2016
Kumapit nang Mahigpit sa Gabay na Bakal
Pebrero 2016


Kumapit nang Mahigpit sa Gabay na Bakal

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “Continually Holding Fast to the Rod of Iron,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Mayo 12, 2015. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Ang patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tumutulong na ituon ang ating mga mata, puso, at isipan sa Tagapagligtas, at kapag iniangkop natin sa ating buhay ang mga turong matatagpuan sa mga banal na kasulatan, tayo ay nagiging higit na katulad Niya.

Sa kanilang paglalakbay sa ilang, nagising si Lehi at ang kanyang pamilya isang umaga at nakita ang “isang bilog na bola na kakaiba ang kayarian” sa lupa. Ito ay may dalawang ikiran, na ang isa ay nakaturo sa “daan kung saan [sila] nararapat magtungo” (1 Nephi 16:10).

Ang Liahona, o bola, ay mayroon ding “isang bagong sulatin” na nagbigay sa kanila ng “pang-unawa hinggil sa mga pamamaraan ng Panginoon.” Ang sulating ito ay “binabago sa pana-panahon, alinsunod sa pananampalataya at sigasig na ibinigay [nila] doon” (tingnan sa 1 Nephi 16:28–29).

Hawak na ni Lehi at ng kanyang pamilya ang mga laminang tanso, na naglalaman ng mga sulat at propesiya ng ilang propeta sa Lumang Tipan. Ang mga laminang tanso at ang Liahona ang nagsilbing mga banal na kasulatan nila, at ang mga tao ni Lehi ay inasahang pag-aralan at bigyang-pansin ito sa tuwina. Kung ginawa nila ito, sumulong sila sa kanilang paglalakbay; kung hindi, namalagi sila sa ilang at dumanas ng gutom at uhaw.

Ano ang pinipilit ituro ng Panginoon sa kanila—at sa atin—sa pamamagitan ng Liahona?

Ang isa sa mga pangunahing layunin ng mga banal na kasulatan ay tulungan tayong makilala, maunawaan, at makatulad ng Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 27:27). Ang patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tinutulungan tayo na panatilihing nakatuon sa Kanya ang ating mga mata, puso, at isipan. Kapag ipinamuhay natin ang mga turong matatagpuan sa mga banal na kasulatan, nagiging higit tayong katulad Niya. Kapag naging higit tayong katulad Niya, nagiging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 5:39).

Panaginip ni Lehi

Larawan
illustration of family looking at the Tree of Life.

Paglalarawan ni J. Kirk Richards

Sa panaginip, o pangitain ni Lehi, apat na grupo ng mga tao ang ipinakita. Ang unang tatlong grupo ay pumasok sa landas na patungo sa punungkahoy ng buhay. Ang pintuan patungo sa daan ay binyag (tingnan sa 2 Nephi 31:17–18), kaya pinag-uusapan natin ang mga miyembro ng Simbahan sa unang tatlong grupong ito.

Hindi ko tatalakayin ang ikaapat na grupo—yaong mga patungo sa malaki at maluwang na gusali. Gayunman, habang pinag-iisipan natin ang tatlo pang grupo, maaari ninyong suriin ang inyong kalooban para malaman kung saang grupo kayo kabilang at itanong sa inyong sarili kung saang grupo ninyo mas gustong mapabilang.

Grupo 1

“At nakakita ako ng di mabilang na lipumpon ng mga tao, marami sa kanila ay nagpatuloy sa paglalakad, upang kanilang matamo ang landas patungo sa kinatatayuan kong punungkahoy.

“At ito ay nangyari na, na nagtungo sila, at nagsimula sa landas na patungo sa punungkahoy.

“At ito ay nangyari na, na may lumitaw na abu-abo ng kadiliman; oo, maging isang napakalaking abu-abo ng kadiliman, kung kaya nga’t sila na mga nagsimula sa landas ay nangaligaw, at sila ay nagpagala-gala at nangawala” (1 Nephi 8:21–23).

Mukhang ang mga miyembro ng grupong ito ay hindi nagbasa o nag-aral ng mga banal na kasulatan, hindi nakinig o nanood ng pangkalahatang kumperensya, hindi nagbasa ng Liahona, o dumalo sa mga miting tuwing Linggo, na pawang naghahandog ng salita ng Diyos. Dahil dito, sila ay nangaligaw ng landas.

