2010
Matutong Makinig
Pebrero 2010


Matutong Makinig

“Makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (D at T 19:23).

Larawan
Elder José A. Teixeira

Noong ako ay siyam na taong gulang, nagkaroon ng reunion ng pamilya sa bahay namin sa Coimbra, Portugal. Abala ang mga magulang ko sa pag-aasikaso sa mga kamag-anak namin. Nag-uusap at nagtatawanan ang lahat. Habang abala ang matatanda, nagpasiya akong maglibang-libang din.

Malapit lang ang bahay namin sa Mondego River, at naisip ko na masaya kung mamimingwit ako ng isda. Ayokong umalis nang mag-isa, kaya isinama ko ang aking apat na taong-gulang na kapatid na babae. Naisip ko na dapat kong sabihin sa nanay at tatay ko kung saan kami pupunta. Pero abala sila sa pagkukwentuhan, kaya nagpasiya akong umalis nang hindi nagpapaalam sa kanila.

Naglakad kami sa pampang ng ilog hanggang sa makakita kami ng magandang pamimingwitan. Binigyan ko ang kapatid ko ng maliliit na batong ipupukol sa tubig habang masaya akong namimingwit.

Hindi nagtagal napansin ng mga magulang ko na nawala kaming magkapatid sa bahay. Nilibot nila ang buong bayan para hanapin kami. Makalipas ang maraming oras napansin ni Itay na nawawala ang gamit ko sa pamimingwit. Kaya ginalugad nila ni Inay ang pampang ng ilog hanggang sa matagpuan nila kami.

Nakahinga nang maluwag ang aming mga magulang nang makita kami, pero hindi pa rin sila natutuwa sa akin. Napakadelikadong maglaro sa tabi ng ilog nang hindi kasama ang aking mga magulang, lalo na para sa musmos kong kapatid.

Mula sa karanasang ito, natutuhan kong dapat ay lagi tayong nakikipag-usap sa ating mga magulang—at nakikinig sa kanila. Ang kapakanan natin ang iniisip nila. Natutuhan ko rin na mahalagang makinig sa Espiritu Santo. Sinikap ng Espiritu Santo na sabihin sa aking hindi ako dapat mamingwit nang hindi nagsasabi sa mga magulang ko. Pero hindi ako nakinig. Kahit natutuwa kaming magkapatid, nasa panganib naman kami. Kung makikinig tayong mabuti sa ating mga magulang at sa Espiritu Santo, magiging ligtas tayo.

Mga paglalarawan ni Casey Nelson