2010
Si Cristo at ang Kultura sa Lumang Tipan
Pebrero 2010


Si Cristo at ang Kultura sa Lumang Tipan

Ang masusing pag-aaral ng mahalagang tomong ito ng banal na kasulatan ay tutulong sa ating higit na pahalagahan ang Tagapagligtas, ang Kanyang walang hanggang sakripisyo, at ang mga taong umasam sa Kanyang pagsilang.

Sa pag-aaral natin ng Lumang Tipan, marami sa atin ang maaaring kailanganing isantabi ang mga nakaugalian upang mapag-aralan ang mga banal na kasulatang ito nang hindi nakabatay sa ating sariling kultura. Dahil kung hindi, kapag pilit na isama ang kaalaman sa makabagong kultura sa isang lipunang umiral libu-libong taon na ang nakalipas, ang Lumang Tipan ay magmimistulang kakaiba o hindi akma.

Sa nakaugaliang kultura magtataka tayo kung bakit sa lipunang nababasa natin sa Biblia ay kaugalian noon ang maunang mag-asawa ang ate o panganay na babae kaysa kanyang nakababatang kapatid na babae (tingnan sa Genesis 29:25–26), na pasanin ng kababaihan ang sinalok na tubig o iba pang dalahin sa kanilang balikat (tingnan sa Genesis 21:14; 24:15), na bumaba sa kanilang kamelyo o asno ang isang tao bilang paggalang kapag binabati nila ang ibang tao (tingnan sa Genesis 24:64; I Samuel 25:23; 2 Mga Hari 5:21), na dapat magyukod ng ulo ang mga tao sa harap ng ibang tao (tingnan sa Genesis 18:2–3; 19:1; 23:7, 12; 42:6), na mga magulang ang pipili ng mapapangasawa ng kanilang mga anak na lalaki (tingnan sa Genesis 24:4; 21:21; 38:6), o maghugas ng paa ang mga panauhin kapag dumating sila sa bahay ng nag-imbita sa kanila (tingnan sa Genesis 18:4; 19:2; 43:24).

Hindi natin mapapahalagahan at mauunawaan ang Biblia kung aalisin natin ito sa sariling konteksto nito at ilalagay ito sa ating makabagong kultura. Sa halip, dapat nating baguhin ang ating pag-iisip para mas maintindihan ang paraan ng pamumuhay noong unang panahon.

Ang Lumang Tipan ay nagbibigay ng kapaki-pakinabang at nakawiwiling impormasyon tungkol sa mga kultura ng sinaunang mga propeta, tao, at sibilisasyon—mga impormasyon tungkol sa kanilang musika, wika, sining, panitikan, relihiyon, sistema ng pananalapi, pagkain, kasuotan, paraan ng pagkakalendaryo, kaugalian sa kasal, at marami pang iba. Ang impormasyong ito ay magiging isa lamang nakatutuwang pag-aaral ng kultura at kasaysayan kung ang Lumang Tipan ay walang maiaalok sa estudyante na mas dakila at nakapagpapabago ng buhay na gantimpala sa kung minsan ay napakahirap na nilalaman nito—ang gantimpalang iyon ay ang mailapit sila kay Jesucristo.

Ang Lumang Tipan ang unang tipan ng Tagapagligtas at nag-uulat ng napakaraming tala tungkol sa mga kaugalian sa relihiyon na nakapokus, gamit ang mga salita at propesiya, kay Cristo at Kanyang Pagbabayad-sala. May limang halimbawa sa Lumang Tipan na naglalarawan sa laganap na gawain ng relihiyon na nagbibigay ng mas malalim na pang-unawa tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa ating kaugnayan sa Kanya.

Gaya ng Isang Kordero sa Katayan

Matapos magdusa si Jesus sa Getsemani, sinalubong siya ni Judas at “ng pulutong ng mga kawal, at ng mga punong kawal na mula sa mga pangulong saserdote at mga Fariseo, [na] nagsiparoon na may mga ilawan at mga sulo at mga sandata” (Juan 18:3). Pumayag si Jesus na mawalan ng dignidad nang hayaan Niyang dalhin Siya ng mga pulutong at igapos (tingnan sa Juan 18:12).

