2022
Ang Aking Ama at ang Templo
Hunyo 2022


“Ang Aking Ama at ang Templo,” Liahona, Hunyo 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

1 Mga Hari 8:12–61

Ang Aking Ama at ang Templo

Ang panaginip ng aking ama tungkol sa isang napakagandang puting bahay ay nagpapaalala sa akin na dapat ay laging nakatuon ang ating buhay sa templo.

Larawan
lalaki sa ilalim ng isang puno na nakatingin sa templo

Mga larawang-guhit ni David Green

Sumapi ang aking pamilya sa Simbahan noong bata pa ako. Ilang linggo matapos kaming mabinyagan, nanaginip ang tatay ko. Naglalakad siya sa isang magandang kalye. Sa di-kalayuan ay nakita niya ang isang napakagandang puting bahay. Noon lang siya nakakita ng gayong gusali na nagbibigay-inspirasyon.

Ikinuwento niya kinabukasan ang kanyang panaginip sa aming pamilya. Ikinuwento rin niya ito sa senior missionary couple na nagturo sa aming pamilya ng ebanghelyo. Sinabi sa kanya ng mga senior missionary na ang bahay sa kanyang panaginip ay isang simbolo. Sumagisag ito sa templo.

Ipinakita nila sa kanya ang mga larawan ng ilan sa mga templo ng Simbahan sa buong mundo. Sinabi nila na balang-araw ay magtatayo ng templo kung saan kami nakatira, sa Democratic Republic of the Congo. Sa buong buhay niya, ipinagdasal ng aking ama na magkaroon ng templo sa aming bansa.

Natupad ang Panaginip

Pagkaraan ng 25 taon, natupad ang panaginip. Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2011, ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson ang plano na itayo ang Kinshasa Democratic Republic of the Congo Temple. Dahil sa pahayag na ito ang ama ko ang naging pinakamasayang tao sa mundo! Tuwang-tuwa siyang makadalo noong Pebrero 12, 2016, nang pamunuan ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang seremonya ng groundbreaking.

Sa kasamaang-palad, pumanaw ang tatay ko noong Disyembre 2016, bago natapos ang templo. Noong Hunyo 2018, nasa Salt Lake City, Utah, USA ako. Sa Jordan River Utah Temple naisagawa ko ang mga sagradong ordenansa sa templo para sa aking ama. Nang gabing iyon, dinalaw ako ng aking ama sa isang panaginip. Siya ay nagniningning sa liwanag. Alam ko na tinanggap niya ang ginawa ko para sa kanya.

Masaya naming naisip ang aking ama nang ilaan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang natapos na Kinshasa Temple noong Abril 14, 2019. Hindi nagtagal ay nagsagawa ng mga ordenansa ang aking pamilya para mabuklod ang aking ama at ina sa isa’t isa. Pagkatapos ay nabuklod sa kanila ang kanilang mga anak. Habampanahong maaalaala ng aming pamilya ang araw na iyon. Napaluha kami sa kagalakan. Alam namin na kung susundin namin ang mga batas at kautusan ng Diyos at mamumuhay nang tapat sa aming mga tipan, ang aming pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman.

Ang panaginip ng aking ama tungkol sa isang magandang puting bahay ay nagpapaalala sa akin na dapat laging nakatuon sa templo ang aming buhay. Ang ilan ay naglakbay nang malayo at nagsakripisyo nang malaki upang makapunta sa bahay ng Panginoon. Ngunit kahit hindi tayo makapunta sa templo dahil malayo ito, o naghihintay tayo na maitayo ang isang templo, o nagagalak tayo dahil nasa malapit na ang templo, dapat palaging nasa isipan at puso natin ang templo.

Larawan
lalaking may panaginip na kinabibilangan ng templo at isang lalaking nakasuot ng puting damit

Bakit Tayo May mga Templo

Itinuro ni propetang Isaias, “Halina kayo, at tayo’y umahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at upang turuan niya tayo ng kanyang mga daan, at tayo’y lumakad sa kanyang mga landas” (Isaias 2:3).

Bilang mga miyembro ng Simbahan, dapat nating isaisip palagi ang walang-hanggang pananaw na itinuturo sa templo—kung sino tayo at bakit tayo narito sa lupa. Dapat nating tandaan na ang ating mithiin ay makabalik sa ating Ama sa Langit, upang makapiling Siya sa buong kawalang-hanggan. Iyan ang dahilan kung bakit itinatayo ang mga templo. Ang mga ito ay isang lugar para sa atin, na Kanyang mga anak, para mas lubos nating malaman ang tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ito ay isang lugar kung saan matututuhan natin kung ano ang kailangan nating gawin para makapiling Silang muli.

