2010
Nang Sila ay Lumaki sa Inyo: Mga Palatandaan ng Pagkakaroon ng Hustong Kaisipan
Pebrero 2010


Nang Sila ay Lumaki sa Inyo: Mga Palatandaan ng Pagkakaroon ng Hustong Kaisipan

Sa panalangin ng paglalaan sa Kirtland Temple, ipinagdasal ni Joseph Smith na ang mga sumasamba sa templo ay “[mangyaring] lumaki sa inyo, at makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo, at mabuo alinsunod sa inyong mga batas, at maging handa na matamo ang bawat kinakailangang bagay” (D at T 109:15; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa pagpapayo sa mga young adult na Banal sa mga Huling Araw, bilang bahagi ng aming propesyon, nalaman naming hindi nila tiyak kung ano ang kailangan upang magkaroon ng hustong kaisipan, lalo na ng hustong kaisipan ukol sa Panginoon. Sa pag-iisip ninyo kung ano ang kailangang gawin, lahat ng young adult—may-asawa o wala—ay may magagandang magagawa sa pagkahusto ng kanilang kaisipan, at hindi lang basta tumanda. Ilan sa pinakamahahalagang palatandaan ng pagkakaroon ng hustong kaisipan ay ang sumusunod.

1. Hustong Kaisipan Tungkol sa Layunin

Ang pagkaroon ng layunin at pagpili ng kukuning kurso o karera ay malaking gawain. Nabibigyang-liwanag ang mga adult sa pagpili ng kurso at karera sa pagsubok ng maraming opsiyon, pagtatanong, pagboboluntaryo o pagtanggap ng mga panimulang trabaho para magkaroon ng karanasan, at pag-uukol ng pansin sa bagay na nakasisiya at nagpapasigla sa kanila. Sa paggawa ng ganitong mga pasiya sa kabila ng kawalang-katiyakan ay madarama natin na kaya natin itong mag-isa at hindi na gaanong aasa sa iba.

2. Nagtatakda ng Sariling Mithiin at mga Gawi

Nakadarama ang mga adult ng kasiyahan sa pagtatakda ng sariling mithiin, pagdisiplina sa sarili, pagkakaroon ng hustong kaisipan, pagsisimula ng mga gawi at huwaran sa araw-araw, at pamumuhay nang angkop sa mga bagay na lubos nilang pinahahalagahan. Ang mga mithiin at gawi ay nakatutulong sa mga tao upang maiwasang malungkot at matukso at manganib dahil sa pagkainip at sobrang pagkabalisa. Kapag natapos natin ang isang mahirap na gawain, masisiyahan tayo na makamit ang mga bagay na pinakagusto natin, hindi lang ang gusto natin ngayon.

3. Kakayahang Alagaan ang Sariling Katawan

Ang pangangalaga sa ating mga ngipin at katawan, pagpapagupit, pag-eehersisyo, pagkain ng masustansyang pagkain, at pagtulog nang sapat ay magagandang paraan upang mapakinabangan natin ang katawang ipinagkaloob sa atin. Ang pag-aalaga sa ating katawan ay magbibigay sa atin ng kakayahang maging responsable sa ating kalusugan at kapakanan.

4. Kakayahang Tustusan ang Sarili

Kapag pinagbubuti natin ang pagkita at paggamit ng pera, nakakasiguro tayong matutustusan natin ang ating mga pangangailangan sa hinaharap at sa kasalukuyan. Makikinabang din ang mga young adult sa mga payo ng kanilang mga magulang at lider tungkol sa pagbabayad ng ikapu, pagbabadyet, pamumuhunan, pagtatabi ng kaunti mula sa kita, at pag-unawang mabuti sa pangungutang.

5. Pagbuo ng Tahanan

Habang nagkakaedad tayo, makabubuo tayo ng tahanang kakikitaan ng ating panlasa, estilo ng pamumuhay, at personalidad. Napakasarap magkaroon ng sariling lugar—ito man ay isang sulok lang ng silid na lagayan ng ating mga aklat o gamit o isang apartment o bahay. Kapag inayos at pinaganda natin ang ating kapaligiran, nakikiisa tayo sa Tagapaglikha sa proseso ng paglikha.

