2010
Pag-iingat ng Talaan
Pebrero 2010


Pag-iingat ng Talaan

Lingid sa ating kaalaman ang mga empleyado ng Church History Department ay kumikilos upang maingatan ang kasaysayan ng Simbahan—at ang inyong—kasaysayan.

Sinusuri ng mga panauhin sa Church History Library ang iniingatang mga journal, pahayagan, at kasaysayan ng pamilya malapit sa bulwagan ng Church History Library, kung saan mababasa ang malalaking letrang nakasulat sa itaas ng dingding, “Masdan, may talaang iingatan sa inyo” (D at T 21:1).

Mula nang matanggap ni Propetang Joseph Smith ang banal na utos noong 1830 hanggang sa ngayon, napakalaking talaan ng Simbahan na binubuo ng mga dokumento ng kasaysayan, tela, at iba pang bagay ang hindi lamang nakatago kundi iniingatan, salamat sa maliit ngunit dedikadong grupo ng mga conservator o tagapangalaga.

Pangangalaga ng Simbahan

Ang pangunahing alalahanin ng mga conservator ng Simbahan ay maingatan ang mga talaan—na mapigil ang mga likas na proseso ng pagkasira.

Sa ikaapat na palapag ng Church History Library, sa makabagong conservation lab, ginagawa ng mga tagapangalaga ang kanilang mga tungkulin tulad ng pagtatagpi ng mga papel-de-Hapon sa maliliit na punit sa malutong at lumang-lumang mga pahina at pagsasalba sa halos hindi na magamit na mga negatibo ng retrato. Ang kinumpuni o pinatibay na gawa ay inilalagay sa estante pagkatapos para madaling mahanap o maisalansan sa mga vault na sopistikado ang temperatura- at kontrolado ang klima kung saan regular itong masusubaybayan.

Dalawang kanto lang ang layo sa Church History Museum, mahuhusay na kamay ang tumahi ng mga manikin, nagpakintab sa mga metal at kahoy, nagtapal-tapal ng mga quilt, at lumikha ng mga patungan at suporta para sa mga displey. Karamihan sa kanilang likha ay nakadispley sa museo o ipinadala sa makasaysayang mga lugar ng Simbahan, samantalang ilan sa mga ito ang inihanda para iimbak.

“Ang ibig sabihin ng itago ay ‘ingatan,’” sabi ng conservator ng Simbahan na si Christopher McAfee. “Hindi ibig sabihin niyan na basta isulat lang ang kasaysayan kundi tiyaking magtatagal ito.”

Iisa ang damdamin ng mga conservator ng Simbahan na bawat bagay, mula sa mga journal ng mga propeta hanggang sa personal na kasaysayan ng mga pamilya, ay talagang mahalaga.

“Ito ay pakiramdam na kung may isang taong nagpahalaga nang sapat para itago ito, dapat lamang na pagmalasakitan ko ito,” sabi ni Brother McAfee. “Kami ay mga tagapangalaga ng koleksyon.”

Ang isang buhay na hindi dokumentado ay madaling malilimutan, sabi niya, at nakalulungkot kung mawawala o masisira ang alinman sa mga dokumentong iyon.

“Iniutos sa banal na kasulatan na mag-ingat tayo ng kasaysayan,” sabi ni Jennifer Hadley, conservator sa Church History Museum. “Tinutulungan tayo nitong alalahanin ang nagawa ng Panginoon para sa Kanyang mga tao.”

Pangangalaga ng mga Dokumento

Ang conservation lab ang namamahala sa napakaraming iba’t ibang dokumento, kabilang na ang mga aklat, journal, pahayagan, scrapbook, at mga retrato. Kakaiba ang pagtrato sa bawat bagay, ayon sa kundisyon nito.

Ang nakatutuwang mga instrumento at makinarya—isang cutter, gold stamper, channel binder, at ultrasonic encapsulator ang ilan sa mga ito—ay inilalagay sa paligid ng maluwang na lab, para gamitin ayon sa pangangailangan ng bawat proyekto.