Ang pagkakaroon ng templo ay tanda ng pagmamahal ng Diyos para sa atin. Ang templo ay isang sagradong lugar kung saan matatanggap ng mga indibiduwal at pamilya ang pinakasagradong mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanilang sariling kaligtasan at kadakilaan. Ang templo ay isa ring lugar kung saan maaari silang magsagawa ng mga sagradong ordenansa para sa kanilang mga ninuno at sa iba pa na nabuhay dito sa lupa na hindi nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang mga ordenansang iyon. Kaya binibigyan natin ng pagkakataon ang mga nasa kabilang panig ng tabing na matanggap ang hindi nila natanggap sa buhay na ito. (Tingnan sa Mga Hebreo 11:40; Doktrina at mga Tipan 128:15.)

Mga Templo at ang Pagtitipon ng Israel

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Ito na talaga ang mga huling araw, at ang Panginoon ay binibilisan ang Kanyang gawain na tipunin ang Israel. Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. …

“Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa magkabilang panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sila ang nagdedesisyon sa sarili nila kung nais nilang matuto pa. …

“Bawat anak ng ating Ama sa Langit ay nararapat mabigyan ng pagkakataon na piliing sundin si Jesucristo, na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo kasama ang lahat ng biyaya nito.”1

At bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bilang pinagtipanang Israel sa mga huling araw, inatasan tayong tulungan ang ating Ama sa Langit sa mahalagang gawaing ito. Paano natin ito gagawin?

Sinagot ni Pangulong Russell M. Nelson ang tanong na ito nang sinabi niyang: “Kapag sinasabi nating pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, ibig sabihin ay gawaing misyonero, gawain sa templo at family history. Ito rin ang pagpapatatag ng pananampalataya at patotoo sa puso ng mga taong kasama natin sa buhay, katrabaho, at pinaglilingkuran natin. Sa tuwing gumagawa tayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong tayo na tipunin ang Israel”2.

Sa madaling salita, hinahanap natin ang mabubuti, ang mga taong “hahayaang manaig ang Diyos”3 sa kanilang buhay, at sinusuportahan natin sila habang ginagabayan sila ng Espiritu patungo sa landas ng tipan, sa templo, at sa buhay na walang hanggan.

Mga Templo at ang Pagpapanumbalik

Tulad ni Solomon noong una na “nagtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel” (1 Mga Hari 8:20), mula sa mga unang araw ng Pagpapanumbalik ang mga miyembro ng Simbahan ay inutusang magtayo ng templo (tingnan, halimbawa, sa Doktrina at mga Tipan 57:3; 84:3–5; 124:31). Bahagi ito ng katuparan ng panaginip na ipinaliwanag ni Daniel, kung saan nakita niya na magtatayo ang Diyos ng isang kaharian sa mga huling araw na hindi kailanman mawawasak. Ang kaharian ay lalago, lalaganap, at uunlad hanggang sa punuin nito ang buong mundo. (Tingnan sa Daniel 2:35, 44–45.) Sinabi ni Joseph Smith na, “Pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang buong mundo.”4

Inilarawan ng Panginoon ang ating panahon bilang “dispensasyon ng ebanghelyo para sa huling panahon; at para sa kaganapan ng panahon, kung kailan ko sama-samang titipunin sa isa ang lahat ng bagay, maging ang mga nasa langit, at ang mga nasa lupa” (Doktrina at mga Tipan 27:13). Ang mahahalagang bahagi ng pagtitipon ng mga bagay sa langit at sa lupa ay nagaganap sa loob ng templo.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa mundo ngayon. Ang layunin ng Simbahan ay ihanda ang mga tao na mabuhay magpasawalang hanggan sa kahariang selestiyal. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 65.) Ang Simbahan ay itinatatag kapag ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos na may patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo ay:

  • Nagpapabinyag at nagpapakumpirma.

  • Tumatanggap ng mga ordenansa sa templo.

  • Tinutupad ang kanilang mga tipan.

  • Ipinapakita na mananatili silang tapat at masunurin sa lahat ng sitwasyon at makikibahagi sa dakilang gawain ng mga huling araw. (Tingnan sa 1 Samuel 13:8–14; Doktrina at mga Tipan 98:14–15.)

Ang dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon ay itinatag upang tipunin ang nakalat na Israel, bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Alam ko na ang kaharian ng Diyos ay itinatag sa lupa upang tulungan tayong matutuhan at maunawaan ang kagila-gilalas na plano ng ating Ama sa Langit para sa atin. Tinutulungan tayo ng ebanghelyo at ng templo na maalaala kung sino tayo, bakit tayo narito sa mortalidad, at saan tayo pupunta pagkatapos ng buhay na ito. Alam ko na ang mga sagradong ordenansa at tipan ng templo ay tutulong sa atin na maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan at kadakilaan kung mananatili tayong tapat sa mga tipang ginagawa natin. Palalakasin nito ang ating pagsasama bilang mag-asawa at pamilya, at tutulungan tayo nitong maragdagan ang ating personal na kakayahang labanan ang mga pagsalakay ng kaaway habang naghahanda tayo araw-araw na harapin ang ating Tagapaglikha.