2016
Pinili Nating Maglingkod
Pebrero 2016


Paglilingkod sa Simbahan

Pinili Nating Maglingkod

Ang awtor ay naninirahan sa Bavaria, Germany.

Nakikibaka noon ang asawa ko sa sakit na kanser, pero walang pag-aatubili naming tinanggap ang tawag na maglingkod sa Frankfurt Germany Temple.

Larawan
illustration for We Choose to Serve of a couple walking together toward some Church buildings.

Paglalarawan ni Ben Sowards

Noong Disyembre 12, 1994, nakatanggap kami ng tawag sa telepono mula sa Salt Lake City. Sinabi sa amin ng isang magiliw na tinig na gusto kaming makausap ni Pangulong Thomas S. Monson, na naglilingkod noon bilang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.

“Gusto kang tawagin ng pangulo ng Frankfurt Germany Temple na maging tagapayo niya at ang asawa mo bilang assistant sa temple matron,” sabi ni Pangulong Monson sa asawa kong si Gerhard. Pagkatapos ay ipinahayag ni Pangulong Monson ang pag-aalala niya sa problema sa kalusugan ng asawa ko.

Si Gerhard ay 11 taon nang nakikibaka sa chronic lymphocytic leukemia. Sa kabila ng pagsubok na iyon, tinawag kami ng Panginoon, at sumagot kami ng oo nang walang pag-aatubili.

Nang magbitiw ako sa trabaho bilang paghahanda na maglingkod, tinanong ako ng boss ko, “Hindi ka ba aalis kung tataasan ko ang sahod mo?”

“Hindi po, kailangan naming umalis,” sagot ko, na sinasabi sa kanya na nangako kami sa Panginoon na magmimisyon kami. “Binalak naming maglingkod sa loob ng dalawang taon, pero hindi ko alam kung buhay pa ang asawa ko sa panahong iyon.”

Nang muling magpasuri si Gerhard wala pang dalawang linggo kalaunan, sinabi ng doktor sa kanya, “Dito ka lang; malaki ang posibilidad na mamatay ka.”

Lumala ang kanyang kalagayan. Nanlumo kami at hindi namin maisip kung paano namin magagampanan ang aming tungkulin, pero puno kami ng pananalig, pag-asa, at katiyakan. Ipinaubaya namin sa Panginoon ang lahat. Kung mayroon Siyang ipagagawa sa amin, gagawa Siya ng paraan para magampanan namin ito.

Noong Enero 2, 1995, umalis kami para magmisyon. Bigla kong natanto ang tinatalikuran ko: ang nanay ko, mga anak ko, mga apo ko, trabaho ko, bahay ko, at hardin ko. Ngunit kinabukasan ay nasa Frankfurt Temple na kami, kung saan ang madilim na gabi ay naging maaliwalas na panibagong araw para sa amin. Lahat ng problema sa araw-araw na buhay ay naglaho.

Sa banal na lugar na ito natagpuan namin ang pag-ibig, liwanag, pag-asa, galak, tiwala, sigla, seguridad, proteksyon, at kapayapaan na nagmumula sa ating Tagapagligtas. Sa aming paglilingkod, nakilala namin ang kahanga-hangang mga tao mula sa maraming bansa. Kahit iba’t iba ang kanilang wika, binigkis kami ng wika ng pagmamahal. Ang paglilingkod namin sa templo ay talagang nagpaligaya sa amin.

Ang diwa ng templo at lakas ng Diyos ang nagtaguyod sa mahal kong asawa sa loob ng 26 na buwan. Isang araw matapos kaming ma-release sa aming tungkulin sa templo, nagpunta si Gerhard sa ospital para sa regular niyang pagpapagamot. Sa pagkakataong ito hindi na siya pinauwi ng mga doktor. Ilang buwan pagkaraan bumalik na siya sa kanyang tahanan sa langit.

Kapag ginugunita ko ito, nakikita ko ang mga taon ng paglilingkod na iyon sa templo bilang isang regalo mula sa langit—kasama kong naglingkod ang aking asawa sa bahay ng ating mapagmahal na Ama habang tinutupad ang pangako na magkasama kaming magmimisyon. Buong puso akong nagpapasalamat sa karanasang iyon.