2016
Ang Mahimalang Aklat ni Mormon
Pebrero 2016


Ang Mahimalang Aklat ni Mormon

Isinagawa ni Mormon ang mabigat na tungkuling paikliin ang mga talaan ng mga Nephita sa epektibo at mahimalang paraan.

Larawan
illustration of the prophet Mormon standing at the edge of a cliff as he looks at the ocean. He is holding a spear.

Ipininta ni Joseph Brickey

Nang makita ni Mormon na malapit nang malipol ang mga tauhan niyang Nephita, nagsimula siyang “sumulat ng isang maikling buod” ng kanilang mga talaan (Mormon 5:9). Nagsimula ang proyekto sa lugar kung saan huling nagkampo ang mga Nephita bago sila nagkaroon ng huling pagtitipon sa lupain ng Cumorah. Ang kundisyon ng pamumuhay ng mga Nephita ay hindi kaaya-aya; ang mga tao ay mga refugee na walang tiyak na mapagkukunan ng pagkain, damit, at tirahan. Ang pagsusulat ni Mormon ay malamang na lumawig hanggang apat na taon ng paghahanda para sa huling digmaang napagkasunduan nila ng kumander ng mga Lamanita, ngunit kahit paano ang pinaikling kasaysayan ay natapos at ibinaon sa Burol Cumorah bago pa nagsimula ang huling labanan (tingnan sa Mormon 6:6).

Malinaw na ang paglikha ng Aklat ni Mormon ay isang malaking hamon, lalo na dahil sa mga kundisyon ng “digmaan” noong panahon ni Mormon na kinailangan niyang magtrabaho at may mga tungkulin pa siyang pamunuan ang kanyang mga hukbo habang naghahanda sila para sa huling digmaan. At mauunawaan naman na ang kinalabasan ay hindi maaaring walang kapintasan.1

Mga Limitasyon sa Gawain ni Mormon

Isipin ang ilan sa mga limitasyong nakaharap ni Mormon sa pagsasakatuparan ng kanyang layunin:

  1. Ang laki ng kanyang bagong talaan ay kailangang lubhang limitahan. Ang aklat ay kailangang puwedeng mabuhat para madala ito ni Moroni sa isang ligtas na lugar.

  2. Ang pisikal na produkto ay kailangang maihandang mabuti para tumagal nang maraming siglo.

  3. Sa mga sistema ng pagsulat na maaaring magamit ni Mormon, isa lang ang tama ang ikli para magkasya sa aklat.

  4. Ang haba ng salaysay ay kailangang tama lang, batay sa mga tunay na pangyayari sa kasaysayan na nasa mga talaang ibinubuod niya noon, at nakasulat sa paraang angkop para sa kanya.

  5. Maikli lamang ang panahon na maaaring gugulin. Mayroon lamang mahigit tatlong taon si Mormon para gawin ang lahat ng pagtitipon at pagsusulat ng mahigit 600 taon ng kasaysayan. Maaaring hindi siya nagkaroon ng oras para mabasa ang lahat ng natipong mga talaang hawak niya, at tiyak na walang oras para pagandahin o itama pa ang mga munting pagkakamali roon.

Sa harap ng mga limitasyong ito, paano pinili ni Mormon ang impormasyong isasama at tatanggalin?

Sa ilang paraan ang kanyang inspiradong pagsasakatuparan sa pagbuo ng Aklat ni Mormon ay nakakagulat at kahanga-hanga tulad ng kalaunang katuparan ni Joseph Smith na isalin ang talaan sa napakaikling panahon.

Pagpili ng Isang Sistema ng Pagsulat

Ang teksto ng Aklat ni Mormon sa ilang punto ay naglalahad ng hirap na dinanas ng kanilang mga tagasulat sa paglilinaw ng kanilang mga pahayag (tingnan sa Jacob 4:1; Mormon 9:33; Eter 12:23–25, 40). Sabi ni Mormon, “maraming bagay ang, alinsunod sa aming wika, ay hindi namin nagawang isulat” (3 Nephi 5:18). Ang “aming wika” sa diwang ito ay malinaw na tumutukoy sa kanilang sistema ng pagsulat, hindi sa sinasalita nilang wika. Sinabi pa sa atin ni Moroni na “hindi [sana tayo] makakikita ng kahinaan” (Mormon 9:33) kung gumamit sila ng Hebrew script, isang sistemang alpabetiko.

