2010
Gawin Ninyo Ito sa Pagaalaala sa Akin
Pebrero 2010


“Gawin Ninyo Ito sa Pagaalaala sa Akin”

Nawa ay mapuspos tayo ng Espiritu ng Panginoon sa pagtanggap natin ng sacrament nang karapat-dapat.

Larawan
Elder Paul K. Sybrowsky

Maraming taon na ang nakararaan noong ako ay bata pang misyonero sa Canada, naantig ako sa isang talata na mahusay na iniukit sa harap ng mesa ng sacrament ng branch sa Montreal: “Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin” (Lucas 22:19).

Sa maliit na branch na iyon, ang mga miyembro ng Aaronic Priesthood, na pawang maayos ang bihis at kilos, ay nagpaalala sa mga Banal ng mga tagubilin ng Tagapagligtas tungkol sa pinakamahalaga at sagradong ordenansang ito. Nakatimo pa rin sa aking isipan ang nakaukit na mga salitang iyon bawat Linggo habang ipinapasa ang sacrament: “Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.”

Bilang mga pinagtipanang tao ng Panginoon, dumarating tayo sa sacrament meeting ng ilang minuto bago ito magsimula para magpakita ng pagpipitagan at isipin ang sagradong ordenansang ito. Sa mga sandaling iyon, kapag nagsisimba tayo na handa sa pagtanggap ng sacrament, sinusunod natin ang payo ni Pablo sa mga Banal sa lalawigan ng Corinto sa Roma: “Datapuwa’t siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro” (I Mga Taga Corinto 11:28).

Pagpapasimula ng Sacrament

Ang sacrament ay kumakatawan sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Ito ay banal at sagradong ordenansa na dapat pangasiwaan sa ipinahayag na paraan ng karapat-dapat na mga mayhawak ng priesthood at tinatanggap ng karapat-dapat na mga Banal sa mga Huling Araw. Masusing atensyon ang ibinibigay nang may pagpipitagan sa paghahanda, pagbabasbas, at pagpapasa ng sacrament.

Pinaalalahanan ni Pablo ang mga Banal na ang sacrament ay pinasimulan sa pinakamahalagang kaganapan sa kalagitnaan ng panahon nang maupo si Jesus sa Pista ng Paskua kasama ang Kanyang Labindalawang Apostol.

“Sapagka’t tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo, Na ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay:

“At nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, ito’y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.

“At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo’y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin” (I Mga Taga Corinto 11:23–25).

Dito ang lumang batas, ang batas ni Moises, ay matutupad, bilang bagong tipan—maging ang mataas na batas—ay pasisimulan. Ang ordenansa ng sacrament ay magpapatuloy hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, kung kailan makikibahagi ang ating Tagapagligtas sa sacrament kasama ang Kanyang mga Banal (tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:26; D at T 27:5–14).

Ang korderong iaalay na inihanda para sa Huling Hapunan ay mahalagang bahagi sa taunang pagdiriwang ng Paskua. Habang nagsisikain ang Labindalawang Apostol, si Jesus na mismong Kordero para sa pagdiriwang ng Paskua, ay dumampot ng tinapay, pinagpala ito, pinagputul-putol, at ibinigay sa Kanyang mga disipulo (tingnan sa Mateo 26:26).

Sa Bagong Daigdig, pagkatapos ipakita sa mga Nephita ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa, pinasimulan ng Panginoon ang sacrament, nagsasabing:

“At ito ay lagi ninyong gagawin, maging katulad ng aking ginawa, maging katulad ng pagputul-putol ko ng tinapay at binasbasan ito at ibinigay ito sa inyo.

“At ito ay gagawin ninyo sa pag-alaala sa aking katawan, na ipinakita ko sa inyo. At ito ay magiging patotoo sa Ama na lagi ninyo akong naaalaala. At kung lagi ninyo akong aalalahanin ang aking Espiritu ay mapapasainyo” (3 Nephi 18:6–7).

Tungkol sa saro ay sinabi Niya: “At ito ay lagi ninyong gagawin sa mga yaong nagsisisi at nabinyagan sa aking pangalan; at gagawin ninyo ito sa pag-alaala sa aking dugo, na aking pinabuhos para sa inyo, upang kayo ay sumaksi sa Ama na lagi ninyo akong naaalaala. At kung lagi ninyo akong aalalahanin ang aking Espiritu ay mapapasainyo” (3 Nephi 18:11).

Sinabi rin ng Tagapagligtas sa mga Nephita, “Siya na kumakain ng tinapay na ito ay kumakain ng aking katawan sa kanyang kaluluwa; at siya na umiinom ng alak na ito ay umiinom ng aking dugo sa kanyang kaluluwa; at ang kanyang kaluluwa ay hindi kailanman magugutom ni mauuhaw, kundi mabubusog.” Matapos na matanggap ng maraming tao ang sacrament, sinasabi sa atin ng tala na “sila ay napuspos ng Espiritu” (3 Nephi 20:8–9).

