2022
Hindi Nag-iisa Kailanman
Abril 2022


“Hindi Nag-iisa Kailanman,” Liahona, Abr. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Hindi Nag-iisa Kailanman

Estranghero sa akin ang lalaking maysakit pero hindi sa Ama sa Langit.

Larawan
dalawang missionary na nagbibigay ng basbas ng priesthood sa isang lalaki

Sari-saring retrato mula sa Adobe Stock at kay Janae Bingham

Kadarating lang naming anim na Brazilian missionary sa Argentina at naghihintay na makalipad papunta sa aming mga mission. Pagpasok na pagpasok namin sa waiting area para sa aming paglipad, ginusto naming retratuhan ang airport runway na tanaw ang lungsod sa di-kalayuan. Habang kumukuha ng mga retrato ang lima pa, naghintay ako sa malapit at binantayan ko ang aming bagahe.

Pagbalik nila, tumingin ako sa paligid at nakita ko ang isang lugar na gusto kong retratuhan. “Babalik ako agad,” sabi ko sa iba.

Pagkatapos kong magretrato, narinig kong may tumawag ng, “Elder.” Agad akong tumingin sa paligid pero wala akong nakitang sinuman. Pagkatapos ay narinig ko ang tawag sa ikalawang pagkakataon: “Elder.”

Nang tumingin akong muli sa paligid, nakita ko ang isang matandang lalaking nakaupo sa kalapit na bangko. Nang lumapit ako sa kanya, sinabi niya, “Elder, gusto kong tumanggap ng basbas ng priesthood para sa maysakit.”

Nagulat ako sa hiling niya. Nagpapabasbas sa akin ang isang lalaking noon ko lang nakita sa unang araw ko sa isang bansang halos hindi ko alam ang wika.

Sa paapuhap na Espanyol, may ilan akong itinanong sa kanya: “May pananampalataya ka ba? Naniniwala ka ba sa kapangyarihan ng priesthood? Alam mo ba Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

Medyo nalilito sa mga tanong ko, sumagot siya ng, “Miyembro ako ng Simbahan, Elder. Taga-Salta ako, sa hilaga. Nag-iisa ako, maysakit, at kailangan ko ng basbas.”

Sinundo ko ang iba pang mga missionary. Nagpakilala kami at kinausap namin sandali ang lalaki. Pagkatapos ay dinala namin siya ng kompanyon ko sa restroom, kung saan namin siya binigyan ng basbas.

Sa sandaling iyon, wala akong panahong pag-isipan nang husto ang sinabi sa akin ng lalaki maliban sa kailangan niya ng basbas. Pero kalaunan, labis na naantig ang puso ko sa sinabi niyang “nag-iisa ako.” Pakiramdam niya ay nag-iisa siya, pero mayroon siyang Ama sa Langit na nakakaalam kung nasaan siya at na maysakit siya. Sa halip na talikuran siya, nagpadala ng mga missionary ang Ama sa Langit para aliwin siya, bigyan siya ng basbas, at ipaalala sa kanya na hindi siya nag-iisa.

Pinalakas ng karanasang iyon ang aking patotoo na mayroon tayong Ama sa Langit na nakakikilala sa atin at hindi tayo pababayaan kailanman.