Grupo 2

“At ito ay nangyari na, na nakamalas ako ng iba pang nagpapatuloy sa paglalakad, at nagtungo sila at mahigpit na humawak sa dulo ng gabay na bakal; at sila ay nagpatuloy sa paglalakad sa abu-abo ng kadiliman, mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal, maging hanggang sa makalapit sila at makakain ng bunga ng punungkahoy. …

“At matapos na matikman nila ang bunga sila ay nahiya, dahil sa mga yaong humahamak sa kanila; at nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala” (1 Nephi 8:24, 28).

Pansinin na ang grupong ito ay mahigpit na nakahawak at nakakapit sa gabay na bakal. Kumapit sila hanggang sa makarating sila sa punungkahoy ng buhay at kumain ng bunga nito. Ngunit ikinahiya nila ang ebanghelyo ni Jesucristo, tumigil sa pagtutuon ng pansin sa Tagapagligtas, at nagambala ng mga pang-aakit, tukso, at kayamanan ng mundo. Sa gayon sila rin ay nangaligaw.

Ang susi sa pag-unawa sa mga talatang ito ay ang mga katagang “mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal.” Ihahambing ko ang salitang mahigpit na nakakapit sa isang “nakakapamutlang” karanasan. Kung naranasan mo na ang white-water rafting, maaalala mo na kumapit ka nang husto sa balsa hanggang sa mamutla ang mga buko ng daliri mo. Pagkatapos, nang nasa panatag na tubig ka na, ano ang ginawa mo? Bumitaw ka!

Sa konteksto ng ebanghelyo, maaari itong mangyari kapag nahilingan kang maghanda ng isang mensahe o naharap ka sa isang krisis, tulad ng kamatayan sa pamilya o paghihiwalay ng isang magkarelasyon. Hahanapin mo ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na bihira mong pakinggan o sasangguni ka sa mga banal na kasulatan na karaniwan mong nakakaligtaan. Naghahangad ka ng espirituwal na patnubay at suporta dahil sa iyong espirituwal na kahinaan. Pagkatapos, pagkaraan ng krisis, bumibitaw ka! Ibabalik mo ang mga banal na kasulatan sa istante, babalik ka sa dating gawi na bihira kang magsimba, at ayaw mo nang manalangin araw-araw—kahit hanggang sa dumating ang susunod na krisis, o nakakapamutlang karanasan. Sa madaling salita, humihingi ka lang ng tulong sa Tagapagligtas kapag kailangang-kailangan mo na sa halip na patuloy mo itong gawin.

Ang mga miyembro ng grupong ito ay nabinyagan na, at marami siguro ang naorden na sa priesthood, tumanggap ng mga ordenansa sa templo, nagmisyon, at ikinasal sa templo. Ngunit bumitaw sila! Tumigil sila sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan nang tuluy-tuloy, napunta sa mga ipinagbabawal na landas, at nangaligaw.

Salamat na lang, karamihan sa mga young adult at returned missionary ay nananatiling tapat sa mga katotohanan ng ebanghelyo na kanilang natutuhan at ibinahagi. Nakatuon din ang buhay nila sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin. Nagpapasalamat kami sa kanila at sa kanilang katapatan. Sila ang kinabukasan ng Simbahan at magiging mga magulang ng mga magtataguyod sa Simbahan.

Grupo 3

“Masdan, nakakita [si Lehi] ng marami pang tao na nagpapatuloy sa paglalakad; at nakarating sila at mahigpit na humawak sa dulo ng gabay na bakal; at nagpatuloy sila sa kanilang paglalakad, patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal, hanggang sa makarating sila at napatiluhod at makakain ng bunga ng punungkahoy” (1 Nephi 8:30).

Pansinin ang katagang “patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal.” Ang grupong ito ay nagbabasa ng mga banal na kasulatan nang tuluy-tuloy. Nanatili silang nakatuon sa Tagapagligtas nang tuluy-tuloy.