Pagtanggap ng Sacrament nang Karapat-dapat

Itinuro ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bago pa itinatag ang mundo, ipinahayag na ng Diyos ang isang plano kung saan magkakaloob Siya ng mga pagpapala sa Kanyang mga anak batay sa pagsunod nila sa Kanyang mga utos. Gayunpaman, naunawaan Niya na kung minsan ay magagambala tayo ng mga makamundong bagay at kailangan tayong regular na mapaalalahanan tungkol sa ating mga tipan at sa Kanyang mga pangako. …

“Ang layunin ng pagtanggap natin ng sakrament, siyempre pa, ay pinapanibago ang mga tipang ginawa natin sa Panginoon. …

“… Ang pagtanggap ng sakrament nang karapat-dapat ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong umunlad sa espirituwalidad. …

“… Kung babalewalain natin ang pagtanggap ng sakrament, mawawala sa atin ang pagkakataong umunlad sa espirituwal.”1

Itinuro ni Pablo sa bata pang Simbahan sa Corinto na maaaring ang mga miyembro nito ay “mahihina at mga masasaktin” dahil tumatanggap sila “[nang hindi karapat-dapat], … hindi [nila] kinikilala ang katawan ng Panginoon” (I Mga Taga Corinto 11:29, 30). Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Sinuman ang kumain at uminom ng aking laman at dugo nang hindi karapat-dapat ay kumakain at umiinom ng kapahamakan sa kanyang kaluluwa” (3 Nephi 18:29).

“Masdan, ako ang Alpa at Omega, maging si Jesucristo.

“Kaya nga, ang lahat ng tao ay mag-ingat kung paano nila sinasambit ang aking pangalan sa kanilang mga labi” (D at T 63:60–61).

Kumakain ba tayo at umiinom sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa? Umaalis ba tayong puspos sa galak mula dito sa “sagradong sandali sa isang banal na lugar”?2

Palaging Pagtanggap ng Sacrament

Sinabi ng Panginoon, “Kinakailangan na ang simbahan ay magtipon nang madalas upang makakain” ng sacrament (D at T 20:75). Kung kinakailangan ito sa Panginoon, talagang mahalaga ito sa atin!

Ang ating Panginoon, sa paglilinis ng panloob na sisidlan, ay hindi tayo iiwanang walang alam, mahina, at masakitin, kundi pupuspusin Niya tayo ng Kanyang pagmamahal at lakas upang mapaglabanan ang tukso. Ang mga lumalapit kay Cristo ay nagiging katulad ni Cristo kapag sumasampalataya sila sa Kanya at tumatanggap ng “tinapay ng kabuhayan” at ng “tubig na buhay” (Juan 4:10; 6:35).

Noong Abril 6, 1830, nang magpulong ang unang mga Banal para itatag ang Simbahan, isinama nila sa kanilang unang opisyal na miting ang ordenansa ng sacrament, na binalangkas ng Panginoon (tingnan sa D at T 20:75–79).

Bilang mga miyembro ng Simbahan, nauunawaan natin na ang kaligtasan ng ating sarili ay nagmumula lamang sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ipinahahayag natin at pinatototohanan sa mundo na nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan nang may lubos na pagsunod sa kalooban ng Ama. Matatanggap natin ang pinakadakilang kaloob ng Diyos, ang buhay na walang hanggan, sa pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Nauunawaan din natin ang itinuro ni Amang Lehi sa kanyang anak na si Jacob nang sabihin niyang, “Anong laking kahalagahan na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa mga naninirahan sa mundo, upang kanilang malaman na walang laman ang makapananahanan sa kinaroroonan ng Diyos, maliban sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8).

Nawa ay kumain at uminom tayo nang sa gayon ay hindi na tayo espirituwal na magutom at mauhaw pa. At nawa ay mapuspos tayo ng Espiritu ng Panginoon sa bawat araw ng Sabbath kapag tumatanggap tayo ng sacrament sa pag-alaala sa Kanya, nang maging ganap tayo at maging isa sa Kanya.

Mga Tala

  1. L. Tom Perry, “Habang Aming Tinatanggap Itong Sakrament,” Liahona, Mayo 2006, 39–40, 41.

  2. L. Tom Perry, Liahona, Mayo 2006, 39.

Ang Huling Hapunan, ni Simon Dewey

Nagpakita si Cristo sa mga Nephita, ni Simon Dewey, © 2003 IRI

Detalye mula sa Ang Ikalawang Pagparito, ni Grant Romney Clawson; paglalarawan ni Marina Lukach