2022
Sinusunod Natin si Jesucristo at ang Kanyang Propeta
Hunyo 2022


“Sinusunod Natin si Jesucristo at ang Kanyang Propeta,” Liahona, Hunyo 2022.

Para sa mga Magulang

Sinusunod Natin si Jesucristo at ang Kanyang Propeta

Larawan
ina at ama na nakaupo kasama ang kanilang anak na babae na nakatingin sa isang aklat

Minamahal Naming mga Magulang,

Biniyayaan tayo ng Diyos ng isang buhay na propeta para tumanggap ng paghahayag at gabayan ang Kanyang Simbahan sa lupa. Ang isyung ito ng magasin ay makatutulong sa inyo na ituro sa inyong mga anak kung paano natin masusunod si Jesucristo at ang Kanyang propeta. Magagamit rin ninyo ang mga ideya sa ibaba para matulungan kayong magsimula ng mga talakayan tungkol sa gawain sa templo at sa kahalagahan ng mga family council.

Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo

Pagsunod sa Propeta

Basahin ang ilang pahayag mula sa artikulo ni Elder Holland sa pahina 4 tungkol sa pagsunod sa propeta. Anyayahan ang inyong mga anak na ibahagi kung paano nila pinipiling sundin ang Panginoon at ang Kanyang mga propeta. Maaari din ninyong kantahin ang “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59) bilang isang pamilya.

Pakikipagsanggunian sa Isa’t Isa

Ang artikulo sa pahina 40 ay makatutulong sa inyo na malaman pa ang tungkol sa huwaran ng Diyos sa mga council. Maglaan ng oras para magdaos ng family council—ito man ay sa oras ng hapunan ng pamilya, home evening, o anumang maluwag na oras para sa inyong pamilya—para mapadali ang hayagang pakikipag-usap sa inyong mga anak tungkol sa tulong na kailangan nila at sa maibibigay nilang tulong sa inyo. Talakayin ang mga hamon at mag-usap-usap para makahanap ng mga solusyon.

Pakikibahagi sa Gawain sa Templo

Gamitin ang artikulo ni Elder Mutombo sa pahina 44 para maituro sa inyong mga anak ang kahalagahan at mga pagpapala ng templo. Gamit ang FamilySearch, magtulungan bilang pamilya para saliksikin ang inyong family history at, kung maaari, maghanap ng mga pangalang dadalhin sa templo.

Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Pakinggan Siya

1 Samuel 3:1–10

Narinig ni Samuel ang tinig ng Panginoon noong bata pa siya ngunit hindi niya ito nakilala noong una. Subukan ang aktibidad na ito para matutuhan ang tungkol sa pakikinig:

  1. Piringan ang isang tao o sabihing ipikit ang kanilang mga mata.

  2. Mula sa isa pang silid, sasabihin ng isang kapamilya ang pangalan ng taong nakapiring.

  3. Kung mahuhulaan ng nakapiring na tao kung sino ang nagsalita, ang taong nagsasalita ay magbibigay ng direksyon para tulungan ang taong nakapiring na hanapin siya.

  4. Maghalinhinan sa pagiging ang taong nakapiring at ang taong nagsasabi ng pangalan.

Talakayan: Maririnig natin ang tinig ng Panginoon sa mga banal na kasulatan, sa templo, at sa mga turo ng mga buhay na propeta. Paano mo pinakikinggan ang Kanyang tinig? Basahin o pakinggan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020 na “Pakinggan Siya” at maghanap ng mga paraan na maririnig natin nang mas mabuti ang tinig ng Panginoon sa ating buhay. Pag-usapan kung paanong bilang pamilya ay maaari ninyong “pakinggan Siya.”

Larong Suporta ng Pamilya

Ruth 1–4

Matapos mabalo si Ruth, pinili niyang manatili sa piling ng kanyang biyenang si Noemi, sa halip na bumalik sa kanyang mga kababayan, dahil “kung saan ka pupunta ay doon ako pupunta; kung saan ka nakatira ay doon ako maninirahan; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos” (Ruth 1:16).

Sinuportahan ni Ruth si Noemi sa pamamagitan ng pananatiling kasama niya. Subukan ang aktibidad na ito para malaman ang tungkol sa pagsuporta sa pamilya:

  1. Pumili ng isang kapamilya at tumayo nang magkatalikod. Maglagay ng anumang bagay (maliit na bola o aklat) sa pagitan ng inyong mga likod.

  2. Nagtutulungan bilang isang team, tingnan kung ilang hakbang ang magagawa ninyo nang hindi nahuhulog ang bagay.

  3. Maghalinhinan bilang pamilya hanggang sa ang lahat ay nagkaroon ng pagkakataong magtulungan bilang isang team para tulungan ang isa’t isa.

Talakayan: Paano tinulungan nina Ruth at Noemi ang isa’t isa? Naniwala si Ruth sa Ama sa Langit at nanampalataya, kaya nanatili siya kay Noemi. Paano siyang pinagpala? Paano tayo makasusuporta sa isa’t isa at magtitiwala sa Panginoon kapag nahihirapan tayo?