2010
Mga Tanong at mga Sagot
Pebrero 2010


Mga Tanong at mga Sagot

“Paano ko makukumbinsi ang mga kaibigan ko na ang ating mga pamantayan ay talagang tungkol sa kalayaan at hindi isang pasanin?”

Napakaraming pagpipilian sa buhay; ang ilan ay tama, at ang ilan ay mali. Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga pamantayan na tumutulong sa atin na piliin ang tama. Kapag ipinamumuhay natin ang mga pamantayan, pinagpapala tayo at pinangangalagaan (tingnan sa Mga Taga Roma 8:28; Mosias 2:41; D at T 130:21). Kapag hindi natin ipinamumuhay ang mga pamantayan, nawawala sa atin ang mga pagpapalang iyon at mapipinsala ang ating espiritu at minsan ang ating katawan.

Ang mga sumusunod sa mga pamantayan ng ebanghelyo ay hindi isinusuko ang kanilang kalayaan sa pagpili: pinipili nilang gawin ang bagay na magdudulot sa kanila ng mga pagpapala at kapanatagan ng kalooban. Alam nila na ang pagsuway ay magdudulot lamang ng mga problema sa kanilang buhay—mga problemang pinili nilang iwasan.

Ang mga pamantayan ng Simbahan, tulad ng nasa Para sa Lakas ng mga Kabataan, ay batay sa mga doktrina, o walang hanggang mga katotohanan. Halimbawa, ang ating mga katawan ay templo ng ating espiritu (tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16). Ang isang pamantayan na batay sa doktrinang iyan ay ang Word of Wisdom: pangalagaan ang inyong katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain at pag-iwas sa mga sangkap na nakalululong at nakapipinsala.

Kung gayon, kapag ipinamumuhay ninyo ang mga pamantayan, namumuhay kayo ayon sa walang hanggang mga katotohanan na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit. “At ang katotohana’y magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32).

Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng Kalayaan

Kapag sinisikap kong sundin ang mga salita ng mga propeta, palagi akong tumatanggap ng pisikal at espirituwal na mga pagpapala mula sa Diyos. Pagkatapos mas may tiwala na ako sa pagpili, at nakikita ng mga kaibigan ko na tinumbasan ko ng pagsunod ang pagtatamo ng mas malaking kalayaang ito. Buong tapang na patotohanan ang mga pagpapalang natamasa mo bilang masunuring miyembro ng Simbahan. Makukumbinsi mo ang mga kaibigan mo sa pamamagitan ng iyong salita at halimbawa na ang pagsunod sa iyong mga pamantayan ay hindi hadlang sa iyong kalayaan, kundi nangyayari ito kapag mali ang pinili mo. Itinuturo sa atin ng mga inspiradong pamantayan ang direksyong upang makapili nang tama, na nagpapanatiling bukas sa maraming pintuan ng oportunidad. Kadalasang hangad ng mga kaibigan ko ang gayunding kalayaan.

Elder Madsen, 21, Indonesia Jakarta Mission

Ipaliwanag na Ikaw ay Masaya

Tinatanong din ako ng aking mga kaibigan, kaklase, at maging ng mga guro sa paaralan tungkol sa ating mga pamantayan. Masyado daw mahigpit ang mga pamantayan ng ating Simbahan. Sa halip na makipagtalo sa kanila, humingi ako ng oras para maibahagi ko sa kanila ang tungkol sa mga pamantayan natin sa Simbahan. Ipinakita ko lang sa kanila na napakasaya ko at komportableng ipamuhay ang ating mga pamantayan. Hindi ko rin ginamit na dahilan ang ating mga pamantayan para hindi dumalo sa ilang aktibidad sa paaralan. Sa halip, nagmungkahi ako ng ilang ideya para sa mga aktibidad sa paaralan na sumusunod sa mga pamantayan ng ating Simbahan. Ibinahagi ko rin sa kanila ang kabutihan ng pagsunod sa mga pamantayang iyon.

Ailyn L., 19, Davao, Pilipinas

Imbitahin ang Iyong mga Kaibigan sa Isang Aktibidad

Ipinagkaloob ng Ama sa Langit ang kalayaang pumili sa Kanyang mga anak. Iba ang ating mga pamantayan sa mga pamantayan ng mundo, at dahil dito, maraming beses nating naiisip na hindi natin magagawa ang ilang bagay. Subalit may kakayahan tayong pumili, at dapat nating piliin palagi ang pinakamainam sa atin para hindi natin mapinsala ang ating katawan at ang ating espirituwal na pag-unlad.

