2022
Piliin ang Panginoon at ang Kanyang Propeta
Hunyo 2022


“Piliin ang Panginoon at ang Kanyang Propeta,” Liahona, Hunyo 2022.

Piliin ang Panginoon at ang Kanyang Propeta

Ang mga propeta ay walang ibang iniisip kundi ang akayin ang mga anak ng Diyos papunta sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Larawan
larawan ni Russell M. Nelson, na may stained-glass image ng Ama at ng Anak sa likuran

May mahalagang sandali sa Lumang Tipan na, tulad ng maraming sandali sa talaang iyon, ay lagi akong tumitigil sandali. Nangyari ito kasunod ng pamumuno ng walang-kapantay na si Moises at ng kanyang matapat na batang kahalili na si Josue.

Sa kabila ng mga himala sa lahat ng panig at banal na tulong sa kanilang paghahangad na mabawi ang mga lupain ng kanilang mga ninuno, ang mga anak ni Israel ay pinagsabihan dahil sa pagyakap sa mga gawaing pagano na karaniwan sa mga naninirahan sa mga lupaing iyon.

“Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga Baal:

“Kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto. Sumunod sila sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila’y yumukod sa mga iyon; at kanilang ginalit ang Panginoon” (Mga Hukom 2:11–12).

Maging sa Kanyang galit, nagpakita si Jehova ng habag sa pamamagitan ng paglalagay ng “mga hukom na nagligtas sa kanila sa kapangyarihan ng mga nanloob sa kanila” (Mga Hukom 2:16). Ang pinakadakila sa lahat ng mga hukom na iyon ay si Samuel. Tinawag ng Panginoon noong bata pa lang siya, naging matagumpay siya sa pagiging hukom kaya siya ay sinang-ayunan ng buong Israel “bilang isang propeta ng Panginoon” (1 Samuel 3:20).

Ang Israel ay, o ito ay tila ba, muling pinagpala ng Diyos, nagbalik at muling sinang-ayunan ang lubos na pamumuno ng propeta na hindi nila alam—at ayaw nila—mula nang mamatay si Josue. At napakalaki ng epekto ng pagbabalik na ito ng pamumuno ng propeta sa kanilang kapalaran.

Sa ilalim ng pamumuno ng propetang si Samuel, hinagupit ni Jehova ang mga kaaway ng Israel at “nagpakulog ng isang malakas na kulog” sa mga kaaway nito (1 Samuel 7:10). Batay sa kasaysayan, basta’t sinusunod ng Israel ang payo ni Jehova sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, tagumpay at kasaganaan ang kasunod nito.

Pero kalaunan—at namamangha ako sa bahaging ito—napagod ang Israel sa pagiging hukom ni Samuel. Makaluma at napag-iiwanan ng panahon ang turing nila sa kanya at sa kanyang pamumuno. Tutal, sinabi sa kanya ng mga elder ng Israel, “ikaw ay matanda na” (1 Samuel 8:5). At, sa kanilang isipan, gayon din ang ideya ng isang hukom, kahit na siya ay isang propeta rin. Panahon na para tanggihan ang pagiging makaluma ng simbahan at mas sumunod sa mga usong pamamaraan ng daigdig. Panahon na para sa isang hari.

“Humirang ka ngayon para sa amin ng isang hari upang mamahala sa amin gaya ng lahat ng mga bansa,” sigaw nila (1 Samuel 8:5), sa aral na dapat nating ingatang mabuti kung ano ang nais natin dahil malamang na makuha natin ito. Nang ipagdasal ni Samuel ang kahilingang ito, sinabi sa kanya ni Jehova, “Hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako bilang hari nila” (1 Samuel 8:7).

Mangyari pa, tulad ng nabanggit sa itaas, hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakita ang Israel ng matinding pag-ayaw kay Jehova at sa Kanyang mga propeta.

“Ayon sa lahat ng mga bagay na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, na kanilang tinatalikuran ako at naglilingkod sa ibang mga diyos ay gayundin ang ginagawa nila sa iyo,” sabi ng Panginoon kay Samuel (1 Samuel 8:8). Pagkatapos, sa isang pambihirang pagpapamalas ng katarungan, sinabi sa kanya ng Panginoon na “dinggin mo ang kanilang tinig” (1 Samuel 8:9) ngunit balaan ang mga tao sa mga pamamaraan ng masasamang hari.

Larawan
Binabasbasan ni Samuel si Saul

Samuel Blessing Saul, English School (19th Century), Look And Learn / Bridgeman Images

Bilang pagsunod, ipinropesiya ni Samuel ang pang-aabuso sa kapangyarihan at mga banta sa pamilya at ari-arian. Sa pagpapaalam sa Israel na ipinagkaloob ang kanilang kahilingan, nagbabala siya sa propesiya:

“Sa araw na iyon kayo’y daraing dahil sa inyong hari na inyong pinili para sa inyong sarili; ngunit hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na iyon.

“Ngunit tumangging makinig ang bayan sa tinig ni Samuel at kanilang sinabi, ‘Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari;

upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang mamahala sa amin ang aming hari at lumabas sa unahan namin at lumaban sa aming mga digmaan’” (1 Samuel 8:18–20).