Ang “mga titik” na ginamit sa pagsulat ay tinawag ng mga Nephitang mananalaysay na “binagong wikang Egipto” (Mormon 9:32). Ang sistemang ito ay binubuo ng “karunungan ng mga Judio at ng wika ng mga taga-Egipto” (1 Nephi 1:2). Ang Egyptian glyphs ang paminsan-minsang ginamit sa sinaunang Palestina para isulat ang tunog ng mga salitang Hebreo.2 Mula sa mga sampol ng mga titik sa “the Anthon Transcript,”3 na nagsasabing kopya ng mga titik mula sa mga lamina na isinalin ni Joseph Smith, maliwanag na hindi direktang isinunod ang mga ito sa panulat ng mga taga-Egipto sa araw-araw na paggamit noong panahon ni Lehi. Mas mukhang mga simbolo ito ng hieratic Egyptian, na mas luma at katulad na sistema ng simbolong ginagamit nila noon kapag pinsel at tinta ang gamit nila sa halip na umukit sa bato.

Larawan
Scriptures. Book of Mormon

Ang hieratic system ay mas maikli kaysa sa alphabetic Hebrew script ngunit mas malabo, dahil karamihan sa mga titik ay kumakatawan sa buo, kumplikadong morpema o mga salita (na tinatawag ngayong mga logogram) sa halip na tunog na binibigkas para bumuo ng mga salita tulad sa alpabeto. Ang kahulugan ng bawat logogram ay kailangang isaulo. Ang kalabuang ito ay maaaring bahagi ng problema ng “pagsasaayos ng aming mga salita” (Eter 12:25) na binanggit ni Moroni.

Maaaring isa sa karagdagang dahilan ng “mga kahinaan” ng paggamit ng hieratic Egyptian ay dahil ginamit lamang ito sa kabit-kabit na pagsulat, ang gamit nito sa pag-ukit ng isang talaan sa mga laminang metal ay maaaring mangahulugan na ang mumunting pagkakamali ng kamay ng umuukit nang walang magamit na epektibong “pambura” para maitama ito ay maaaring mauwi sa maling pagbasa sa mga titik.

Maraming Set ng mga Talaan

Bukod sa malalaking lamina ni Nephi, ang suplementong mga dokumento ay ginamit sa ilang punto sa paglikha ng salaysay ni Mormon. Napansin niya ang ilang beses niyang pagdepende sa “sariling talaan [ni Alma]” (Alma 5:2; kabanata 7, heading; 35:16). Ginamit din niya “ang mga talaan ni Helaman” at “ng kanyang mga anak” (pambungad sa aklat ni Helaman), at mababasa rin natin ang “talaan ni Nephi” (3 Nephi 5:10).

Kung minsan ay dumepende rin si Mormon sa iba pang orihinal na mga sulat, na ang ilan ay hindi niya tinukoy nang malinaw. Kabilang sa ilang posibleng suplementong talaan:

  • Ang teksto ng magandang talumpati ni Haring Benjamin (Mosias 2:9Mosias 5).

  • Ang talaan sa mga lamina ni Zenif (Mosias 9–22).

  • Ang personal na pangangaral ni Alma sa Zarahemla, Gedeon, at Melek (Alma 5, 7, at 8).

  • Ang kuwento tungkol sa karanasan nina Alma at Amulek sa Ammonihas (Alma 9–14).

  • Ang detalyadong salaysay ng ministeryo ng mga anak ni Mosias at kanilang mga kasama sa mga Lamanita (Alma 17–27).

  • Ang mga diskurso ni Alma sa kanyang mga anak na sina Helaman, Siblon, at Corianton (Alma 36–42).

Isinama rin ni Moroni ang kanyang pagsasalin at buod ng kasaysayan ng mga Jaredita na inilahad ni Eter, na inihanda at idinagdag ni Moroni bilang aklat ni Eter, gayundin ang mga hango na mga turo at liham mula sa kanyang amang si Mormon (Moroni 7–9).4

Ang mahahalagang sagradong talaan ay iningatan sa metal para matiyak na magiging permanente ang mga ito; ang mga talang nakasulat sa iba pang materyal ay ipinalagay nilang hindi na mababasa pa sa paglipas ng panahon (tingnan sa Jacob 4:2). Ang paggamit ng mga kopya ng mga banal na kasulatan sa papel para gamitin araw-araw ay ipinahiwatig sa pagsunog sa mga yaong nasa pag-iingat ng mga taong nabinyagan ni Alma sa Ammonihas (tingnan sa Alma 14:8; ihambing sa Mosias 2:8; 29:4; at Alma 63:12). Ang mga laminang metal ay hindi madaling gawin (tingnan sa Mormon 8:5) at ukitan, kaya limitado ang suplay nito.

Gamit ang nakukuha niyang iba’t ibang mga materyal, binuo ni Mormon ang kanyang kasaysayan “alinsunod sa kaalaman at pang-unawang ibinigay ng Diyos” sa kanya (Salita ni Mormon 1:9). Kung minsan ang banal na tulong ay tuwiran at partikular, tulad noong utusan siya ng Panginoon na huwag isama ang mas mahabang paliwanag ng mga turo ni Jesus sa mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 26:6–12), ngunit walang pahiwatig na may karagdagang impormasyon sa kasaysayan na inihayag sa kanya.

