2010
Pag-una sa Pamilya
Pebrero 2010


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Ang Pag-una sa Pamilya

Alam ko na hindi magtatagal ay hindi na namin kakayanin ang abala naming iskedyul. Ano ang puwede naming baguhin?

Simula na naman ng bagong linggo, at kinakabahan na ako nang tingnan ko ang iskedyul ng mga gagawin ng pamilya. Paano namin magagawa ang lahat ng obligasyong iniskedyul naming gawin?

Sinubukan kong gawin ang nasa iskedyul, sinikap kong magboluntaryo sa paaralan, dalhin ang mga bata sa iba’t iba nilang isport at club, pakainin ang lahat sa pasikip na pasikip na iskedyul, at ihanda araw-araw ang aralin ko sa early-morning seminary. Laging nagmamadali ang aking asawa sa pagpasok sa trabaho at pagdalo sa mga miting sa Simbahan, pagbisita sa mga miyembro ng ward, at pagko-coach sa soccer. Sinisikap naming masabik sa paggawa ng mabubuting bagay at maging aktibo sa Simbahan, pero parang may kulang. Kahit kayang gawin ng maraming pamilya ang maraming aktibidad, hindi umuubra sa amin iyon: nagiging problema na sa pamilya namin ang nakakatarantang iskedyul.

Habang pinag-iisipan ko ang problemang ito, nagsimula kong mapansin ang dalas ng pagtanggi namin sa tuwing magsasabi ang aming mga anak ng gusto at kailangan nila sa amin. Nakabagabag ito sa akin, at sinimulan kong isipin kung ano ang puwedeng gawin.

Bumaling ako sa mga banal na kasulatan. Habang binabasa ko ang Aklat ni Mormon, napunta ako sa sermon ni Haring Benjamin kung saan sinabi niya, “At tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas. At muli, kinakailangang siya ay maging masigasig, nang sa gayon siya ay magkamit ng gantimpala, anupa’t ang lahat ng bagay ay dapat na gawin nang maayos” (Mosias 4:27).

Ang gantimpalang gusto namin ay mas masaya, mas nagkakaisang pamilya. Gusto naming kaunti lang ang streess o alalahanin at mas lamang ang saya, pero tila malinaw na wala kami sa direksyong hahantong sa mga gantimpalang ito.

Masipag kami, pero wala naman kaming gaanong napapalang makabuluhan. Naghahanda kami ng lahat ng salungat sa bawat kinakailangang bagay. Ipinagdasal ko ang aming sitwasyon, pero sa una ay walang dumating na sagot.

Ganoon pa rin ang takbo ng buhay. Kailangang bigyang-pansin ang tungkulin sa Simbahan, hugasan ang mga pinggan, at ang lahat ay kailangang ipagmaneho at ihatid sa kanilang mga aktibidad. Habang naghahanda ako sa pagtuturo sa seminary araw-araw, nagsimula akong makahanap ng sagot mula sa karunungan ng ating makabagong mga propeta at lider. Nabasa ko ang mensahe ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na hinihikayat ang mga Banal na magdaos ng family home evening. Sabi niya: “Ngunit sa ating panahon nagbigay ang Panginoon ng programang may bagong anyo na angkop sa lahat ng panahon na may pangakong ibabalik ang mundo sa matinong pamumuhay, sa totoong buhay mag-anak, na may pagtutulungan ng pamilya. Ito ay ang ibalik ang ama sa kanyang tamang katayuan bilang ulo ng pamilya, iuwi ang ina mula sa pakikihalubilo at trabaho, at ilayo ang mga anak sa walang tigil na pagsasaya at paglalaro.”1

Napagtanto ko na ang isa sa mga pinakaunang apektado ng marami naming aktibidad ay ang pag-iiskedyul ng family home evening. Di pa katagalan, binasa ng aming bishop sa sacrament meeting ang liham mula sa Unang Panguluhan na nagpapaalala sa amin na matalinong pumili ng mga aktibidad at huwag hayaang mahadlangan ng mabuti naming ginagawa ang home evening.

Habang tinatalakay namin ng aking asawa ang payong ito, nalaman naming marami sa aming aktibidad ang masaya pero hindi kailangan at makikinabang kami kung babawasan namin ang sobra. Gumawa kami ng listahan ng aming mga aktibidad at pinagsama-sama ang mga “kailangan,” “hindi kailangan,” at “kailangang pagbutihin.”

Habang pinag-aaralan namin ang listahan, inaalala namin ang damdamin ng aming mga anak. Karamihan sa aktibidad na iniisip naming alisin ay mga aktibidad nila tulad ng isports at mga club. Nagpasiya kaming magdaos ng family home evening at kausapin tungkol dito ang aming mga anak. Nang talakayin namin sa aming mga anak ang problema, nagulat kami na mas gusto nilang gumugol ng oras na kasama kami kaysa turuan namin ang kanilang team o pangasiwaan ang kanilang mga club.

Mula sa natuklasang ito nagsimula ang aming “Family Club.”

Nang matapos na ang aming mga obligasyon sa mga aktibidad namin, hindi na kami sumali pa kahit saan. Sa mga gabing wala kaming gagawin sa Simbahan, uuwi galing sa trabaho ang aking asawa at ibabalita, “Ngayong gabi ay Family Club!” at magmamadali nang tatapusin ng mga bata ang kanilang gawain sa eskwela at sa bahay para magkasama-sama kami.

Gustung-gusto ng aming mga anak na gumawa ng mga ispesyal na proyekto, lalo na kapag kasama ang kanilang ama. Isang gabi bumuo sila ng kompyuter mula sa mga lumang bahagi ng kompyuter. Kung minsan bawat isa ay magsusuot ng tool belt at may kukumpunihin sa bahay. Dahil dito nagkakaroon kami ng panahon, lakas, at hangaring magkasama-sama.

Nagkaroon din ako ng mas maraming oras sa mga bata at nakakapaghanda ng mas masustansyang pagkain para sa pamilya. Sa Family Club hindi kailangang magparoo’t parito, hatiin ang aming pamilya sa iba’t ibang aktibidad, o kumain sa labas. Parang walang naghahanap sa dati naming buhay na laging nagmamadali at kumakain sa labas. Masayang-masaya kami na magkakasama kung kaya’t ayaw na ng mga bata na sumali pa sa ibang mga aktibidad.

Nagdaraos na kaming muli ng family home evening at nagdarasal bilang pamilya araw-araw. Naglilinis din kami, may personal na pag-aaral ng banal na kasulatan, at magkakasamang naglilibang. Alam namin na sa paglaki ng mga bata, natural lang na magkaroon sila ng mas maraming aktibidad. Idaragdag namin ang mga aktibidad na ito kung kailangan, pero sa ngayon, masaya kami sa bawat minuto sa aming Family Club.

Tala

  1. Spencer W. Kimball, “Home: The Place to Save Society,” Ensign, Ene. 1975, 4.

Family Home Evening, ni Del Parson