Ang masakit na kabalintunaan dito ay mayroon na silang hari na nauna sa kanila at nakipaglaban sa kanilang mga digmaan. Siya si Jehova, ang Hari ng lahat, ngunit ayaw na nilang pamunuan sila ni Jehova. Hindi na nila nais na Siya ang makipaglaban sa kanilang mga digmaan. At ayon sa tema ng napakaraming aral sa kasaysayan, dumating ang masasakit na bunga nang huli na ang lahat para maiwasan ang mga ito. Kalaunan ay nagdalamhati ang mga tao, “Aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaan ng paghingi para sa amin ng isang hari” (1 Samuel 12:19).

Ang Malalakas na Hatak ng Mundo

Bilang mga miyembro ng sambahayan ding ito ng Israel ayon sa malawak na pagbibigay-kahulugan, inutusan tayong huwag maging katulad ng ibang tao, huwag maging katulad ng sanlibutan. Ngunit tulad ng mga tao ng Diyos noong panahon ni Samuel, hinaharap natin ang malakas na hatak na maging katulad ng mga taong mas mabababa ang pamamaraan, ng mga taong nadaraig ng nauusong makamundong pag-uugali o paniniwala.

“Para sa mga tunay na nagsisisampalataya,” napansin ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “ang malalakas na hatak ng mundo—na kinabibilangan ng kasiyahan, kapangyarihan, papuri, pera, at pangingibabaw—ay laging nariyan. Ngayon, gayunman, ang maraming support system noon ay nabaluktot o nasira. Bukod pa rito, ang mga nakapipinsalang bagay ng mundo ay inilalako ng laganap na teknolohiya at itinataguyod ng pag-iingay ng media, na posibleng makarating sa halos bawat tahanan at dampa.”1

At ano ang ilan sa “mga nakapipinsalang bagay ng mundo” na iyon? Tumingin ka sa iyong paligid. Ang sobrang paghanga sa mga tanyag na tao, materyalismo, pansariling interes, at ilang elemento ng kung ano ang uso—na tulad ng magiliw at makalumang hedonismo—ay banta sa ating pagiging sensitibo sa espirituwal na mga bagay sa tuwing tayo ay magbubukas ng telebisyon, magsasagawa ng online search, o lalabas ng pintuan.

Tinawag tayo upang ihiwalay ang ating sarili sa kasamaan (tingnan sa Alma 5:57) at maging espirituwal na lebadura sa mundo nang hindi espirituwal na pinaiimpis ng mundo.

“Kapag sinasabi sa atin ng mga tao, ‘hindi ka namin katulad,’ ang sagot natin ay ‘alam namin ito; ayaw naming matulad sa inyo,’” sabi ni Pangulong John Taylor (1808–87). “Nais nating maging katulad ng Panginoon, nais nating matiyak na nalulugod Siya sa atin at kinakasihan Niya tayo at nakangiti Siya sa atin, at kilalanin, tulad ng minsang ginawa ng sinaunang Israel, ‘Ang Panginoon ay ating Diyos, ang ating hukom at ating hari, at Siya ang maghahari sa atin.’”2

Sa pamamagitan ng paghahayag, tayo ay inuutusan ng Panginoon na “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti” (Doktrina at mga Tipan 25:10). Tutulungan tayo sa gawaing iyon. Dahil kahit nabubuhay tayo sa mundong puno ng pagkalito, pagtatalo, at kaguluhan, dahil sa banal na patnubay, hindi natin kailangang “[ma]buhay nang walang dini-Diyos sa daigdig” (Mosias 27:31).

Ang Daan Tungo sa Kaligtasan

Larawan
opisyal ng larawan ng Korum ng Labindalawang Apostol, 2018.

Taglay ang balabal ng aming ministeryo bilang apostol, ipinahahayag namin sa mundo na ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay pinamumunuan sa pamamagitan ng propesiya, pagkakita, at paghahayag.

Matapos maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol sa loob ng halos tatlong dekada, mapatototohanan ko na ang mga pantas na lalaking namumuno sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mas batid ang mga isyu ukol sa moralidad at lipunan kaysa sa mga matalinong tao sa mundo. Ang aming buhay, mga paglalakbay, at lawak ng pinagmulan ay nagbibigay sa amin ng pananaw tungkol sa mundo na nararanasan lamang ng iilan.

Kapag tinambalan namin ang mga pinagsama-samang karanasang iyon ng balabal ng aming ministeryo bilang apostol, maaari at ginagawa naming ipahayag sa mundo na ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay pinamumunuan sa pamamagitan ng propesiya, pagkakita, at paghahayag. Ang liwanag na nagmumula sa banal na patnubay na iyon ang gagabay sa makabagong Israel sa gitna ng mga espirituwal at pisikal na panganib ng isang mundong nagdidilim.

