2010
Ang North Visitors’ Center
Pebrero 2010


Pagbisita sa Temple Square

Ang North Visitors’ Center

Samahan ninyo kami sa pagbisita sa mahahalagang lugar sa Temple Square.

Marami nang alam sina Kaemin at Ikani (“Kolby”) tungkol sa mga propeta. Ngunit nakatulong ang pagbisita nila sa North Visitors’ Center sa Temple Square para makita sa bagong paraan kung paano nagpapatotoo ang mga propeta kay Jesucristo.

Nang araw na iyon nakita nina Kolby at Kaemin ang kasing laki ng taong mga replika ng mga propeta mula sa mga banal na kasulatan. Nalaman nila na kahit na nabuhay sa iba’t ibang panahon ang mga propeta, lahat ng propeta ay nagpapatotoo na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Anak ng Diyos.

Si Isaias ay propeta sa Lumang Tipan na nabuhay bago isilang si Jesus. Isinalaysay niya ang tungkol sa pagsilang ni Jesus at ang Kanyang papel bilang ating Tagapagligtas. Isinulat ni Isaias, “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake: … at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).

Si Mormon ay nabuhay mga 400 taon pagkaraang isilang si Jesus. Pinagsama-sama niya ang mga isinulat ng maraming propeta sa Aklat ni Mormon sa mga laminang ginto. Isinama rin niya ang ilan sa mga isinulat niya. Itinuro ni Mormon na dapat tayong “maniwala kay Jesucristo, na Siya ang Anak ng Diyos” (Mormon 7:5). Ibinigay niya ang talaan sa kanyang anak na si Moroni, na siyang nagbaon ng mga laminang ginto.

Nang pumanaw si Moroni, walang mga propeta sa mundo sa loob ng daan-daang taon. Noong 1823 ipinakita ng anghel na si Moroni kay Joseph Smith kung saan nito matatagpuan ang mga laminang ginto. Isinalin ni Joseph ang mga laminang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at inilathala ang mga nakasulat bilang Aklat ni Mormon. Ang Biblia ay isang tipan ni Jesucristo; ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan.

Kasama si Joseph Smith, nagkaroon na tayo ng 16 na Pangulo ng Simbahan. Sila ay mga propeta na tinawag ng Diyos upang turuan tayo tungkol kay Jesucristo. Ang propeta natin ngayon ay si Pangulong Thomas S. Monson.

Matapos malaman ang itinuro ng mga propeta tungkol kay Cristo, umakyat sina Kolby at Kaemin sa paikot na rampa papunta sa tuktok ng visitor’s center. Doon ay nakita nila ang malaking estatwa ni Cristo na tinatawag na Christus. Nakinig sila sa nakarekord na mga turo ni Jesus. Ang mga bagay na itinuro ng mga propeta tungkol kay Jesus ay ang mga bagay rin na itinuro ni Jesus tungkol sa Kanyang sarili.

Mga paglalarawan ng icons at mapa ni Dilleen Marsh; mga kuhang larawan ni Christina Smith, maliban kung iba ang nakasaad; mga larawan ng replika ng mga laminang ginto sa North Visitors’ Center na kuha ni Jed Clark; paningit: larawan ng Christus na kuha ni Robert Casey