2022
Naiiba sa Mabuting Paraan: Pag-unawa sa Pagiging Disente Bilang Convert
Hunyo 2022


Mga Young Adult

Naiiba sa Mabuting Paraan: Pag-unawa sa Pagiging Disente Bilang Convert

Akala ko noon magiging hadlang sa pakikibagay ko ang alituntunin ng pagiging disente. Pero ngayon natatanto ko na ginawa ako nitong kakaiba—sa pinakamabuting paraan.

Larawan
dalagitang naglalakad sa kalsada kasama ang kanyang aso

Retrato mula sa Getty Images, ginamitan ng mga modelo

Bilang 16-na-taong-gulang na miyembro ng Simbahan na nakatira sa New York City, alam ko na ang ibig sabihin ng pagiging Banal sa mga Huling Araw ay maraming pagbabago sa uri ng pamumuhay.

Ngunit ang paggawa ng mga pagbabagong ito ay mas mahirap kaysa sa inasahan ko.

Una, ang New York City ay napakagandang lugar na puno ng iba-ibang kultura, wika, at paniniwala, at lubhang naiiba sa maliit na lungsod na kinalakhan ko noon sa Colombia. Napaliligiran ako ng matinding pressure na kumilos at mamuhay sa isang partikular na paraan, kahit na pinag-iisipan ko pa rin kung ano ang gusto kong maging at paano ko gustong mamuhay. Naharap ako sa maraming opsiyon kung saan puwedeng mapunta ang buhay ko, pero gusto ko lang talagang makibagay at mapabilang. Mas nakatuon ako sa pagnanais na makatulad ng iba sa hitsura, pagsasalita, at pagkilos.

Bigla rin akong naharap sa mga pagbabago tulad ng pagsisimba tuwing Linggo, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at hindi pag-inom ng kape. At bagaman ang ilan sa mga pagbabagong ito ay madali, ang iba ay mas kumplikado—lalo na ang alituntunin ng pagiging disente. Mahirap para sa akin na balansehin ang hangarin kong sundin si Jesucristo at ang hangarin kong ipahayag ang sarili ko sa paraan ng aking pananamit.

Pag-unawa sa Kahinhinan o Pagiging Disente

Medyo nahirapan ako nang sikapin kong maging disente. Nag-alala ako na baka mawalan na ako ng mga kaibigan at hindi ko na magawang makibagay sa kanila. Pero umasa ako na bibigyan ako ni Cristo ng lakas-ng-loob at pananampalataya na patuloy na sumulong.

Pinag-aralan ko ang mga alituntunin ng ebanghelyo nang mas taimtim, nanalangin para humingi ng tulong, at humingi ng higit na pang-unawa sa mga batas ng Ama sa Langit, na nakatulong sa akin na mas maunawaan ang dahilan kung bakit kailangang maging disente. At nang maging handa akong pagbalik-loobin ang puso ko, nagbago ako hindi lamang sa loob kundi maging sa paraan ng pagdadala ko sa sarili ko at sa panlabas na anyo ko. Nang tanggapin ko pang lalo ang ebanghelyo ni Jesucristo, nadagdagan ang pagmamahal ko sa Kanya at sa aking Ama sa Langit, at naging mas madali ang paggawa ng mga pagbabago.

Natanto ko na nais ng Ama sa Langit na maging disente tayo hindi lamang sa paraan ng ating pananamit kundi maging sa ating kaisipan, pananalita, at personal na pag-uugali. At ngayo’y iba na ang hitsura, pagsasalita, at pagkilos ko—ang kilos ko ay tulad na sa isang disipulo ni Jesucristo, gaya ng ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na dapat nating gawin.1 At napansin ng mga kaibigan ko at maging ng mga hindi ko kakilala ang isang bagay na kakaiba sa akin. Tinatanong ako ng iba kung bakit ganito ako. Napapansin ng mga tao ang kagalakan ko at ang Liwanag ni Cristo na nasa akin.

Tuwing bumabalik ako sa Colombia (o saanmang lugar, para bumisita, parang hindi na ako “nababagay,” at maganda ito! Nakakatuwang makita kung paanong sa pagiging disente ay may pagkakataon akong sabihin sa iba ang tungkol sa ebanghelyo at kung bakit ganito ang pamumuhay ko—bakit ako sumusunod kay Jesucristo.

Pagiging Isang “Sambayanang Pag-aari ng Diyos”

Ang ebanghelyo ang pinakamahalagang kaloob na natanggap ko. Nang mas makilala ko ang aking Tagapagligtas, lalo kong hinangad na maging mas katulad Niya. At patuloy Niya akong binibigyan ng lakas-ng-loob sa aking paglalakbay na mahanap ang kagandahan sa pagiging kakaiba sa mundo.

Sampung taon na mula nang sumapi ako sa Simbahan, at nakikita ko ngayon na hindi ko kailangang “makibagay” sa mundo, dahil ako ay anak ng Diyos. Nararanasan ko ang kagandahan ng pagiging bahagi ng “sambayanang pag-aari ng Diyos” (1 Pedro 2:9) at ang mga pagpapalang dumarating sa pagiging disipulo ni Jesucristo. Mahal ko Siya, at ang pagsisikap kong sundin Siya, lalo na sa pamamagitan ng pagiging disente, ang nagpalakas sa aking ugnayan sa Kanya.

Dahil ang aking kaanyuan at pag-uugali ay nagpapakita ng aking katapatan sa Kanya, ang ebanghelyo at mga turo nito ang naging sentro ng lahat ng ginagawa ko, na nagdudulot sa akin ng labis na kagalakan. Gustung-gusto kong maging kakaiba, na maibahagi ang Liwanag ni Cristo sa iba, at magtuon sa tunay na mahalaga: ang aking pananampalataya kay Cristo at paglapit sa Kanya sa landas ng tipan.

Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.