“Sa bawat pagkakataon sa buhay ko na pinili kong ipagpaliban ang pagsunod sa inspiradong payo o ipinasiya na hindi ako kasali roon, napag-alaman ko na nailagay ko ang sarili ko sa panganib,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Tuwing naririnig ko ang payo ng [mga] propeta, nadamang napagtibay ito sa panalangin, at pagkatapos ay sinunod ito, nadarama kong kumikilos ako tungo sa kaligtasan.”3

Wala nang iba pang iniisip ang mga propeta kundi ang akayin ang mga anak ng Diyos tungo sa Tagapagligtas na si Jesucristo na magdadala sa kanila sa lupang pangako tulad ng ginawa Niya noon para sa mga taong nagkusang-loob at masunurin. Ngunit ang ipagpaliban ang pagsunod sa payo ng propeta o tanggihan ito ay paglalagay ng ating buhay sa panganib.

Ang panahon para magsisi ang mga tao ay dumating bago pa pinukpok ni Noe ng martilyo ang unang pako sa magiging arka. Ang panahon para alalahanin ng mga anak ni Israel ang kanilang tipan kay Jehova ay dumating bago bumaba si Moises mula sa Bundok ng Sinai at sinira ang mga tapyas na bato. Ang panahon para tanggihan ng mga kasabayan ni Samuel ang ideya ng isang hari ay dumating bago sila binigyan ni Samuel ng babala tungkol sa kanilang hindi magandang kahilingan.

Sa ating panahon, sinabi ng Panginoon tungkol sa Kanyang hinirang:

“Kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;

“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:4–5).

Isang Propeta para sa Ating Panahon

Larawan
Binabati ni Pangulong Russell M. Nelson at ng iba pa ang mga Banal sa Hong Kong, China

Bilang bahagi ng ministry tour sa walong bansa, sina Pangulong Nelson at Elder Holland, kasama ang kanilang mga asawa, ay bumati sa mga Banal sa Hong Kong, China, noong Abril 21, 2018.

Larawang kuha ni Pitipat WongPraSert

Tulad ni Samuel, ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ngayon ay mga taong may karunungan, na karamihan ay matatamo lamang habang nagkakaedad. Si Pangulong Russell Marion Nelson ay 97 taong gulang. Kapag nirebyu natin ang kanyang inspiradong pamumuno, walang pag-aalinlangan na mayroon tayong propeta sa Israel. Isipin ang ilang halimbawa ng kanyang magiliw na payo at patnubay:

  • Nanawagan si Pangulong Nelson sa atin na “dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan [nating] makatanggap ng … paghahayag,” nagbabala na “hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung wala ang patnubay, tagubilin, nakapapanatag[, at palagiang] impluwensya ng Espiritu Santo.”4

  • Pinamunuan niya ang Simbahan sa pagpapatupad ng “mas bago at mas banal na pamamaraan sa pangangalaga at paglilingkod sa iba.”5

  • Pinamunuan Niya tayo sa gitna ng pandemya, tumutulong sa atin na mag-adjust sa “isang Simbahan na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng mga nangyayari sa loob ng mga gusali ng ating branch, ward, at stake.”6

  • Itinuon niya ang ating pagsamba tuwing Linggo sa sakramento at sa pag-uugali natin tuwing Linggo sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath.7

  • Pinabilis niya ang gawain sa templo, ibinabalita ang pagtatayo ng mahigit 80 bagong templo sa mga huling araw.

  • Hiniling niya sa atin na “ibalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon,” nangangako na “ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman.”8

  • Nakiusap Siya sa atin na “danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.”9

  • Hinikayat Niya ang mga Banal na “Pakinggan Siya,” na “huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito.”10

  • Nagpahayag Siya ng isang proklamasyon sa mundo, na nag-aanyaya sa lahat na malaman “na bukas ang kalangitan” at “ipinababatid ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga minamahal na anak.”11

  • Inanyayahan niya ang mga Banal na “yakapin ang kinabukasan nang may pananampalataya” sa Panginoong Jesucristo, na “nagbubukas sa kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.”12

Ipinahayag ni Pangulong Nelson: “Nakikita ng mga propeta ang mangyayari. Nakikita nila ang nakakatakot na mga panganib na inilagay o ilalagay pa ng kaaway sa ating daan. Nakikinita rin ng mga propeta ang magagandang posibilidad at pribilehiyong naghihintay sa mga nakikinig na may layuning sumunod.13

Pinatototohanan ko na si Pangulong Nelson ay inorden noon pa man na maging “tanod sa muog” (2 Mga Hari 9:17) para sa ating panahon:

Isang propeta na tumatawag sa atin

Hayaang manaig ang Diyos

At upang tipunin ang Israel

Sa magkabilang panig ng tabing.14

Masigasig nating kinakanta ang magandang himnong “Israel, Diyos ay Tumatawag.”15 Nawa’y sagutin nating mga Banal sa mga Huling Araw ang pagtawag na iyon na tulad ng ginawa ng batang si Samuel sa pagsisimula ng kanyang paglilingkod hanggang sa pagtanda bilang propeta ng Diyos: “Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod” (1 Samuel 3:9; tingnan din sa talata 10).