6. Pakikipag-ugnayan sa Iba

Ang pag-aasawa at pagiging magulang ay malinaw na kasama sa pagbabagong nagaganap kapag nagkakaroon na ng hustong kaisipan. Ngunit ang mga single adult ay maaari ding “magkaroon ng hustong kaisipan” pagdating sa pakikipag-ugnayan sa iba. Bagaman walang makakahalili sa pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak, makadarama pa rin ng kasiyahan ang mga walang-asawa sa piling ng kanilang mga kapatid, pinsan, kasama sa trabaho, kapitbahay, at mga miyembro ng ward o branch. Maibibigay ng mga kaibigan ang patuloy at palagiang pakikipag-ugnayan at pagmamalasakit sa isa’t isa.

7. Pagkatutong Makipag-ugnayan ng Damdamin

Ang kusang pakikipagkaibigan, pagtugon sa paanyaya ng iba, at pakikibagay sa iba’t ibang edad ay mga kakayahan sa pakikipag-ugnayan sa iba ng isang taong husto na ang kaisipan. Habang nadaragdagan ang kakayahan nating pagmalasakitan ang iba, lutasin ang mga problema, at tapat na ibilang ang ating sarili, nagiging makabuluhan ang pakikipag-ugnayan natin sa iba.

May ilang young adult na takot makisalamuha sa iba. Maaaring bumaling sila sa alak, droga, pornograpiya, di pagkain nang tama, o iba pang hindi ayos na pag-uugali para makaiwas o mapaglabanan ang takot. Ang matutong makipag-usap, palalimin ang pagkakaibigan, at lumutas ng problema ng isa’t isa ay makakatulong sa ating madaig ang takot na makitungo sa iba.

8. Pakikipag-ugnayan sa Komunidad

Ang mga young adult ay makakagawa ng tunay na kaibhan sa daigdig para sa kabutihan. Ang paglilingkod sa komunidad, pagpapakain sa isang tao, pag-anyaya sa iba na bumisita sa tahanan ninyo, pagho-home teaching o visiting teaching, pagsali sa isang sports team, at pagganap ng mga tungkulin sa Simbahan ay mas magbibigay ng kabuluhan at kahulugan sa ating buhay at sa iba.

9. Pagtulong sa Susunod na Henerasyon

Alam natin na talagang nasa hustong pag-iisip na ang tao kapag mula sa pagiging alagain-sila ay mga tagapag-alaga-na. Napagpapala ng mga young adult ang buhay ng iba kapag ipinapasa nila ang kanilang kaalaman, karanasan, at pagmamalasakit sa susunod na henerasyon. Ang pagkakaroon ng regular na mga aktibidad kasama ang mga pamangkin, mga bata sa inyong lugar, o sa mga klase sa Primary at youth ay nakahihikayat ng mga ugnayang makahulugan sa kapwa henerasyon. Sinusuportahan din natin ang susunod na henerasyon kapag tinuturuan natin ang mga bagong pasok sa trabaho, nag-aambag sa ating propesyon, gumagawa ng gawaing misyonero, at kinikilala ang mga investigator ng Simbahan.

10. Pagkakaroon ng Hustong Kaisipan sa Tungkuling Espirituwal

Sa pagbuo natin ng mga gawi bilang adult, binibigyang-diin natin ang pag-una sa mga espirituwal na bagay tulad ng pagdarasal, pag-aaral ng banal na kasulatan, paglilingkod sa Simbahan, at pagsamba sa templo. Binibigyang-diin ng templo ang kahalagahan ng pamilya sa nakalipas at kasalukuyang henerasyon; at nililinaw rin nito na nakikipag-ugnayan ang Diyos sa bawat isa sa atin bilang indibiduwal. Ang pagiging karapat-dapat sa temple recommend ay nangangahulugang tinatanggap tayo sa bahay ng Panginoon, kung saan maaari tayong “lumaki” o magkaroon ng hustong kaisipan sa Kanya.

Mga paglalarawan ng Getty Images, nina Tokio Onogi, Steve Bunderson, Matthew Reier, Norman Burningham, Christina Smith, at John Luke