2022
Maghanda para sa Sakramento Buong Linggo
Abril 2022


Digital Lamang

Maghanda para sa Sakramento Buong Linggo

Ang pagsunod kay Jesucristo araw-araw ay nagpapasaya sa ating buhay.

Larawan
babae at mga batang tumatanggap ng sakramento

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nagtitipon sa araw ng Sabbath ay “ihandog ang inyong sakramento sa … banal na araw [ng Panginoon]” (Doktrina at mga Tipan 59:9). Mahalagang pagkakataon ito sa buong linggo na pagnilayan si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala at panibaguhin ang ating pangakong ipamuhay ang ebanghelyo at sundin ang plano ng Ama sa Langit, na nagtutulot sa atin na makabalik sa Kanya.

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga pulong natin sa Simbahan sa araw ng Sabbath ay nilayong bigyang-diin “ang sakramento ng Hapunan ng Panginoon bilang sagrado, namumukod-tangi, at sentro ng ating pagsamba tuwing Linggo.” 1

Gayunman, kahit mahalaga ang sakramento, kung minsan ay nagagambala tayo dahil sa mga naiisip at inaalala natin habang pinangangasiwaan ang ordenansang ito. Maaaring hindi tayo nakatuon sa kahalagahan ng ginagawa natin.

Paano natin maihahanda ang ating puso’t isipan upang mas lubos na sambahin ang Panginoon sa oras na pinangangasiwaan ang sakramento? Paano tayo makapaghahanda sa araw ng Linggo at sa buong linggo natin kung saan napakaraming alalahanin at responsibilidad ang nakaatang sa ating mga balikat? Narito ang limang ideya upang magawang mas sagradong karanasan ang sakramento.

1. Sikaping sundin si Cristo sa lahat ng inyong ginagawa.

Sinabi ni Elder Alfred Kyungu ng Pitumpu: “Upang maging alagad ni Cristo kailangan nating pagsikapang iayon ang ating mga kilos, ugali, at buhay sa Tagapagligtas. Ito ay pagtatamo ng mga banal na katangian. Ito ay pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo.” 2

Ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas ang dapat maging sentro ng ating buhay. Bilang bahagi ng ating tipan na laging alalahanin si Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79), magagawa natin ang lahat ng ating makakaya bawat araw na sumunod sa Kanya. Kapag ganito ang ating pamumuhay, mapagpapala Niya tayo, at nagiging mas handa ang ating puso na tumanggap ng sakramento tuwing araw ng Sabbath. Nagiging mas madaling magtuon sa Kanya kapag hinahangad nating mamuhay nang tulad Niya.

2. Sikaping makadalo sa pulong.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “Ang ordenansa ng sakrament ang nagpapabanal at nagpapahalaga nang lubos sa sakrament miting sa Simbahan.” 3 Ang ating mga pagsisikap sa pagpunta sa pulong na ito ay makagagawa ng kaibhan.

Sinabi ni Elder Holland: “Hinihikayat namin kayong dumating nang maaga at mapitagan sa ating sacrament service, nakadamit nang angkop para makibahagi sa sagradong ordenansa. Ang katagang ‘Sunday best’ ay bahagyang nawalan ng kahulugan sa ating panahon, at bilang pagpapahalaga sa Kanya na dahilan kung bakit tayo naroroon, dapat lamang ibalik natin ang tradisyong iyon na pagbibihis ng angkop na damit pangsimba at pag-aayos hangga’t makakaya natin.”

Idinagdag niya, “Tungkol naman sa pagdating sa [tamang] oras, mapagmahal nating uunawain mahuli man ng dating ang mabubuting inang iyon na kahit hirap na inaakay ang mga anak, at mga baong pagkain at diaper bag, ay nagawa pa ring makarating sa simbahan.” 4

Kung minsan ang pagsisimba sa araw ng Sabbath ay maaaring mahirap. Ngunit nakikita ng Ama sa Langit ang inyong mga paghihirap at naririnig ang inyong mga dalangin. Nakikita rin Niya ang inyong mga pagsisikap, at pagpapalain Niya kayo kapag nagsimba kayo at tumatanggap ng sakramento kahit na tila mahirap ang buhay o pagpunta sa simbahan. Sinabi ni Elder Randy D. Funk ng Pitumpu, “Para matanggap ang malalaking pagpapalang iniaalok [ng Ama sa Langit], dapat tayong kumilos na tanggapin ang mga ito.” 5 Gustung-gusto ng Ama sa Langit at ng Panginoon na kumikilos tayo; nalulugod Sila na makita na ginagawa natin ang lahat para sundin si Jesucristo.

