2022
Pinangalagaan ng mga Madre
Hunyo 2022


“Pinangalagaan ng mga Madre,” Liahona, Hunyo 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pinangalagaan ng mga Madre

Inisip namin kung ano ang sasabihin ng mga madreng Katoliko nang humingi kami ng tulong.

Larawan
plato ng cookies

Sabik kaming magkompanyon na magbukas ng bagong area para sa gawaing misyonero sa isang maliit na bayan sa kanlurang highlands ng Guatemala. Gayunman, pagkarating namin, nagsimulang magpakalat ng kuwento tungkol sa amin ang mga lider at miyembro ng mga lokal na simbahan. Dahil dito, nagsimulang matakot sa amin ang mga tao.

Pero nanatiling maganda ang pananaw namin ni Elder Todd Hinkins, lalo na matapos pumayag ang tatlong pamilya na dumalo sa open house tungkol sa Simbahan. Para maipakilala sa kanila ang ebanghelyo, nagplano kaming ipakita sa kanila ang mga filmstrip tungkol sa Pagpapanumbalik.

Gayunman, nang subukan namin ang aming filmstrip projector bago kami magmiting, pumutok ang bombilya ng projector. Tila nasira ng biglang pagtaas ng daloy ng kuryente ang aming voltage converter. Hindi na nito maaaring i-convert ang 220 boltahe ng kuryente at gawing 110 boltahe na kailangan namin para mabigyan ng power ang aming projector.

“Paano na ngayon?” ang malungkot na nasabi namin ng kompanyon ko.

Sinabi sa amin ni Brother Chavez, ang nag-iisang miyembro ng Simbahan na nakatira sa bayan, na baka mayroong voltage converter ang mga madre sa bayan. Kaya, habang nagmamaneho si Brother Chavez papunta sa kalapit na Quetzaltenango para bumili ng isa pang bombilya, nagdasal kami at naglakad papunta sa lokal na kumbento.

Kumatok kami, nagpakilala kami, at ipinaliwanag ang aming problema, iniisip kung ano ang sasabihin ng mga madre. Walang pag-aatubiling ibinigay nila sa amin ang kanilang converter at sana raw ay maging maayos ang gagawin namin. Hindi nagtagal ay bumalik si Brother Chavez, at idinaos ang aming miting.

Para pasalamatan ang mga madre, gumawa kami ni Elder Hinkins ng cookies para sa kanila. Hindi nagtagal matapos naming ihatid ang cookies, ginulat kami ng mga madre sa pag-anyaya sa amin na maghapunan.

Tinanggap namin ito.

Makalipas ang ilang araw, umupo kami ni Elder Hinkins para maghapunan sa isang maganda at maayos na mesa na napaliligiran ng pitong madre. Lima ang taga-Canada, ang isa ay mula sa Estados Unidos, at ang isa ay mula sa Guatemala City.

Sa hapunan ikinuwento namin sa kanila ang tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan at ang aming gawain bilang mga full-time missionary. Pagkatapos ay binigyan namin sila ng Aklat ni Mormon at nagpatotoo tungkol dito. Pinasalamatan nila kami at pinuri ang aming mga pagsisikap na dalhin ang mga tao kay Cristo.

Sa kabilang dako, inilarawan nila ang ilan sa iba-ibang “orden” ng mga madre. Pagkatapos ay ikinuwento nila sa amin ang tungkol sa kanilang mga pagsisikap at adjustment sa pamumuhay sa highlands.

Taglay ang panibagong pananaw, nakita kong katulad namin ang mga madre na may karaniwang mga mithiin, hangarin, at hamon. Pinaglilingkuran nila ang iba, nagsasakripisyo para sa kanilang pananampalataya, at inilalaan ang kanilang buhay sa Diyos.

At ang aming hapunan? Iyon ang pinakamasarap na pagkain ko sa taon na iyon—na ibinahagi ng aming mga kaibigang madre mula sa Simbahang Katoliko.