2016
Paano Makasumpong ng Kagalakan
Pebrero 2016


Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan

Paano Makasumpong ng Kagalakan

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1991.

Larawan
Family life in Hong Kong. Images include: Family at ocean, laughing together, reading, praying, playing games etc.

Mga kapatid, matanda at bata, nakikiusap ako sa bawat isa sa inyo na tandaan na ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan at na ang kasalanan ay humahantong sa kalungkutan. Mga kabataan, huwag maghangad ng kaligayahan sa kaakit-akit ngunit di-mahahalagang bagay ng mundo. Hindi natin matatamo ang walang-kupas na kaligayahan sa paghahangad ng mga maling bagay. Minsa’y may nagsabi, “Hinding-hindi ka masisiyahan sa isang bagay na hindi mo kailangan, dahil ang isang bagay na hindi mo kailangan ay hindi magbibigay sa iyo ng kasiyahan.”

Mga bata at matanda, ilayo ang inyong mga mata at puso sa mapanlinlang na mga mensahe ng media. Walang kaligayahan sa alak o droga, tanging pagkaalipin. Walang kaligayahan sa karahasan, tanging pasakit at kalungkutan. Walang kaligayahan sa mga seksuwal na relasyon at pisikal na pakikipagniig sa labas ng bigkis ng kasal, tanging kawalang-dangal at mas mabilis na paghantong sa espirituwal na kamatayan.

Walang nagtatagal na kaligayahan sa anumang mayroon tayo. Ang kaligayahan at kagalakan ay nagmumula sa pagkatao ng isang tao, hindi sa kung ano ang mayroon siya o kung ano siya. Mga kabataan, humawak nang mahigpit sa inyong mga pamantayan. Pag-aralan at gamitin ang nakapagliligtas na polyetong iyon, ang Para sa Lakas ng mga Kabataan.

Ang kabutihan ay naghihikayat ng kabutihan. Ang mga epekto ng mabubuting halimbawa ay iimpluwensya sa darating na mga henerasyon. Ang pagiging mabuting magulang ay lumilikha ng mga kabataang nagiging mabubuting magulang. Tulad ng marami sa atin na napalakas ng mararangal na halimbawa ng ating mga ninunong pioneer sa maraming lupain, mapagpapala rin ng mabubuting pasiya at sakripisyo ng ating panahon ang ating pamilya at mga kaibigan at bansa sa lahat ng panahong darating.

Pinatototohanan ko sa inyo na walang-kupas ang kaligayahan at sukdulang kagalakan ng mga taong sumasampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanyang mga utos. Hinihimok ko ang bawat isa sa inyo na hangarin ang kagalakang nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos at pagpapakita ng mabuting impluwensya para sa kapakanan ng mga mahal natin sa buhay.