Hindi itinala sa patotoo ni Juan kung paano itinali si Jesus, ngunit sa napakalinaw na paliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol (1915–85) sinabi niya na si Jesus ay “dinala nang may tali sa leeg, na parang kriminal.”1 Hindi makikita ang detalyeng ito sa mga tala ng Ebanghelyo at samakatwid ay maituturing na ito ay mula sa pang-unawa ng isang taong sinang-ayunan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Ang tali sa leeg ng Tagapagligtas ay nagpapaalala sa pagtatali sa isang karaniwang kriminal. Naipapaalala rin nito ang kasalukuyang ginagawa sa Banal na Lupain kung saan tinatalian sa leeg ang mga tupa o kambing na dadalhin sa katayan. Nagsimula ang kaugaliang ito sa panahon ng Lumang Tipan. Ibinadya ng mga tala sa Lumang Tipan ang pangyayaring ito sa buhay ni Jesus nang ipropesiya ni Isaias na ang Mesiyas ay “napighati, gayon man nang siya’y dinalamhati ay hindi nagbuka ng kaniyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa patayan” (Isaias 53:7).

Paglalaplap sa Iniaalay na Handog

Tinukoy sa Levitico ang isang kaugalian ng relihiyon tungkol sa paglalaplap ng guyang toro matapos itong patayin: “Kaniyang papatayin ang guyang toro sa harap ng Panginoon. … At lalaplapin [niya] ang handog na susunugin” (Levitico 1:5–6).

Ang ibig sabihin ng paglalaplap dito ay pagbabalat sa hayop. Matapos patayin ang iaalay na handog, babalatan ng nag-aalay o ng isang miyembro ng pagkasaserdote ang hayop. Ang salitang Hebreo na psht, ay isinalin bilang “paglaplap,” na ibig sabihin “hubaran ng kasuotan” (tingnan sa Genesis 37:23; I Samuel 19:24; Ezekiel 16:39; 44:19).

Ang nilaplap na iaalay na hayop ay sumasagisag kay Jesucristo. Si Jesus ay walang pakundangang hinubaran-ng Kanyang mga kasuotan at “tunika”—bago Siya Ipinako sa Krus:

“Ang mga kawal nga, nang si Jesus ay kanilang maipako na sa krus, ay kanilang kinuha ang kaniyang mga kasuutan at pinagapat na bahagi, sa bawa’t kawal ay isang bahagi; at gayon din naman ang tunika: at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas.

“Nangagsangusapan nga sila, Huwag natin itong punitin, kundi ating pagsapalaranan, kung mapapakanino: upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi, Binahagi nila sa kanila ang aking mga kasuutan, at ang aking balabal ay kanilang pinagsapalaran” (Juan 19:23–24).

Isinulat ni Pangulong President Spencer W. Kimball (1895–1985), “Napakasidhi marahil ng Kanyang pagdurusa nang yurakan ng [mga kawal] ang Kanyang dangal sa paghuhubad nila sa kanyang kasuotan at pagsusuot sa kanya ng balabal na matingkad na pula ang kulay!”2

Ang paglaplap sa mga iaalay na hayop ay nagbadya rin ng paglalatigo kay Jesus. Nang humarap siya sa gobernador ng Roma na si Poncio Pilato, nabalatan ang ilang bahagi ng katawan ni Jesus habang Siya ay nilalatigo (tingnan sa Mateo 27:26). Marahil ang paglatigong ito o ang sumunod na pagpako sa mga kamay at pulso ng Tagapagligtas ang pinatungkulan ni Pedro nang isulat niya na si Jesus ay “nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan” (I Ni Pedro 2:24). Ipinropesiya na ni Isaias ang paglatigo mahigit pitong siglo bago pa man naganap iyon. Ganito ang isinulat niya tungkol sa Tagapagligtas, “Aking ipinain ang aking likod sa mga mananakit” (Isaias 50:6).