“At sa Gayon Nakikita Natin”

Ilang beses sinabi ni Mormon na ang kanyang pinaikling kabuuan ay maliit na bahagi lamang ng mga materyal na pangkasaysayan na matatagpuan sa malalaking lamina ni Nephi (tingnan sa Salita ni Mormon 1:5; 3 Nephi 5:8; 26:6; tingnan din sa Jacob 3:13–14; 4:1). Kung gayon, paano niya pinili ang kanyang mga materyal?

Ang kanyang pangunahing kriterion ay paulit-ulit na binabanggit sa kanyang aklat. Ang layunin ay upang matiyak na mauunawaan ng kanyang mga mambabasa, lalo na ng mga maninirahan sa ipinangakong lupain sa Amerika at lalo na ng mga inapo ni Lehi, ang kahalagahan sa kanila ng pangako at propesiyang ibinigay kay amang Lehi: “Habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan kayo ay uunlad sa lupain” (Jarom 1:9). Sa katunayan, sa negatibong bersyon ni Amaron tungkol sa bantog na sinabi ni Lehi nagtuon ng pansin si Mormon: “Habang hindi kayo sumusunod sa aking mga kautusan kayo ay hindi uunlad sa lupain” (Omni 1:6; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ipinakikita ng mga aral ni Mormon ang malaking pagkakaiba ng mabuti at masama. Binigyang-diin ng mga tao sa kanyang talaan ang pagsunod at kabutihan sa isang banda laban sa pagmamatigas sa kabilang banda. Inilarawan niya ang masasamang tao bilang talagang masasama at dapat lang matanggap ang kanilang sinapit; inilarawan niyang kapuri-puri ang mga bayani sa halos lahat ng aspeto. Halos hindi nabanggit ang mga tauhan na hindi makapagpasiya. Ayaw ni Mormon na magkaroon ng alinlangan sa isipan ng kanyang mga mambabasa na ang mabuti at masama ay talagang magkasalungat (pansinin ang mga salita ni Mormon tungkol sa pagkakaibang iyan sa Moroni 7:5–19). Binigyang-kulay ni Mormon ang ilan sa kanyang pag-uulat sa paglalakip ng sarili niyang inspiradong interpretasyon. Ang paraang ito ng pagsulat ay madalas gamitan ng katagang tulad ng “at sa gayon nakikita natin” (halimbawa, sa Alma 42:4, 7, 14; Helaman 3:23–31; 6:34–40).

Inilahad nina Mormon at Moroni ang kanilang “maikling” talaan sa kanilang mga mambabasa sa hinaharap bilang kakaibang uri ng kasaysayan na maaaring bigyan ng kahulugan. Ipinagkaloob nila ito sa lahat ng panahong darating hindi bilang kasaysayan ng isang mananalaysay kundi bilang makapangyarihang moral na mensahe para turuan ang mga magbabasa sa mga aral na natutuhan ng dalawang lalaki sa mahaba at mahirap na paglilingkod sa kanilang mga tao at sa Diyos. Ginamit nila ang pinakamaiinam na sanggunian sa pinakaepektibong paraang alam nila. Ang pagsusumikap at katapatang ipinakikita ng kanilang gawain ay para sa kapakinabangan ng lahat ng tao sa ating panahon.

Napakalaki ng pasasalamat ko sa kanila.

Mga Tala

  1. Halimbawa, ang kaunting kamalian (katumbas ng makabagong “typos”) ay maaaring kabilang sa mga “kamaliang” binanggit ni Moroni sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon na “kamalian ng mga tao.” Kabilang dito ang maling ulat tungkol sa pagkabihag ng lunsod ng Nefihas (Alma 51:26; ikumpara sa Alma 59:5) at pagkakamali kung saan ang pangyayari ding iyon ay sinabi sa isang talata na naganap sa ika-26 na taon ng mga hukom (Alma 56:9) at sa isa naman ay sa ika-28 taon (Alma 53:22–23). Ipinapakita ng gayong mga depekto ang pagiging tao ng mananalaysay sa kanyang gawain, gayunpaman hindi ito dapat maging dahilan ng anumang mabigat na problema sa pagbabasa ng kuwento.

  2. Tingnan sa John A. Tvedtnes at Stephen D. Ricks, “Jewish and Other Semitic Texts Written in Egyptian Characters,” Journal of Book of Mormon Studies, tomo 5, blg. 2 (1996), 156–63; at John A. Tvedtnes, “Linguistic Implications of the Tel-Arad Ostraca,” Newsletter and Proceedings of the Society for Early Historic Archaeology, blg. 127 (1971).

  3. Tingnan sa B. H. Roberts, New Witnesses for God, 3 tomo (1909), 2:93–104.

  4. Para sa iba pa tungkol sa iba’t ibang pinagkunan ng talaan, tingnan sa “Isang Maikling Paliwanag tungkol sa Aklat ni Mormon” sa Aklat ni Mormon.