2022
Pag-uukol ng Oras na Gawin ang mga Simpleng Bagay
Abril 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pag-uukol ng Oras na Gawin ang mga Simpleng Bagay

Pakiramdam ko ay nawawalan ako ng ugnayan sa Ama sa Langit dahil hindi ko ginagawa ang mga simpleng bagay.

Larawan
mga taong nagbubuhos ng buhangin sa isang hourglass

Nang makatapos ako sa hayskul at makakuha ng trabaho, nahirapan akong mag-ukol ng oras na gawin ang mga simpleng bagay araw-araw para mapanatiling malakas ang aking pananampalataya—mga bagay na tulad ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagpunta sa institute. Pakiramdam ko ay nanghihina ang aking pananampalataya at nawawalan ako ng ugnayan sa aking Ama sa Langit.

Kaya isang araw nagsulat ako ng dalawang mithiin sa isang papel: “Basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw” at “Pumunta sa institute linggu-linggo.” Inilagay ko ang papel na iyon sa dingding ko. Nagdasal ako sa Ama sa Langit at hiniling ko sa Kanya na tulungan ako, at nang araw na iyon ipinangako ko sa aking sarili na talagang gagawin ko ang mga bagay na ito.

At ginawa ko nga. Nagsimula akong magbasa ng dalawang kabanata sa Aklat ni Mormon araw-araw at pumunta sa institute linggu-linggo. May mga linggo na kailangan kong magtrabaho kaya hindi ako makadalo sa institute, at may mga araw na abala ako kaya nalilimutan kong basahin ang aking mga banal na kasulatan. Mayroon din akong iba pang mga mithiin na nangangailangan ng oras at atensyon. Pero patuloy akong nagsikap.

Nadama ko na mas malapit sa akin ang aking Ama sa Langit kaysa dati at nadama ko na tinutulungan Niya ako nang mas madalas dahil pinili kong sumunod sa Kanya. Ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw ay nakatulong sa akin na mas maunawaan ang plano ng kaligtasan, na nagpasaya sa akin. Naging mas madali para sa akin na makahanap ng mga sagot sa aking mga tanong na may kaugnayan sa pananampalataya. At ang pagpunta sa institute linggu-linggo ay nakatulong sa akin na makita ang liwanag ng Diyos saanman ako magpunta. Sa pangkalahatan, mas nadama ko ang Espiritu sa buhay ko.

Napakaraming simpleng bagay na magagawa natin na makatutulong sa atin para mapanatiling malakas ang ating pananampalataya. Maaari nating pagnilayan ang mga mensahe ng ating mga lider, magsimba, taimtim na manalangin, makibahagi sa mga aktibidad ng Simbahan, maglingkod sa iba, at pumunta sa templo. Ang mga ito ay maliliit ngunit mahahalagang bagay.

Para sa mga young adult na iniisip na masyado silang abala para gawin ang mga simpleng bagay na nagpapalakas sa kanilang pananampalataya: Nakita ko mismo na posibleng maglaan ng oras para sa mga bagay na iyon. Pinipili natin kung paano natin ginugugol ang ating oras araw-araw.

Isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan tungkol sa pananampalataya at mga pagpapala ay ang Doktrina at mga Tipan 63:9: “Subalit, masdan, ang pananampalataya ay hindi dumarating sa pamamagitan ng mga tanda, kundi ang mga tanda ay sumusunod sa yaong sumasampalataya.”

May patotoo ako na kung gagawin natin ang ating bahagi at gagawin ang tila mga simpleng bagay araw-araw, pagpapalain tayo ng Ama sa Langit. Habang sinisikap nating mas lumapit Kanya, Siya ay talagang mas lalapit sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63). Alam ko na totoo iyan dahil nadama ko na mas lumapit Siya sa akin nang sikapin kong mas lumapit sa Kanya.