3. Pagnilayan ang mga pagpapalang nakamit ninyo sa buong linggo—nang makita ninyo ang impluwensya ng Panginoon sa inyong buhay.

Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang kamay ng Panginoon ay gumagabay sa inyo. Sa ‘banal na plano,’ may impluwensya Siya sa maliliit na detalye ng inyong buhay gayundin sa mahahalagang pangyayari.” 6

Mag-ukol ng oras araw-araw na malaman kung kailan kayo tinulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na umunlad o magtagumpay. Siguro nakamit ninyo ang isang mithiin. Siguro ay nakatanggap kayo ng mabuting balita tungkol sa temporal na pagpapala. Siguro’y nakadama kayo ng lakas na matiis ang paghihirap. Anuman ang nangyari, sikaping alalahanin ang Diyos sa lahat ng bagay at kilalanin ang mga banal na pagpapala. 7

Alam ng Panginoon ang ating mga kalungkutan, at alam din Niya ang ating mga kagalakan. Ang pag-alaala sa Kanya sa lahat ng bagay ay tumutulong sa atin na magtiwala sa Kanya at sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Bago pasimulan ang sakramento, ang Tagapagligtas ay “[nagpasalamat]” (Lucas 22:19); makadarama tayo ng kagalakan kapag tinularan natin ang Kanyang halimbawa.

4. Pag-isipan ang mga pagkakataon sa buong linggo na nagkamali kayo; magsisi at magplanong gumawa ng pagbabago.

“Sa paghahanda para sa sacrament linggu-linggo, ang mga miyembro ng Simbahan ay naglalaan ng oras upang suriin ang kanilang mga buhay at pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. Hindi nila kailangang maging perpekto upang tumanggap ng sacrament, ngunit dapat mayroon silang diwa ng pagpapakumbaba at pagsisisi sa kanilang mga puso.” 8

Ang sakramento ay isang lingguhang paalala na pagsisihan ang ating mga kasalanan. Ngunit ang pagsisisi ay dapat ding pang-araw-araw na proseso upang matulungan tayong maghandang panibaguhin ang ating mga tipan sa araw ng Sabbath. Mag-ukol ng oras araw-araw na isipin ang mga nagawa ninyong mga pagkakamali at pagkatapos ay magplano sa patnubay ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na maging mas mabuti sa susunod na araw at sa darating na linggo. Ang palagiang prosesong ito ng pagsisisi ay tutulong sa inyo na lalo pang mapahalagahan ang sakramento kapag palagi ninyong nadarama ang nakalilinis na kapangyarihang ibinigay sa atin sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Habang sinisikap nating magpakabuti pa, maaalala natin ang ipinayo ni Elder Michael A. Dunn ng Pitumpu nang anyayahan tayong maging “isang porsyento na mas mahusay” bawat araw: “Maisasakatuparan ba ng maliliit na pagbabago ang ‘malaking pagbabago’ [Alma 5:14] na hinahangad ninyo? Kung isasagawa nang tama, nakatitiyak ako nang 99 porsyento na maisasakatuparan ng mga ito! Ngunit ang isang dapat tandaan sa pamamaraang ito ay upang mapagsama-sama ang maliliit na pagpapabuti, kailangan ng tuluy-tuloy na pagsisikap. At bagama’t hindi tayo magiging perpekto, kailangan nating maging determinado sa ating paninindigan nang may katumbas na pagtitiyaga. Gawin ninyo iyan, at ang nakalulugod na gantimpala ng dagdag na kabanalan ay maghahatid sa inyo ng ligaya at kapayapaan na hinahangad ninyo.” 9

5. Tandaan na ang pagsisisi ay isang masayang proseso, hindi malungkot na pangyayari.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” 10

Alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na hindi tayo perpekto at lahat tayo ay magkakamali. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong makabalik sa Kanilang piling. Dahil dito, ang pagsisisi ay isang pagpapala, at tinutulungan tayo ng sakramento sa prosesong iyan. Tumatanggap tayo ng sakramento linggu-linggo upang muli tayong mangako sa Panginoon.

Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na “gawing nakasisiya ang inyong Sabbath habang sumasamba sa Kanya, tumatanggap ng sacrament, at pinananatiling banal ang Kanyang araw.” 11 Kapag sinunod natin ang payo ng mga propeta at apostol na pahalagahan ang Ama sa Langit, si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala, at ang sakramento, ang Sabbath ay hindi lamang magiging kaluguran natin—ang pagsunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay magpapalugod sa ating buhay.