2022
Pagsulong Pagkaraan ng Aking Ikalawang Diborsyo
Abril 2022


“Pagsulong Pagkaraan ng Aking Ikalawang Diborsyo,” Liahona, Abr. 2022.

Pagsulong Pagkaraan ng Aking Ikalawang Diborsyo

Nakatulong ang isang simpleng payo para makapagpatuloy ako noong hindi ko alam kung ano ang susunod na gagawin.

Larawan
binatilyong naglalakad sa dilaw na rampa

Larawan mula sa Getty Images

Lubos akong nasa kadiliman sa bakanteng silid ng bahay ng mga magulang ko, na natatalukbungan ng isang bunton ng mga kumot. Maaaring tanghali na o hatinggabi na; hindi ko na alam ang oras. Lahat ng pag-aari ko ay nailagay na sa mga kahon na nakasalansan sa tabi ng kama ko. Makikipagdiborsyo ako noon sa ikalawang pagkakataon sa loob ng apat na taon, at parang hindi ko kaya.

Nawalan ng Pag-asa

Ang paghihiwalay namin ng aking pangalawang asawa ay isang malupit na panahon na puno ng pagkabalisa, kawalang-katiyakan, at pamamalagi sa iba’t ibang hotel. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Pakiramdam ko, wala akong gaanong nagawang anuman maliban sa humiga sa ilalim ng mga kumot at sikaping mawalan na ng pakiramdam.

Nakaranas na ako ng mahihirap na panahon dati, pero kaiba ang araw na ito. Ayaw kong magsimba o magbasa ng mga banal na kasulatan—o bumangon man lang mula sa higaan. Kahit ang pagdarasal ay mas hirap akong gawin at parang hindi ko kaya. Humiga ako sa kama at nagdasal na nais kong manalangin, at iyon na iyon. Nawalan na nga ako ng pag-asa.

Gusto akong tulungan ng pamilya ko at ng iba pang nagmalasakit sa akin, pero hindi lang nila alam kung paano. Sinubukan nilang pasayahin ako, dalhan ako ng pagkain, o tiyakin na magiging maayos ang lahat para sa akin. Pero hindi pa ako handang marinig iyon noon. Halos imposibleng makatulong ang sinuman dahil kahit ako ay hindi ko alam kung anong tulong ang kailangan ko. Iba ang pakiramdam ng madaig ng kalungkutan kapag alam mo ang lahat ng kailangan mong gawin para malampasan ang mga balakid sa iyong daan. Pero ibang-iba para sa akin kapag ni hindi ko maunawaan ang susunod na gagawin.

Napakasakit ng una kong diborsyo, at inabot ng isang buong taon ang nakakapagod kong pagsisikap na makabangong muli. Pero kahit paano, nakabangon ako at kalaunan ay nakakilos nang muli. Hindi gayon ang nangyari sa pagkakataong ito. Hindi ko nadama na kaya kong “magsimulang muli.” Sa sandaling ito, talagang naubos ang lakas ng aking isipan, damdamin, at katawan.

Bigla kong naalala nang malinaw ang isang pangyayari ilang taon na ang nakalipas.

“Pumili Ka Lang ng Isang Bagay”

Tinalikuran ko na ang Simbahan noong tinedyer ako dahil hindi ako naniwala na totoo iyon. Tumigil pa akong maniwala sa Diyos. At noong nasa 20s na ang edad ko, nakaranas ako ng pagbabalik-loob, at nalaman ko na totoo ang Simbahan. Naaalala ko na nasabik akong malaman ang katotohanan ng ebanghelyo. Ang pananabik na iyon ay nagtagal lang nang mga isang minuto bago ako hindi napalagay sa masakit na katotohanan na kailangan kong baguhin ang buong buhay ko dahil sa aking pagbabalik-loob. Paano mo babaguhin ang halos lahat ng bagay tungkol sa buhay mo at maging ang tao na alam mong dapat mong kahinatnan?

Noong araw na iyon na nasa 20s ang edad ko, tinawagan ko ang lolo ko. Alam ko na mapagkakatiwalaan ko ang payo niya sa problemang ito. Nakinig siya sa mga problema ko tungkol sa kung paano ko babaguhin ang buong buhay ko samantalang hindi ko tiyak kung paano gawin iyon. Pagkatapos ay sinabi niya, “Pumili ka lang ng isang bagay. Pumili ka ng isang bagay, pagsikapan mo iyon, at kapag handa ka na, pumili ka ng isa pa. Iyan lang ang kailangan mong gawin.”

Hindi ko alam kung ano ang inasahan kong marinig, pero hindi iyon. Kinailangan kong magpakabuti pa nang husto, at naisip ko na ang pagbabago nang paisa-isang bagay ay hindi magiging sapat. Pero kahit paano, sa ilang sandali ng espirituwal na kahustuhan ng isipan, nagpasiya akong sundin ang kanyang payo. Sa napakaraming pagbabagong nakaharap ko noong panahong iyon ng pagbabalik sa Simbahan, ano ang isang bagay na dapat kong unahin? Ang mga bagay pa lang na ito na kailangang gawin na alam nating lahat (magsimba, magbasa ng mga banal na kasulatan, manalangin, magbayad ng ikapu, maglingkod sa isang calling, atbp.) ay napakahirap nang gawin.