Ang Binutasang Tinapay

Tumutukoy ang ilang talata sa Lumang Tipan sa isang naiibang uri ng pagkain na parang tinapay na kinakain ng mga sumasamba sa templo o sinusunog sa altar kasama ang mga iaalay (tingnan sa Exodo 29:2; Levitico 2:4; Mga Bilang 6:15). Sa Hebreo ang tinapay na ito ay tinatawag na halah (pangmaramihan, halot), na ibig sabihin ay “binutas” na tinapay (mula sa salitang-ugat sa Hebreo na hll, “butasin”). Saanman sa mga banal na kasulatan ang salitang-ugat sa Hebreo na (hll) ay tumutukoy sa pagbutas, lalo na sa isang tao na tinusok ng espada o pana (tingnan sa I Samuel 31:3; Mga Panaghoy 4:9).

Hindi natin alam kung bakit ito tinawag na halah, ngunit marahil tinusok o binutasan na ang masa bago pa man ito inilagay sa hurno. Ang binutasang tinapay ay maihahalintulad kay Jesucristo, na tinawag na “tinapay ng kabuhayan” (Juan 6:35) at siyang sinibat habang nakapako sa krus (tingnan sa Juan 19:34). Ipinropesiya kapwa nina Isaias at ng Mang-aawit ang pagsibat kay Jesus bilang bahagi ng Pagbabayad-sala: “Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang” (Isaias 53:5). “Binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa” (Awit 22:16).

Tulad din ng binutasang tinapay na mahalagang bahagi ng sinaunang sistema ng pagsasakripisyo, ang mga Banal noong unang panahon ng Kristiyanismo at muli sa ating sariling dispensasyon ay gumagamit ng pinutul-putol na tinapay bilang paalaala ng sakripisyo ni Cristo. Naaalala natin na maging si Jesus mismo ay pinutul-putol ang tinapay ng sacrament bilang pagbabadya ng Kanyang katawang sasaktan. Itinala ni Mateo, “At samantalang sila’y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan” (Mateo 26:26).

Ang pinutul-putol na tinapay bilang sagisag ng sinaktang katawan ni Jesus ay malinaw na naihayag ng mga makabagong propeta, kabilang na si Pangulong John Taylor (1808–87): “Natutuwa akong makasama ang mga Banal. Nais kong kumain ng tinapay na kasama nila bilang pag-alaala sa pinagputol-putol na katawan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, at gayon din ang makibahagi sa saro sa pag-alaala sa dugong kanyang ibinuhos.”3

Binayong Langis

Kabilang sa sinaunang sistema ng pag-aalay ang ilang tuntunin na tumutukoy sa binayong langis ng oliba, o “langis na ginawa sa pamamagitan ng pagbayo ng mga oliba sa dikdikan.”4 Halimbawa, kabilang sa araw-araw na pag-aalay sa templo ang dalawang tupa, inumin, at harinang sinamahan ng hinalong langis ng oliba (tingnan sa Exodo 29:40; Mga Bilang 28:5–6). Ang tatlong handog na ito—ang mga tupa, inumin, at ang harina at hinalong langis—ay iniaalay “araw-araw, na pinakapalaging handog na susunugin” (Mga Bilang 28:3).

Ang binayong langis ay ginagamit din noon sa lampara sa templo para ilawan ang mga nagsisigawa sa templo. Iniutos ng Diyos kay Moises, “Iyong iuutos sa mga anak ni Israel na sila’y magdala sa iyo ng taganas na langis ng binayong oliba na pangilawan, upang papagningasing palagi ang ilawan” (Exodo 27:20).

Sa Aklat ni Mormon, ipinahayag ni Abinadi, “Siya ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim” (Mosias 16:9). Akma lang kung gayon, na gamitin ang binyong langis sa mga lampara upang ilawan ang templo, tulad ng pagbibibgay liwanag ni Cristo sa buong sanlibutan.