Imbitahin mo ang iyong mga kaibigan sa isang aktibidad sa Simbahan, at ipakita sa kanila kung paano tayo gumagawa ng iba’t ibang makabuluhan at nakalilibang na bagay nang hindi isinasantabi ang ating mga pamantayan. Sikaping maging palaging handa sa pahiwatig ng Espiritu Santo, at magiging madali para sa iyo ang magpasiya nang tama at maging mabuting halimbawa.

Amanda V., 18, Curitiba, Brazil

Gawin ang Tama

Noong isang taon may ilang kaibigan ako na hindi gumalang sa aking mga pamantayan. Sinabi nilang hindi ako masayang kasama, na hadlang ang mga pamantayan sa kalayaan ko o kasiyahan. Nag-isip akong mabuti, nanalangin, at binasa ang mga banal na kasulatan para mapasaakin ang Espiritu Santo at bigyan pa ako ng lakas. Tapos nagpasiya akong sabihin sa mga kaibigan ko na nagsasaya ako sa ibang paraan—hindi naninigarilyo, hindi umiinom ng alak. Ang mga pamantayang ito ay nagbibigay sa akin ng malaking kalayaan, na higit sa taglay nila, dahil gumon na sila sa alak at sigarilyo. Pagkasabi ko nito sa kanila, naunawaan nila ako. Gayunpaman, nagpasiya akong magpalit ng mga kaibigan. Ilang panahon din akong nag-isa, pero kalaunan nakahanap ako ng ilang kaibigan na pareho ko ang mga pamantayan, at masaya na ako ngayon. Pagpapalain ka ng Ama sa Langit kung gagawin mo ang tama.

Belén G., 15, Colonia, Uruguay

Ang mga Pamantayan ay para sa Ating Kapakanan

May mga kaibigan din ako na ganyan din ang iniisip sa mga pamantayan ng ating Simbahan. Sa una parang nag-alangan akong ipaliwanag, pero naisip ko na hindi nila mauunawaan kung hindi natin sasabihin sa kanila. Ipaalam sa kanila na ang mga pamantayan ay bigay sa atin ng Panginoon para sa kapakanan ng ating mga kaluluwa upang hindi tayo mapinsala ng masasamang impluwensya. Ang mga pamantayan ay tulad ng mga tagubilin kapag may pagsusulit. Kung hindi mo ito susundin, tiyak na babagsak ka. At tulad din sa pagsusulit, maaari mong piliing sumunod o hindi. Balang-araw hahangaan ng iyong mga kaibigan ang kakatagan mo sa pagsunod sa mga pamantayan ng Simbahan, at tiyak na pagpapalain ka.

Cleem L., 18, Tanjay, Pilipinas

Pinangangalagaan Tayo ng mga Kautusan

Ang mga utos na sa tingin ay paghihigpit ay tunay na proteksiyon. Nagbigay ang Diyos ng mga patnubay para protektahan tayo sa lahat ng aspeto ng ating buhay (sa pisikal, emosyon, at espirituwal). Alam natin ang pisikal na batas ng kaligtasan na huwag hawakan ang mainit na kalan. Puwede mo namang hawakan ang kalan, pero ang ibubunga nito ay mapapaso ka. Kung pinili mong manood ng malaswang pelikula o sumuway sa Word of Wisdom, daranasin mo ang mahapding “mga paso.” Inilalayo ng tukso ang ating paningin sa Panginoon tungo sa pansamantalang kasiyahan, nang hindi tinitingnan ang mga ibubunga ng ating kasalanan. Kapag pumili tayo, pinili rin natin ang bunga nito, kahit hindi natin ito pinlano. Tulad ng palaging sinasabi ni Inay, “Kapag iniisip mong labagin ang mga utos, talagang malaya ka magagawa ang gusto mo, pero hindi ito ang talagang gugustuhin mo.” Ang pagsunod ng mga utos ay magdudulot sa akin ng tunay na kaligayahan na hinahangad ko.

Joseph G., 13, Utah, USA