2022
Ano ang Nangyayari sa mga Miting sa Simbahan tuwing Linggo?
Hunyo 2022


“Ano ang Nangyayari sa mga Miting sa Simbahan tuwing Linggo?,” Liahona, Hunyo 2022.

Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo

Ano ang Nangyayari sa mga Miting sa Simbahan tuwing Linggo?

Larawan
dalawang babaeng magkayakap

Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtitipon tuwing Linggo para sambahin ang Diyos at ituro sa isa’t isa ang ebanghelyo ni Jesucristo. Lahat ay maaaring dumalo, at ang mga miyembro ay magkakaroon ng pagkakataong manalangin, magbigay ng mensahe, at magturo ng mga lesson kung gusto nila. Ang mga pulong na ito ay tumutulong sa mga miyembro na mapalakas ang isa’t isa sa pananampalataya at ang “kanilang mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig” (Mosias 18:21).

Sacrament Meeting

Larawan
batang lalaki na nasa wheelchair na nagpapasa ng sakramento

Ang mga miyembro ng ward o branch ay nagtitipon tuwing Linggo para sa sacrament meeting. (Ang mga hindi natin kasapi ay maaari ring dumalo.) Ang sakramento ay ibinibigay sa mga miyembro sa pulong na ito para tulungan silang alalahanin si Jesucristo (tingnan sa artikulo sa Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo ng Abril 2022 para sa karagdagang impormasyon tungkol sa sakramento). Kabilang din sa pulong ang mga panalangin, musika sa pagsamba, at mga mensaheng ibinigay ng mga miyembro tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Iba Pang mga Miting

Larawan
dalawang batang babae sa simbahan na nakangiti

Pagkatapos ng sacrament meeting, naghihiwalay ang mga miyembro sa mga klase at korum. Ang mga batang edad 18 buwan hanggang 11 taon ay dumadalo sa Primary. Sa una at ikatlong Linggo ng bawat buwan, lahat ng iba pang miyembro ay dumadalo sa Sunday School. Sa ikalawa at ikaapat na Linggo, dumadalo sila sa mga pulong ng Relief Society, Young Women, o priesthood quorum.

Mga Panalangin

Ang mga panalangin sa mga miting sa Simbahan ay ibinibigay ng mga miyembro. Ang mga panalangin ay simple at may patnubay ng Espiritu Santo. Ang mga miyembro ay nagdarasal gamit ang mga salitang nagpapahayag ng pagmamahal at paggalang sa Ama sa Langit. Kabilang dito ang paggamit ng mga panghalip na Kayo, at Inyo sa pakikipag-usap sa Kanya.

Mga Mensahe

Hinihiling ng isang miyembro ng bishopric o branch presidency sa mga miyembro na magbigay ng mensahe sa sacrament meeting. Ang mga mensaheng ito ay nakatuon sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ginagamit ng mga tagapagsalita ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga lider ng Simbahan sa paghahanda nila ng kanilang mga mensahe. Pinatototohanan din nila ang mga pagpapala ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.

Mga Lesson

Pagkatapos ng sacrament meeting, natututuhan ng mga miyembro ang tungkol sa ebanghelyo sa mas maliliit na klase. Ang mga lesson ay maaaring tungkol sa mga banal na kasulatan, mga turo mula sa pangkalahatang kumperensya, o iba pang mga paksa. Kahit pinamumunuan ng titser ang lesson, hindi ito isang lecture. Lahat ng miyembro ng klase ay maaaring magbahagi ng kanilang mga ideya tungkol sa paksa.

Patotoo

Larawan
lalaking nagsasalita sa pulpito sa simbahan

Minsan sa isang buwan, ang sacrament meeting ay kinapapalooban ng fast and testimony meeting. Ito ay karaniwang sa unang Linggo ng buwan. Sa pulong na ito, maaaring magpatotoo ang mga miyembro tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang ibig sabihin ng pagpapatotoo ay pagpapahayag ng mga katotohanan ng ebanghelyo ayon sa inspirasyon mula sa Espiritu Santo.

Paghahanda

Naghahanda ang mga miyembro para sa mga miting sa araw ng Linggo sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagiging handa na tumanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Kung hihilingan kang magbigay ng mensahe o magturo ng lesson, mapanalanging pag-isipan kung paano mo maituturo ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Gamitin ang mga banal na kasulatan. Magpatotoo tungkol sa katotohanan. Matutulungan ka ng iyong mga lider sa Simbahan na maghanda, kung kinakailangan.