Ang binayong langis ay may isa pang kaugnayan kay Jesucristo. Ang binayong langis ay inilarawan na “mainam at mamahalin”5 at may malaking halaga, higit pa sa langis ng oliba na gawa sa ibang pamamaraan, tulad ng paggamit ng dikdikan ng oliba. Ginamit ang binayong langis dahil isinasagisag nito ang Tagapagligtas sa dalawang mahalagang paraan: Una, Siya ang Hinirang o Pinahiran, o ang taong pinahiran ng langis ng oliba. Siya ay tinawag na Cristo at Mesiyas, na ibig sabihin ay ang pinahiran (ng langis ng oliba) sa Griyego at Hebreo. Ikalawa, ibinabadya rin ng binayong langis ang karanasan ni Jesucristo ilang oras bago ang Kanyang kamatayan sa krus: Siya man ay tila binayo. Ibinigay nina Mateo, Marcos, at Lucas ang mga patotoong ito:

“Niluraan nila ang kaniyang mukha at siya’y kanilang pinagsusuntok; at tinatampal siya ng mga iba” (Mateo 26:67).

“At pinasimulang luraan siya ng ilan, at tinakpan ang kaniyang mukha, at siya’y pinagsusuntok, … at siya’y pinagsusuntok ng mga punong kawal” (Marcos 14:65).

“At nililibak si Jesus, at siya’y sinasaktan ng mga taong nangagbabantay.

“At siya’y piniringan nila, at tinatanong siya, na sinasabi, Hulaan mo; sino ang sa iyo’y humampas?” (Lucas 22:63–64).

Nagsulat si Pangulong Kimball tungkol sa pangyayaring ito: “Sa payapa, may pagsupil, at makadiyos na dignidad nanatili siyang mahinahon nang siya’y luraan nila sa mukha. Nanatili siyang payapa. Wala ni isang pagalit na salitang lumabas sa kanyang mga labi. Sinampal nila ang kanyang mukha at hinampas ang kanyang katawan. Subalit nanatili siyang matatag, hindi natatakot.”6

Ipinropesiya ni Isaias ang masamang pagtratong ito kay Jesucristo pitong siglo ang nakaraan bago ito naganap: “Aking ipinain ang aking likod sa mga mananakit, at ang aking mga pisngi sa mga bumabaltak ng balbas: hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at sa paglura” (Isaias 50:6).

Pagpapatong ng mga Kamay

Ang pagpapatong ng mga kamay sa ulunan ng hayop na ihahandog ay mahalagang bahagi ng sinaunang sistema ng pag-aalay. Iba’t ibang tao ang nakibahagi sa pagpapatong ng mga kamay, kabilang na ang:

  • Bawat Israelita: “Pagka ang sinoman sa inyo ay naghahandog ng alay sa Panginoon, … ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog na susunugin; at tatanggapin sa ikakagaling niya, upang gumawa ng pakikipagkasundo sa kaniya” (Levitico 1:2, 4).

  • Mga matanda: “At ipapatong ng mga matanda ng kapulungan ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harap ng Panginoon” (Levitico 4:15).

  • Mga pinuno: Ang pinuno ay “ipapatong … ang kaniyang kamay sa ulo ng kambing” (Levitico 4:24).

  • Karaniwang mga miyembro: “Sinomang karaniwang tao sa bayan ay … ipapatong … ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan” (Levitico 4:27, 29).

  • Mataas na mga saserdote: “Ipapatong ni Aaron ang kaniyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buhay” (Levitico 16:21).

  • Mga Levita: “At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga guyang toro … upang itubos sa mga Levita” (Mga Bilang 8:12).

Iniutos ng Panginoon ang pagpapatong ng mga kamay para sa iba’t ibang pag-aalay ng handog, kabilang na ang mga handog na susunugin; mga handog tungkol sa kapayapaan; at mga handog dahil sa kasalanan (tingnan sa Levitico 1:4; 3:1–2; 4:3–4; 24:10–16).