Kadalasan inaalis ang takip ng aklat at nililinis at kinukumpuni nang husto. Tinatakpan ang mga punit sa mga dokumento gamit ang mataas na klase ng papel-de-Hapon, na ang mas mahahabang hibla ay nagpapatibay habang pinananatili ang lambot ng papel. Ang mga conservator ay gumagamit ng pandikit na yari sa gawgaw na trigo at tubig. Ang umiiral na istruktura ay pinatibay, kaya halos kita pa rin ang kabuuan ng orihinal.

“Hindi namin lubusang binabago ang hitsura nito,” sabi ni Brother McAfee. “Sinisikap naming panatilihin ang integridad ng likha. Lahat ng ginagawa namin ay maaaring ibalik sa dati.”

Ang isa pang paraan ng pangangalaga sa mga dokumento ay paghuhugas. Inilulublob ang mga papel sa tubig na sinala, tinanggalan ng ion, at sa huli ay alkaline na tubig na. Sa bawat hugas, inaalis ng tubig at mga kemikal ang dumi at asido sa papel para pabagalin ang pagkasira.

Pangangalaga sa mga Tela at Bagay

Tungkulin din ng mga conservator na ingatan ang mga bagay na nauugnay sa kasaysayan ng Simbahan—mga tela, muwebles, painting, at iba pa.

“Lahat ay may kuwento, may kasaysayan sa likod nito,” sabi ni Sister Hadley. “Lahat ng nasa amin ay konektado sa mga Banal sa buong pandaigdigang Simbahan.”

Ang museo ay puno ng makasaysayang mga damit, aklat, painting, modelo, at iba pang bagay—mga siya o upuan sa kabayo, kasangkapan, kahit modelo ng mga istruktura sa loob ng Salt Lake Tabernacle. Ang mga conservator na humahawak sa gayong mga bagay ay dapat maging malikhain kapag naharap sila sa bawat bagong bagay at kasama nito ang isang bagong hamon.

“Bawat piraso ay kakaibang tulad ng bawat tao,” sabi ni Sister Hadley. “Bawat isa ay may natatanging mga pangangailangan at natatanging solusyon.”

Bawat bagay ay maingat na pinag-aralan. Madalas ay nagtutulungan ang mga conservator sa pagpapasiya kung ano ang gagawin para mapangalagaan ang isang bagay. Karamihan sa mga bagay ay nilinis at pinatibay. Ginagawa ang lahat ng kailangang gawin para pigilan ang proseso ng pagkasira. Kung minsan kailangang alisan ng asido ang isang bagay, patibayin ang orihinal na istruktura nito, balutan ito para maprotektahan sa kapaligiran, gumawa ng mapaglalagyan nito, o lumikha ng suporta o estante o sabitan na aakma dito at susuporta sa istruktura nito. Kung minsan kailangan lang tanggalan ng alikabok ang isang bagay.

Isang bunete (bonnet) mula sa kapanahunan ng mga pioneer ang nakakalas na, kaya nagtahi ng simpleng bilog na suporta para mapanatili ang hugis nito. Bukod dito, nagdagdag si Sister Hadley ng isang pirasong sedang kamukha ng orihinal, na ikinabit sa pamamagitan ng maliit na sulsi sa kamay.

Si James Raines, na inilarawan ang sarili na “conservator ng mga tira-tira,” ang namamahala sa anumang bagay na wala sa kategorya ng mga dokumento, tela, o painting. Ang hawakan ng isang latigong katad, na puno ng maliliit na bilog na tingga, ay nasira na kaya nawala ang kalambutan nito at naging mapanganib ito sa kalusugan dahil sa tingga. Inalis ng mga conservator ang natitirang maliliit na bilog na tingga at nilagyan ng acrylic na bakal na hawakan upang maipanumbalik ang orihinal nitong hugis at lambot.

“Tungkol ito sa pag-iingat ng gawang-sining tulad ng hitsura nito sa sandaling iyon ng kasaysayan,” sabi ni Sister Hadley. “Para sa akin, ang pagpepreserba ay malinaw na koneksyon sa nakaraan.”

Tinatanggal ni Christopher McAfee ang teyp mula sa orihinal na ika-19-na-siglong dokumento.

Larawang kuha ni Welden Andersen

Gumugupit ng mga papel si Kathy Cardon sa conservation lab.

Larawang kuha ni Welden Anderson