2022
Mga Panalangin sa Peru
Hunyo 2022


“Mga Panalangin sa Peru,” Liahona, Hunyo 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mga Panalangin sa Peru

Nang ipanalangin ako ng full-time missionary na binabanggit ang pangalan ko, may natutuhan akong mabisang aral.

Larawan
isang babae na nakayuko at nagdarasal

Sa loob ng isang taon, nagturo ako ng Ingles bilang pangalawang wika sa Universidad de Piura, sa Piura, Peru. Ang Piura ang lungsod ng headquarters para sa Peru Piura Mission.

Ang mission president na si Chad Rowley, at ang kanyang asawang si Lisa ay nakatira sa aking ward. Hiniling nila na magbigay ako ng mga lesson sa Ingles sa mga missionary na naglilingkod sa Piura. Pumayag ako.

Gamit ang English-language training program ng Simbahan, nakikipagkita ako sa iba-ibang grupo ng mga missionary sa mission office para turuan sila ng Ingles. Napakaespirituwal na karanasan para sa akin ang makipagtulungan at makilala ang mga missionary mula sa South America at Estados Unidos. Ang mga hapon sa karaniwang araw ang pinakamainam na oras dahil ang lungsod ay madalas na hindi gaanong abala sa gawaing misyonero hanggang sa pagabi na.

Nang patapos na ang oras ko sa Piura, nangulila ako sa pamilya ko at napagod na ang damdamin ko at napagod na ako sa pagtuturo. Isang Biyernes ng hapon, lalo akong nakadama ng pananamlay at depresyon. Umasa ako na kakanselahin ang mga klase dahil sa gawaing misyonero, na mas mahalaga kaysa sa mga lesson sa Ingles. Gayunman, noong hapong iyon, hindi iyon ang sitwasyon.

Tinanghali na ako sa pag-alis sa apartment ko at nagpunta ako sa mission office. Habang naglalakad ako sa isang parke papunta roon, nagdasal ako. Sinabi ko sa Ama sa Langit na hindi ko na matitiis pa ang isa pang minuto, lalo na ang isa pang linggo. Pagod na pagod na ang isipan at katawan ko, at kailangan ko ang Kanyang tulong.

Dumating ako sa mission office at nagpunta sa itaas para hintayin ang mga missionary. Pagdating nila para sa kanilang lesson, wala akong ideya kung ano ang ituturo sa kanila. Pero para magsimula, hiniling ko sa isa sa mga elder na magdasal sa Ingles.

Nang magsimulang magdasal ang missionary, sinabi niya, “Basbasan po ninyo si Sister Johnson.” Pagkatapos ay saglit siyang tumigil. Nang magpatuloy siya, idinagdag pa niya, “Biyayaan po ninyo siya ng katulad na lakas tulad noong una.”

Hindi alam ng missionary na iyon na nagdasal ako habang papunta ako sa mission office, at tiyak na hindi niya alam kung ano ang ipinagdasal ko. Pero alam ito ng Ama sa Langit, at sinagot Niya ang dasal na iyon sa pamamagitan ng pagpapalakas sa akin.

Naroon ako—isang US citizen sa Peru na ipinagdasal nang binabanggit ang pangalan ko ng isang missionary mula sa Bolivia. Napakalaking balsamo iyon noong hapong iyon sa mission office. At napakagandang aral ang natutuhan ko sa araw na iyon. Sinuman tayo o saanman tayo naroon—naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang ating binibigkas at hindi binibigkas na mga panalangin.