Ang pagpapatong ng mga kamay sa mga hayop na ihahandog ay nagtuturo ng batas ng paghalili, o ng kapangyarihan ng isang tao na humalili para sa isa. Sa kasong ito isinasagisag na naililipat ang mga kasalanan ng tao sa ulo ng hayop. O, tulad ng ipinahayag ng dalubhasa sa Biblia, ang pagpapatong ng mga kamay ay “iniuugnay ang nagkasala sa handog na papatayin at sumasagisag ng pag-aalay ng kanyang sariling buhay.”7 Ang simbolismo ng pagpapatong ng mga kamay, sa konteksto ng pag-aalay ng handog ay ipinahayag sa Levitico 16:21–22, kung saan inilipat ng mataas na saserdote ang mga kasalanan at kasamaan ng Israel sa ulo ng kambing:

“Ipapatong ni Aaron ang kaniyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buhay, at isasaysay sa ibabaw niyaon ang lahat ng mga kasamaan ng mga anak ni Israel, at lahat ng kanilang mga pagsalangsang, lahat nga ng kanilang mga kasalanan, at ilalagay niya sa ulo ng kambing. …

“At dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila.”

Ang handog na mga hayop, mangyari pa, ay mga halimbawa at pagkakahawig kay Jesucristo, na nagpasan ng ating mga kasalanan at kasamaan bago Siya namatay sa krus.

Ang pag-unawa sa kultura ng Lumang Tipan ay makakatulong sa atin na maunawaan ang ganap na kahulugan ng banal na kasulatan sa Lumang Tipan. Totoo ito lalo na sa mga bagay na tumutukoy at nakatuon kay Jesucristo. Ang masusing pag-aaral ng mahalagang tomong ito ng banal na kasulatan ay tutulong sa ating higit na mapahalagahan Siya, ang Kanyang walang hanggang sakripisyo, at ang mga taong umasam sa Kanyang pagsilang.

Mga Tala

  1. Bruce R. McConkie, “The Purifying Power of Gethsemane,” Ensign, Mayo 1985, 9.

  2. Spencer W. Kimball, “Jesus of Nazareth,” Tambuli, Abr. 1985, 1.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor (2001), 47.

  4. Si Francis Brown at iba pa, eds., Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, isinalin ni Edward Robinson (1977), 510.

  5. Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, 510.

  6. Tambuli, Abr. 1985, 1.

  7. Theological Dictionary of the Old Testament, inedit ni G. Johannes Botterweck at iba pa (1995), 15 tomo, 7:295.

LARAWANG KUHA NI Jed Clark; MGA IMAHE NI CRISTO, NI Heinrich Hofmann, SA KAGANDAHANG-LOOB NG C. Harrison Conroy Co., HINDI MAAARING KOPYAHIN

KALIWA: IPINAGKANULO NI JUDAS SI CRISTO, NI TED HENNINGER; PAGLALARAWAN NI DAVID MALAN; KANAN: SI MOISES AY NATAGPUAN SA MGA TAKBANG-YANTOK NG ANAK NI FARAON, NI GEORGE SOPER; TINAWAG NG PANGINOON ANG BATANG SI SAMUEL, NI HARRY ANDERSON; SI DANIEL SA HARAP NI HARING NABUCODONOSOR, NI SIMON VEDDER, SA KAGANDAHANG-LOOB NG CHURCH HISTORY MUSEUM

KALIWA: DETALYE MULA SA ANG PAGPAPAKO SA KRUS, NI CARL HEINRICH BLOCH; PAGLALARAWAN NI DAVID MALAN; KANAN: NAGPAKILALA SI JOSE SA KANYANG MGA KAPATID, NI TED HENNINGER; NAMULOT SI RUTH SA BUKID, NI JUDITH MEHR, HINDI MAAARING KOPYAHIN; PAGLALARAWAN NI DAN BURR

Ang binayong langis ay pahiwatig ng dinanas ni Jesucristo ilang oras bago ang Kanyang pagkamatay sa krus; Siya rin ay binayo o pinahirapan. Robert T. Barrett