga pangunahing alituntuning ito ay mahahalagang bahagi ng aking patotoo. Naghayag na ang Diyos ng maraming dakila at mahahalagang bagay; huwag magtuon sa mga hiwagang hindi pa Niya naihahayag (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).

Marami pa tayong hindi alam. At OK lang iyan!

Sabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mangyari pa hindi natin lubos na mauunawaan ang lahat ngayon din! Hindi natin malalaman ang kahulugan ng lahat ng bagay ngayon din. Ngunit maaari nating malaman, ngayon din, na kilala at mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin!” 5

Kumilos ayon sa Pananampalataya sa Halip na Magduda

Nanghihina ang patotoo ng maraming matatapat na miyembro kapag hinahayaan nilang mas lumakas ang kanilang pagdududa kaysa sa kanilang pananampalataya. Ang pagtutuon sa pagdududa ay maaaring maging dahilan para tumingin tayo “nang lampas sa tanda” (Jacob 4:14).

Ang dalagitang tinuruan ko sa aking misyon ay maniniwala lamang na totoo ang Simbahan kung mapapasinungalingan namin ng kompanyon ko ang lahat ng paratang niya. Ngunit ang tanging mapapatunayan ko sa kanya ay ang katotohanan ng paghahanap ng mga sagot sa pamamagitan ng personal na paghahayag. 6

Mapapatotohanan ko ang makapangyarihang katibayan ng Espiritu Santo sa buhay ko. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo, hindi dahil alam ko ang lahat ng sagot kundi dahil napatotohanan sa akin ng Espiritu na hindi maikakaila na ito ay totoo. Ang aking patotoo ay hindi dumating sa isang mahimalang pagpapakita kundi sa paglipas ng panahon, sa palagiang pag-aaral at panalangin. Sa madaling salita, hindi dumating ang aking patotoo dahil sa pisikal na katibayan, kundi dahil kumilos ako nang may pananampalataya at patuloy kong gagawin ito.

Kaya, ano ang gagawin natin kung hindi natin mahanap ang mga sagot sa ating mga tanong? Ibinahagi ni Sister Camilla Kimball, asawa ni Pangulong Spencer W. Kimball, ang kanyang estratehiya sa paghihintay sa mga sagot sa mahihirap na tanong. Mayroon siyang kunwa-kunwariang istante para sa mga bagay na hindi niya alam ang mga sagot. At nang panghawakan niya ang mga bagay na alam niya habang pinag-aaralan at ipinagdarasal din ang kanyang mga tanong, mas naunawaan niya iyon.

“May mga tanong pa rin ako na nakalagay sa istanteng iyon,” sabi niya, “ngunit naunawaan ko ang napakaraming iba pang bagay sa buhay ko kaya handa akong maghintay para sa iba pang mga kasagutan.” 7

Bumalik sa Mahahalagang Kaalaman

May mga pagkakataon na hindi ko naunawaan ang ilang kautusan. Mga sandali na may mga tanong ako tungkol sa poligamya, pagkaakit sa kaparehong kasarian, o iba pang mga bagay.

Pero natutuhan ko ang isang mabisang aral mula sa paraan ng pagtuturo ng Diyos kina Adan at Eva.

Itinuro sa atin na “ang Diyos ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos” (Alma 12:32, idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi ako magugulat kung nagkaroon ng maraming katanungan sina Adan at Eva tungkol sa mga kautusang sinabing sundin nila. Pero bago nila naunawaan ang mga kautusan, kinailangan muna nilang malaman ang plano ng kaligtasan.

Gaano mo nauunawaan ang plano ng kaligtasan? Kapag may mga tanong ka, bumabalik ka ba sa mahahalagang alituntunin ng plano ng Diyos? Nang magsaliksik ako para sa mga sagot sa aking mga tanong, nakatulong sa akin ang pag-aaral ng plano ng kaligtasan para masulyapan ang mga sagot ng Diyos.

Kapag nakatuon ako sa mahahalagang katotohanang alam ko, nagagawa kong tumayo sa isang matibay na pundasyon. Hindi ko hinahayaang pahinain ng maliliit na bagay ang aking pananampalataya. Hindi ko alam ang lahat, pero sapat na ang alam ko. 8

Maaari Nating Piliin Palagi na Manampalataya

Tinapos ko ang aming lesson sa dalagang iyon sa aking misyon sa pagpapatotoo nang buong tapang tungkol sa Aklat ni Mormon. Sinabi ko sa kanya na ang tanging paraan para mahanap niya talaga ang mga sagot sa lahat ng kanyang tanong ay ang itanong sa Ama sa Langit kung ang Aklat ni Mormon ay totoo. Hanggang sa maunawaan niya ang mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, maaari niyang ilagay sa istante ang iba pa niyang mga tanong at balikan ang mga iyon kalaunan nang may higit na pang-unawa at pananampalataya. Pero sa totoo lang, hindi ba angkop iyan sa ating lahat? Talagang mapapalakas natin ang ating pananampalataya sa pagkilos nang may pananampalataya.

Napagpapala ako sa tuwing pinipili kong manampalataya kapag nahaharap ako sa mga bagay na hindi ko alam. At kapag nagtitiwala ako na ihahayag ng Ama sa Langit ang mga sagot sa Kanyang sariling panahon, alam ko na liligaya at magagalak ako sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo—kahit hindi ko alam ang lahat ng sagot.

Mga Tala

  1. D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 34–35.

  2. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 68.

  3. Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006), 174.

  4. David A. Bednar, “That We Might ‘Not … Shrink’ (D&C 19:18)” (Church Educational System devotional para sa mga young adult, Mar. 3, 2013), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.

  5. Neal A. Maxwell, “Yakap sa Bisig ng Kanyang Pagmamahal,” Liahona, Nob. 2002, 18.

  6. Tingnan sa Lawrence E. Corbridge, “Tumayo sa Bato ng Paghahayag,” Liahona, Okt. 2020, 24–29.

  7. Camilla Kimball, sa Lavina Fielding, “Camilla Kimball: Lady of Constant Learning,” Ensign, Okt. 1975, 62.

  8. Tingnan sa Rihna Mak, “I Don’t Know All the Answers, but I Know Enough” (digital na artikulo lamang), Ensign, Set. 2018.