2022
Ang Multiple Sclerosis at Ang Aking Patotoo kay Jesucristo
Abril 2022


Digital Lamang

Ang Multiple Sclerosis at Ang Aking Patotoo kay Jesucristo

Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.

Umasa akong magkaroon ng himala mula sa Tagapagligtas. Natuklasan ko na dalawa na ang natanggap ko.

Larawan
Pagagalingin ni Jesus ang lalaking may karamdaman

Mahilig ako sa golf at matagal na akong naglalaro nito. Ilang taon na ang nakararaan, naging mahirap para sa akin ang paglalakad sa golf course. Patuloy akong naglaro ng golf, pero napilitan akong sumakay sa golf cart. Nang lumalala na ang karamdaman ko, nagpasiya ako na kumunsulta sa doktor. Pagkaraan ng ilang medical test noong 2017, lumabas sa pagsususri na may primary progressive multiple sclerosis ako, isang autoimmune disease na nakakaapekto sa utak at gulugod.

Simula noong masuri ako, madalas ko nang pagnilayan ang mga himala ng Tagapagligtas, lalo na ang Kanyang mga himala ng pagpapagaling. Madalas kong maisip, kailangan ko ng isa sa Kanyang mga himala. May pananampalataya ako, kaya bakit hindi ako maaaring magkaroon ng himala para mapagaling sa aking karamdaman?

Paghahanap ng Espirituwal na Paggaling

Sa pag-aaral ng mga himala ng pagpapagaling ng Tagapagligtas, mas naunawaan at napahalagahan ko ang isa sa mga ito.

Nang malaman nila ang pagbalik ni Jesus sa Capernaum, maraming tao ang nagtipon, marahil dahil nabalitaan nila ang tungkol sa Kanyang mga naunang pagpapagaling. Apat na tao ang bumuhat sa isang lalaking lumpo sa isang kama na parang stretcher para makita ang Tagapagligtas. Napakaraming tao kaya hindi sila makalapit sa pintuan papasok sa silid para makita Siya. Kaya ano ang ginawa nila? Umakyat sila sa bubong, tinuklap ito, at ibinaba ang lalaki sa pamamagitan ng tali. (Tingnan sa Marcos 2:1–4.) Napakabuti ng mga kaibigan ng lalaking ito.

Nakita ni Jesus ang kanilang pananampalataya at sinabing, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan” (Marcos2:5).

Nang marinig ito, pinaratangan ng mga eskriba ang Tagapagligtas ng kalapastanganan, sinasabing, “Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?” (Marcos 2:7).

Sumagot si Cristo, “Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’” (Marcos 2:9). Upang malaman nila na may kapangyarihan din Siyang magpatawad ng mga kasalanan bilang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan, pagkatapos ay pinagaling Niya ang lalaking lumpo (tingnan sa Marcos 2:10–11).

Inisip ko nang lubos ang pangyayaring ito. Dinala ang lalaking ito sa Tagapagligtas upang mapagaling sa kanyang pisikal na karamdaman, ngunit ano ang unang ginawa ng Tagapagligtas? Ipinahayag Niya na pinatawad na ang lalaki sa kanyang mga kasalanan. Espirituwal na pinagaling Niya ang lalaking ito. Bagama’t hindi natin alam kung anong mga kasalanan ng lalaking ito ang kailangang patawarin at kung gaano na katagal naghihirap ang lalaking ito sa kanyang mga kasalanan kumpara sa kanyang karamdaman, natuklasan ko na ang ipinapahayag nito ay ang unang pagpapagaling na ginawa ng Tagapagligtas sa lalaking ito ay ang espirituwal na pagalingin siya.

Habang pinagninilayan ko ito, natanggap ko ang sumusunod na impresyon: Natanggap ko na ang isa sa mga himala ni Jesucristo—ang nagpapagaling na himala na ginawang posible ng Kanyang Pagbabayad-sala. Lahat tayo ay may espirituwal na karamdaman. Kailangan nating lahat ng espirituwal na pagpapagaling. Ginawa ng Tagapagligtas ang himala ng Kanyang Pagbabayad-sala para sa ating lahat upang tayo ay makapagsisi at makabalik sa piling ng Ama sa Langit. Kailangan lang nating manampalataya na matatanggap natin ang mga pagpapalang inilaan na Niya para sa atin. Ang espirituwal na himalang ito ay mas mahalaga kaysa anumang pisikal na himala na maaaring mangyari.

Pag-asam sa Pagkabuhay na Mag-uli

Gusto ko pa ring pisikal na gumaling.

At natanto ko na tinugunan din iyan ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Dahil sa kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, alam ko na ako rin ay mabubuhay na mag-uli at tatanggap ng walang hanggan at perpektong katawan. Gagaling ako sa anumang karamdaman na kasalukuyang nagpapahirap sa akin. Bagama’t ang himalang iyan ay itinakdang mangyari sa hinaharap at isang bagay na dapat asamin, sa aking opinyon, isang himala ito na kasing halaga ng kaagad na pisikal na paggaling.

Sa buhay na ito, nabubuhay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, nang hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Lubos akong nagpapasalamat sa aking pananampalataya at kaalaman na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Binigyan Niya tayo ng gayon kadakilang mga kaloob. Palagi ko nadarama ang Kanyang pagmamahal. Dalangin ko na madama rin ninyo ang Kanyang pagmamahal.

Nawa’y manatiling matatag ang ating pananampalataya at kaalaman tungkol sa Kanya.