2022
Mga Martir na Nanatiling Tapat sa Pananampalataya
Abril 2022


“Mga Martir na Nanatiling Tapat sa Pananampalataya,” Liahona, Abr. 2022.

Mga Kuwento mula sa Mga Banal, Tomo 3

Mga Martir na Nanatiling Tapat sa Pananampalataya

Larawan
dalawang lalaking nakagapos na bibitayin

Larawang-guhit ni Greg Newbold

Noong tag-init ng 1915, si Rafael Monroy ay naglingkod bilang pangulo ng isang branch na may humigit-kumulang apatnapung mga Banal sa San Marcos, Hidalgo, Mexico. Noong Hulyo 17, isang grupo ng mga rebeldeng sundalo ang sumakop sa nayon, nagtayo ng himpilan sa isang malaking bahay sa sentro ng bayan, at inutusan si Rafael, isang mayamang rantsero, na bigyan sila ng karne ng baka. 1

Umasam na mapapayapa ang mga sundalo, binigyan sila ni Rafael ng isang bakang kakatayin. 2 Matapos ihatid ni Rafael ang baka, sinimulang kausapin ng ilan sa kanyang mga kapitbahay ang mga rebelde. Ang isang kapitbahay, si Andres Reyes, ay hindi masaya tungkol sa dumaraming bilang ng mga Banal sa lugar. Maraming Mexican ang sumalungat sa mga impluwensya ng mga banyaga sa kanilang bansa, at nagalit sa mga Monroy si Andres at ang iba pa sa bayan nang umalis sila sa kanilang simbahang Katoliko para sumapi sa isang simbahang alam ng marami na malaki ang kaugnayan sa Estados Unidos. 3

Nang marinig ito, sinundan ng mga sundalo si Rafael pabalik sa kanyang bahay at dinakip siya noong paupo na siya para mag-almusal. Pinabuksan nila sa kanya ang tindahan ng pamilya, na sinasabi na sila ng kanyang bayaw na Amerikano ay mga koronel sa hukbong Carrancista na nagtatago ng mga armas para gamitin laban sa mga Zapatista.

Sa tindahan, natagpuan ni Rafael at ng mga sundalo si Vicente Morales, isa pang miyembro ng Simbahan, na may ginagawang kung anu-ano. Naniniwalang isa rin itong sundalong Carrancista, dinakip ito ng mga sundalo at sinimulan nilang halughugin ang tindahan sa paghahanap ng mga armas. Nagsumamo sina Rafael at Vicente na wala naman silang kasalanan, na tinitiyak sa mga sundalo na hindi sila ang kaaway.

Hindi naniwala sa kanila ang mga sundalo. “Kung hindi ninyo ibibigay sa amin ang inyong mga armas,” sabi nila, “ibibigti namin kayo sa pinakamataas na puno.”

Dinala ng mga kawal ang dalawang lalaki sa isang mataas na puno at sinabitan ng mga lubid ang matitibay na sanga nito. Pagkatapos ay ipinasok nila sa mga silo ang leeg ng dalawa. Kung tatalikuran nina Rafael at Vicente ang kanilang relihiyon at sasapi sa mga Zapatista, sabi ng mga kawal, pakakawalan sila.

“Mas mahalaga sa akin ang relihiyon ko kaysa sa buhay ko,” sabi ni Rafael, “at hindi ko ito matatalikuran.”

Hinila ng mga sundalo ang mga lubid hanggang sa bumitin at mawalan ng malay sina Rafael at Vicente. Pagkatapos ay binitawan ng mga rebelde ang mga lubid, binuhay ang mga lalaki, at patuloy na pinahirapan ang mga ito. 4

Sa tindahan, patuloy na naghanap ng mga armas ang mga rebelde. Iginiit ng ina ni Rafael na si Jesusita at ng kanyang asawang si Guadalupe na walang mga armas. “Ang anak ko ay isang payapang tao!” sabi ni Jesusita. “Kung hindi, palagay ba ninyo matatagpuan ninyo siya sa bahay niya?” Nang muling hilingin ng mga sundalo na makita ang mga armas ng pamilya, inilabas ng mga Monroy ang mga kopya ng Aklat ni Mormon at ng Biblia.

“Hindi naman iyan mga armas,” sabi ng mga rebelde.

Nang hapong iyon, dinala ng mga Zapatista sina Rafael at Vicente sa kanilang himpilan, kung saan hawak din nila ang mga kapatid ni Rafael—sina Jovita, Lupe, at Natalia. Nagulat si Lupe sa hitsura ni Rafael. “Rafa, may dugo ka sa leeg,” sabi niya rito. Nagpunta si Rafael sa isang lababo sa silid at naghilamos. Mukha siyang kalmado at parang hindi galit, sa kabila ng lahat ng nangyari.

