2022
Ang Garment sa Templo: Isang Sagradong Paalala ng Panginoong Jesucristo
Hunyo 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Garment sa Templo: Isang Sagradong Paalala ng Panginoong Jesucristo

Itinuturo tayo ng garment sa templo kay Jesucristo at sa Kanyang mahalagang papel sa ating kaligtasan at kadakilaan.

Larawan
sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Lumaki ka man sa Simbahan o sumapi kalaunan sa buhay, maaaring narinig mo na ang tungkol sa mga garment sa templo bago ka talaga nagpunta sa templo. Ngunit ang kaalaman tungkol sa garment at pag-unawa sa kahalagahan ng garment ay dalawang magkaibang bagay!

Ang garment sa templo ay hindi katulad ng tradisyonal na panloob. Ang tapat na pagsusuot ng sagradong panloob na ito ay nag-aanyaya ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay dahil ipinapaalala nito sa atin na ipamuhay nang mas lubusan ang ebanghelyo.

Naisip mo na ba kung bakit ibinigay ang sagradong panloob sa mga nakikipagtipan sa Diyos sa templo? Narito ang ilang maisasaalang-alang na ideya.

Isang Huwaran ng mga Sagradong Paalala

Sa buong panahon, binigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak ng iba’t ibang huwaran, gawi, at ordenansa upang tulungan tayong maalala at palalimin ang ating kaugnayan sa Kanya. Kabilang dito ang sumusunod:

  • Ang araw ng Sabbath: isang araw ng pahinga at pagsamba—isang araw na inilaan sa paggalang at pag-alaala sa Kanya (tingnan sa Exodo 20:8–11; Doktrina at mga Tipan 59:9–13).

  • Paskua: isang tahimik ngunit masayang pagpapaalala sa mga Israelita ng kanilang kaligtasan mula sa pagkaalipin sa Egipto at pagtuturo sa kanila kay Jesucristo, na nagbibigay ng espirituwal na kaligtasan para sa buong sangkatauhan (tingnan sa Exodo 12–13).

  • Ang sakramento: isang sagradong ordenansa na pinasimulan ni Jesus bilang pag-alaala sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; 3 Nephi 18). Sa pamamagitan ng ordenansang ito, pinaninibago rin ng mga miyembro ng Simbahan ang mga tipang ginawa nila sa Diyos.

Bawat isa sa mga ito ay nagsisilbing paalala na nagtuturo sa atin sa Diyos. Sa gayunding paraan, ang garment sa templo ay nagsisilbing nahahawakang paalala ng ating pakikipagtipan sa Diyos Ama, na ginawang posible sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang garment ay panakip para sa mga pinakasagradong nilikha ng Diyos: ang Kanyang mga anak.

Isinaad ng Unang Panguluhan, “Isang sagradong pribilehiyo ang magsuot ng garment at ang pagsusuot nito ay panlabas na pagpapakita ng personal na pangako na susundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo.”1 Tuwing nakikibahagi tayo sa ordenansa ng priesthood, naglilingkod sa iba, nananalangin, o nag-aaral ng ebanghelyo, halimbawa, nagpapakita tayo ng “panlabas na pagpapahayag” ng ating personal na pangakong susundin ang Tagapagligtas. Bagama’t hindi nakikita ng mundo ang garment sa templo, ang matapat na pagsusuot nito ay makapagbibigay ng palagiang paalala sa nagsusuot ng mga sagradong tipan sa templo na ginawa sa Diyos—isang simbolo ng ating hangaring maging kung ano ang alam ng Diyos na maaari nating kahinatnan.

Sa matapat na pagtupad sa mga tipan sa endowment, naghahanda tayong tanggapin ang mahalagang kaloob na kadakilaan sa kaharian ng ating Ama sa Langit. Ipinapaalala sa atin ng garment na maaari nating hubarin ang likas na tao at maging Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 3:19).

Ang Pagkahulog at ang Pangako ng Isang Tagapagligtas

Marami pa tayong matututuhan tungkol sa simbolismo ng garment sa templo sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Diyos kina Adan at Eva. Matapos kumain ng ipinagbabawal na bunga, nahiya sina Adan at Eva na tumayo sa harapan ng Diyos. Batid na sila ay hubad, gumawa sila ng mga tapis ng mga dahon ng igos at itinago ang kanilang sarili. (Tingnan sa Genesis 3:1–8.)

Ngunit nang makita ng Diyos ang ginawa nila, hindi Niya sila pinabayaan o iniwan na walang kahit anong kaginhawahan. Nang harapin nina Adan at Eva ang mga katotohanan ng espirituwal at pisikal na kamatayan, itinuro sa kanila ng Diyos ang tungkol sa espirituwal na pagsilang na muli at ang kaloob na buhay na walang hanggan, na makakamtan ng lahat ng Kanyang mga anak. “[Makinig] sa aking tinig,” sabi ng Diyos, “at [maniwala], at [magsisi] sa lahat ng iyong paglabag, at [magpabinyag], maging sa tubig, sa pangalan ng aking Bugtong na Anak, na puspos ng biyaya at katotohanan, na si Jesucristo, ang tanging pangalang ibibigay sa silong ng langit, kung saan ang kaligtasan ay sasapit sa mga anak ng tao” (Moses 6:52).

Sinimulan nina Adan at Eva ang kanilang paglalakbay sa makasalanang daigdig na ito na may kaalaman tungkol sa Tagapagligtas, na may paanyayang lumapit sa Kanya, at makamtan ang Kanyang nakatutubos na kapangyarihan. Nakipagtipan sila sa Diyos at binigyan sila ng “mga kasuotang balat” na ginawa mismo ng Diyos upang ipaalala sa kanila ang mga tipang iyon (Genesis 3:21; Moises 4:27).

Kapag pumupunta tayo sa templo, pinagkakalooban tayo ng kapangyarihan at personal tayong nakikipagtipan sa Diyos. Ang garment ay sagisag ng proteksyon na natanggap nina Adan at Eva at natanggap natin at ito ay paalaala ng mga sagradong tipang ito.

Isang Simbolikong Pangako na Susundin si Jesucristo

Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang pagsusuot ng garment sa templo ay may malalim na simbolo. Ito ay kumakatawan sa isang patuloy na pangako.”2 Kabilang dito ang pangako ng Diyos na magbigay ng Tagapagligtas para sa Kanyang mga anak (tingnan sa Moroni 10:33), gayundin ang ating sariling pangako na tanggapin si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at Manunubos.

Kapag tinutupad natin ang mga tipan sa templo at matapat na isinusuot ang garment, pinapangakuan tayo ng proteksyon laban sa tukso at kasamaan. Tinatamasa natin ang palagiang paalala na nais ng ating Tagapagligtas na linisin tayo mula sa ating mga kasalanan at tulungan tayong madaig ang ating mga personal na kasalanan, kahinaan, kabiguan, at pasakit.

Para kina Adan at Eva, ang garment ay nagsilbing simbolo ng kanilang kaugnayan sa Diyos at nagbigay ng paalala sa mga tipan na nagtulot sa kanila na matanggap ang maraming pagpapala ng Diyos para sa Kanyang matatapat na anak. Habang hinaharap natin ang mga hamon at pagsubok sa mortalidad, matutulungan tayo ng garment na alalahanin si Jesucristo, pahalagahan ang ating mga tipan sa templo, at manatiling matatag sa ating pangako na maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.

Mga Tala

  1. Sulat ng Unang Panguluhan, Okt. 6, 2019.

  2. Russell M. Nelson, “Personal Preparation for Temple Blessings,” Liahona, Hulyo 2001, 38.