2010
Tumulong ang mga Miyembro sa Inisyatibo Laban sa Tigdas
Pebrero 2010


Tumulong ang mga Miyembro sa Inisyatibo Laban sa Tigdas

Simula nang umanib ang Simbahan sa Measles Initiative and Partnership noong 2003, libu-libong miyembro na ng Simbahan ang tumulong sa pagsisikap na puksain ang sakit na ito.

Halos 56,000 miyembro ng Simbahan sa buong mundo ang nakapaglaan ng mahigit 600,000 oras ng paglilingkod sa 32 bansa sa Africa, Asia, at Central at South America.

Isang grupo ng mga organisasyon sa pagkakawanggawa—ang American Red Cross, United Nations Foundation, U.S. Centers for Disease Control and Prevention, UNICEF, at World Health Organization—ang nagtatag ng Measles Initiative and Partnership noong 2001 na ang mithiin ay pababain ang bilang ng mga namamatay sa tigdas sa buong daigdig ng 90 porsiyento sa katapusan ng 2010.

Bilang bahagi ng katapatan ng Simbahan sa inisyatibo, na kinabibilangan ng $3 milyong donasyon, inimbitahan ng Unang Panguluhan ang mga miyembro ng Simbahan sa mga apektadong bansa, sa ilalim ng pamamahala ng mga lokal na lider ng priesthood at Relief Society, na lumahok sa pagpapaalam at pagtulong sa mga pagbabakuna.

Mahigit 20 service missionary couple ng Simbahan ang sumusuporta sa mga kampanyang ito. Sa pagtatrabaho sa lugar mula isa hanggang apat na buwan, nakikipag-ugnayan ang mga mag-asawang ito sa mga lider ng priesthood at Relief Society, ministro ng kalusugan, at iba pang mga organisasyong nakikipagtuwang upang magbigay ng boluntaryong suporta para sa iba’t ibang aspeto ng kampanya.

Kahit hindi bumibili o direktang nagsasagawa ng pagbabakuna ang mga miyembro ng Simbahan, nag-iikot sila sa mga kapitbahayan at humihingi ng impormasyon, nagsasabit ng mga poster at banderitas sa kalye, tumutulong sa mga himpilan ng pagbabakuna, at nagpapaanunsyo sa radyo at TV. Isang bata pang returned missionary ang lumikha ng isang musical jingle para sa kampanya sa Madagascar. Ang jingle na ito ay isinalin at kinanta sa 28 wika sa dose-dosenang istasyon ng radyo sa karamihan ng mga bansa kung saan isinasagawa ang kampanya.

Mula nang simulan ang inisyatibo noong 2001 hanggang Disyembre 2008, 600 milyong mga bata at kabataan ang nabakunahan sa puntiryang mga bansa, kaya bumaba nang 74 na porsiyento ang mga namamatay sa tigdas sa buong mundo at sa Africa pa lang ay 89 na porsiyento na ang ibinaba. Ang mga namamatay sa tigdas ay bumaba mula 750,000 noong 2000 at naging 197,000 noong 2007, kaya halos naabot na ng mundo ang mithiin ng United Nations na hindi na abutin ng 100,000 ang mga mamamatay sa tigdas sa buong mundo sa katapusan ng 2010.

Kahit bumuti ang maraming buhay dahil sa mga pagsisikap ng kampanya, hindi lahat ng benepisyo ay pisikal. Ang kapatid na babae ng isang taga-Namibia na si Olavi Ndafediva, na miyembro ng Simbahan, ay nagboluntaryong mangampanya sa kanilang lugar noong 2006. Isang araw sinabi niya kay Olavi na hindi siya makakapunta at pinakiusapan itong humalili sa kanya. “Pagkaraan ng araw na iyon,” sabi niya, “nagpasiya akong alamin pa ang tungkol sa simbahang nakatulong ng malaki sa aking mga kababayan.” Pagkatapos sumapi sa Simbahan, nakilahok si Brother Ndafediva sa kampanya noong 2009.

Ang Cape Verde, isang sunud-sunod na mga pulo ilang daang milya sa may baybayin ng kanlurang Africa, ay isa sa maraming bansa kung saan nagboluntaryo ang mga miyembro ng Simbahan. Sa kampanya noong Marso 2009, tumulong ang mga miyembro para mabakunahan ang mahigit 50,000 mga bata. Mahigit 600 miyembro sa Cape Verde ang nagboluntaryo ng 4,200 oras para isulong ang pagbabahay-bahay ng kampanya.

“Malaki ang nagawa ng mga tao mula sa anim na pulo kung saan may mga branch ang Simbahan, lalo na ang mga kabataan at young single adult,” sabi ni Isias Barreto da Rosa, pangalawang tagapayo sa Cape Verde Praia Mission presidency. “Ang programang ito sa tigdas ay talagang nagpalawak sa aming pananaw tungkol sa aming magagawa para makisangkot sa paglutas ng mga problema sa ating mga komunidad.”

Ang tigdas ay isang sakit na nakakahawa na umaatake sa respiratory system at nagdudulot ng mga singaw sa balat, pulmonya, pamamaga ng utak, at iba pang mga kumplikasyon. Kadalasan ay nakamamatay ito. Ayon sa Measles Initiative, tinatayang 540 mga bata ang namatay araw-araw sa sakit noong 2007. Ang mga batang payat at hindi nabakunahan ang pinakamadaling magkaroon ng tigdas. Gayunman, madaling pigilin ang sakit dahil sa bakuna na wala pang US $1 ang halaga para gamutin ang bawat bata.

Sumenyas ng aprub ang mga bata sa Africa matapos mabakunahan laban sa tigdas noong 2008.

© IRI