Ang mga banal na kasulatan ang pinakamahalagang bagay na mapag-aaralan natin. Dapat itong mauna kaysa sa chemistry, physics, accounting, sayaw, musika, isports, o anumang sekular na pag-aaral o aktibidad.

Larawan
Family studying scriptures together

Simulan ang bawat araw sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Magkasama ang panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan. Hindi mapaghihiwalay ang mga ito. Ang palagiang pagdarasal ay ihahantong kayo sa mga banal na kasulatan, at ang patuloy na pag-aaral ng banal na kasulatan ay ihahantong kayo sa panalangin. Kapwa kayo itinutuon nito sa Tagapagligtas at nagbibigay-daan para makatanggap kayo ng paghahayag at kapayapaan na dumarating lamang sa pamamagitan ng “patuloy na paghawak nang mahigpit sa gabay na bakal.” Ang panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan ay ihahantong kayo sa templo. Nanaisin ninyong mapanatiling banal ang araw ng Sabbath dahil dito. Tutulungan kayo nitong iwasan at daigin ang mga tukso ng kaaway.

Ngayon, ibabaling ko ang inyong pansin sa mga katagang “[n]akarating sila at napatiluhod at [na]kakain ng bunga ng punungkahoy.” Ang susi sa pag-unawa sa mga katagang ito ay matatagpuan sa 1 Nephi kabanata 11:

“At ito ay nangyari na, na matapos kong makita ang punungkahoy, sinabi ko sa Espiritu: Namasdan kong ipinakita mo sa akin ang punungkahoy na pinakamahalaga sa lahat.

“At sinabi niya sa akin: Ano ang ninanais mo?

“At sinabi ko sa kanya: Ang malaman ang kahulugan nito.”

At sumagot ang anghel, “Tingnan [mo]!” At nakita ni Nephi sa pangitain ang Birheng Maria, na tinukoy ng anghel bilang “ina ng Anak ng Diyos.” Sumunod, nakita ni Nephi na karga ni Maria ang isang bata—“ang Kordero ng Diyos”—sa kanyang mga bisig.

Ngayon pansinin ang talata 24: “At tumingin ako, at namasdan ko ang Anak ng Diyos na nakikisalamuha sa mga anak ng tao; at nakita kong marami ang nangaluhod sa kanyang paanan at sinamba siya” (tingnan sa 1 Nephi 11:9–24; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang puno ay sagisag ng pagmamahal ng Diyos, tulad ng ipinamalas sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa 1 Nephi 11:21–22). Yaong mga nasa Grupo 3 na nakarating sa punungkahoy ay hindi nangaligaw, tulad ng nangyari sa mga nasa Grupo 2. Posible bang makasama ang Anak ng Diyos nang hindi ito nalalaman? Kailangan lang ninyong basahin ang Bagong Tipan para mahanap ang sagot. Naglingkod ang Tagapagligtas sa loob ng tatlong taon, na nagtuturo at nagsasagawa ng mga himala, ngunit iilan lang ang nakakilala kung sino Siya.

Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan

Itanong ang mga ito sa inyong sarili:

  • Ano ang magagawa ko upang matiyak na patuloy akong nakahawak nang mahigpit sa gabay na bakal para pagdating ko sa punungkahoy ng buhay, makilala ko ang Tagapagligtas at manikluhod ako at sumamba sa Kanya?

  • Ano ang magagawa ko para mapanatiling nakatuon ang aking mga mata, puso, at isipan sa Tagapagligtas?

  • Ano ang magagawa ko para maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Ang sagot sa tatlong tanong na ito ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan. “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan,” sabi ng Tagapagligtas, “sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39). Kung magbabasa kayo ng mga banal na kasulatan sa bawat araw ng inyong buhay, magkakaroon kayo ng lakas na labanan ang mabibigat na paglabag; ang mas mahalaga, makikilala ninyo ang Tagapagligtas. Mapapanatili ninyong nakatuon sa Kanya ang inyong mga mata, puso, at isipan.

Habang nakikilala ninyo si Jesucristo, ipinamumuhay ang Kanyang mga turo, at sinusunod ang Kanyang halimbawa, kayo ay magiging katulad Niya. Habang kayo ay nagiging katulad Niya, magiging karapat-dapat kayong makapiling Siya magpakailanman.