Napakaraming bagay na alam kong mahihirapan akong baguhin, at wala pa akong sapat na lakas para gawin ang mga iyon. Kaya nagpasiya akong pumili ng isang bagay na magagawa ko—isang bagay na mahalaga pero maliit lang. Matutulungan ako nito na magsimulang maging ang tao na nais kong kahinatnan, at magagamit ko iyon para magtagumpay.

Taludtod sa Taludtod

Makalipas ang ilang taon, noong mawalan ako ng lakas na mag-alay ng simpleng panalangin pagkaraan ng aking ikalawang diborsyo, ipinaalala iyon sa akin ng Espiritu Santo.

Habang patuloy akong nakahiga nang walang kakilus-kilos sa malambot kong higaan at naalala ko ang payong iyon, alam ko na binibigyan ako ng Espiritu ng patnubay na magagamit ko sa kasalukuyan kong sitwasyon. Siguro may magagawa akong isang bagay. Hindi iyon kailangang maging malaking bagay; kailangan lang na may gawin ako. Ang unang bagay na kinailangan kong gawin ay bumangon mula sa higaan. Kaya iyon ang ginawa ko—pagkaraan ng ilang minuto, hinawi ko ang mga kumot at tumayo ako. Pagkatapos ay nagtalukbong ulit ako. Pero OK lang iyon dahil nagawa ko ang isang bagay na pinili ko. Ginawa kong mithiin iyon nang ilang araw pa bago ako pumili ng susunod na gagawin, at patuloy kong ginawa iyon.

Nauunawaan ko na ngayon na ang bilin ni Lolo ay hindi lang magandang payo. Itinuturo sa mga banal na kasulatan, “Ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at ipahiram ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan” (2 Nephi 28:30). Sinubukan ko ito dahil nagtiwala ako sa lolo ko. Umubra ito dahil ito ay alituntunin ng ebanghelyo. Ang matuto kung paano mas magpapakabuti sa pamamagitan ng pagbabago nang paisa-isang bagay ang paraan para tayo matuto at lumago.

Ito kadalasan ang partikular na sandali sa kuwento kung saan sasabihin ko sa inyo kung gaano kaganda ang buhay ko ngayon. Ang totoo ay mas bumuti ang mga bagay-bagay, pero hindi lang iyan ang layunin ng pagkukuwentong ito. Ang layunin ay na inasahan ng Panginoon na gagawin ko lang ang makakaya ko sa bawat sandali sa tulong Niya. Naunawaan Niya na may mga araw na ang pinakamainam na magagawa ko ay mag-ipon ng lakas para makabangon mula sa higaan. Tulad ng itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tatanggapin ka ng Diyos kung sino ka sa sandaling ito at sisimulan ka Niyang hubugin. Ang kailangan mo lang ay pusong handa, hangaring maniwala, at magtiwala sa Panginoon.” 1

Nadama ko ang pagmamahal at pagtanggap mula sa ating Ama sa Langit. Ang aking handog na patuloy na pagbutihin ang aking sarili nang taludtod sa taludtod ay katanggap-tanggap sa Kanya. Ang pagsisikap, hindi man ito perpekto, ay katanggap-tanggap pa rin kung ito ang pinakamainam na magagawa ko. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Gawin ang lahat ng inyong makakaya. Iyan lang ang hinihiling namin sa inyo. … Hindi inaasahan ng Panginoon na higit pa riyan ang gawin ninyo. Gawin mo lang ang makakaya mo.” 2 Hindi ko na kinailangang biglaan at lubusang magbago sa magdamag. Umuunlad tayo nang taludtod sa taludtod.

Sinisikap ko man na mas magpakabuti sa ministering sa mga nasa paligid ko o nagsisikap lang akong tumayo, ang mahalaga ay nagsisikap ako.

Paroroon ang Panginoon

Mula sa pagsisikap kong makabangong muli mula sa dalawang diborsyo—at mula sa lahat ng iba pang bagay na naging hamon sa buhay ko—dalawang mahalagang aral ang natutuhan ko. Una, gustung-gusto ng Panginoon ang anumang klase ng taos na pagsisikap. 3 Pangalawa, sasalubungin ka ng Panginoon kung saan ka naroon. Saan man kayo naroon sa daan patungo sa pagbangong muli at paggaling, kung kayo ay nasa daang iyon, paroroon Siya.

Dahil inako ng Tagapagligtas ang lahat ng ating pasakit at kalungkutan, alam Niya ang kailangan natin ano man iyon. Kahit hindi natin iyon alam mismo, alam Niya iyon. At tutulungan Niya tayong sumulong.

Madalas kong marinig ang iba na nagpapasalamat para sa kanilang mga hamon sa buhay. Gusto kong magpasalamat para sa paghihirap. Hindi pa ako ang taong iyon, pero sa ngayon, iyan ang isang bagay na gagawin ko. Pinagsisikapan ko iyan, at kapag handa na ako, pipili ako ng isa pa.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Napakaganda ng Nagagawa Nito!Liahona, Nob. 2015, 23.

  2. Gordon B. Hinckley, sa “Messages of Inspiration from President Hinckley,” Church News, Hulyo 3, 2003, thechurchnews.com.

  3. Tingnan sa Russell M. Nelson sa Joy D. Jones, “Isang Natatanging Dakilang Tungkulin,” Liahona, Mayo 2020, 16.