Kalaunan, dinalhan ni Jesusita ng pagkain ang kanyang mga anak. Bago siya umalis, inabutan siya ni Rafael ng isang liham na isinulat niya para sa isang kapitan ng Zapatista na kilala niya, na humihingi ng tulong na patunayan na wala siyang kasalanan. Kinuha ni Jesusita ang liham at hinanap ang kapitan. Pagkatapos ay binasbasan ng mga Monroy at ni Vicente ang kanilang pagkain, pero bago pa sila nakakain, narinig nila ang ingay ng mga yabag at armas sa labas ng pinto. Tinawag ng mga sundalo sina Rafael at Vicente, at lumabas ng silid ang dalawang lalaki. Sa may pintuan, hiniling ni Rafael sa kapatid niyang si Natalia na sumama sa kanya palabas, pero itinulak ito ng mga bantay pabalik sa loob.

Nagtinginan ang magkakapatid na babae, na kumakabog ang mga puso. Natahimik sila. Umalingawngaw ang mga putok ng baril sa gabi. 5

Noong gabing lusubin ng mga Zapatista ang San Marcos, papunta si Jesusita de Monroy sa isang lider ng mga rebelde para kausapin ito, na umaasa na matutulungan siya nito na mapalaya ang mga anak niyang nakabilanggo, nang marinig niya ang pamatay na mga putok ng baril. Nang magmadali siyang bumalik sa bilangguan, nakita niyang patay na ang anak niyang si Rafael at ang kapwa nila Banal sa mga Huling Araw na si Vicente Morales, mga biktima ng mga bala ng mga rebelde.

Larawan
Rafael Monroy at pamilya

Mula kaliwa: Rafael Monroy hawak ang anak niyang si María Concepción; Guadalupe Hernández de Monroy, asawa ni Rafael; kapatid niyang si Natalia; kanyang inang si Jesusita Monroy; at mga kapatid niyang sina Jovita at Lupe.

Ngayon, isang taon pagkamatay ng kanyang anak, nakatira pa rin si Jesusita sa San Marcos. Sa unang araw ng Linggo noong Hulyo 1916, nagdaos ng testimony meeting ang mga Banal, at nagpatotoo ang bawat miyembro ng branch tungkol sa ebanghelyo at sa pag-asang ibinigay nito sa kanila. Pagkatapos, noong Hulyo 17, na anibersaryo ng mga pagpatay, nagtipon silang muli para gunitain ang mga martir. Kumanta sila ng isang himno tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at nagbasa si Casimiro Gutierrez ng isang kabanata mula sa Bagong Tipan. Ikinumpara ng isa pang miyembro ng branch sina Rafael at Vicente sa martir na si Esteban, na namatay dahil sa kanyang patotoo kay Cristo. 6

Nanatiling haligi ng pananampalataya si Jesusita para sa kanyang pamilya. “Naging mabigat ang aming mga kalungkutan,” pagsulat niya sa isang liham, “pero malakas ang aming pananampalataya, at hindi namin tatalikuran ang relihiyong ito kailanman.” 7

Mga Tala

  1. Rey L. Pratt, “A Latter-day Martyr,” Improvement Era, Hunyo 1918, 21:720–21; Grover, “Execution in Mexico,” 9; Monroy, History of the San Marcos Branch, [12b], [15b], 19, [22b], 25, [31b]–32; Tullis, Martyrs in Mexico, 7, 34–35.

  2. Monroy, History of the San Marcos Branch, [31b]; Jesus M. de Monroy para kay Rey L. Pratt, Ago. 27, 1915, CHL; Grover, “Execution in Mexico,” 13–15; Tullis, Mormons in Mexico, 103. Paksa: Mexico

  3. Monroy, History of the San Marcos Branch, 23, 25, [31b]; Tullis, Martyrs in Mexico, 9, 32–33.

  4. Monroy, History of the San Marcos Branch, 31[b]–33; Jesus M. de Monroy para kay Rey L. Pratt, Ago. 27, 1915, CHL; Rey L. Pratt, “A Latter-day Martyr,” Improvement Era, Hunyo 1918, 21:723–24; Tullis, Martyrs in Mexico, 10–12.

  5. Monroy, History of the San Marcos Branch, [32b]–[33b]; Villalobos, Oral History Interview, 4.

  6. Monroy, History of the San Marcos Branch, 44–[44b].

  7. Diary ni W. Ernest Young, 121; Tullis, Martyrs in Mexico, 78, 80.