2016
Ang Muntik Ko nang Palagpasing Karanasan Bilang Missionary
Pebrero 2016


Ang Muntik Ko nang Palagpasing Karanasan Bilang Missionary

Ang awtor ay naninirahan sa Sergipe, Brazil.

Gusto kong ibahagi ang ebanghelyo, pero sino kaya sa mga kaibigan ko ang interesado?

Larawan
Illustration depicting two sister missionaries and temples.

Paglalarawan ni Michael Mullan

Para sa isang mithiin sa Pansariling Pag-unlad, sinimulan kong ipagdasal na magkaroon ng karanasan bilang missionary. Pinag-isipan ko kung sino sa mga kaibigan ko ang lubos na handang sumapi sa Simbahan.

Lumipas ang mga buwan, at akala ko hindi ko na mararanasan iyon— hanggang sa makilala ko si Brenda. Unang taon niya sa aming paaralan.

Sa paglipas ng taon, naging malapit kaming magkaeskuwela, pero hindi ko naisip na yayain siyang magsimba hanggang sa anyayahan ng isa sa mga kaibigan namin si Brenda sa simbahan niya. Naisip ko, “Hindi ako makapaniwala! Dapat ay naisip ko iyon.

Nang sumunod na linggo sinabi ni Brenda na nasiyahan siyang sumamang magsimba sa kaibigan namin at gusto niyang pumunta ulit. Naisip ko, “Nasayang ang pagkakataon ko.” Hindi naman iyon paligsahan, pero gusto kong ibahagi ang ebanghelyo sa mga anak ng Ama sa Langit.

Noong panahong iyon na binabago ang meetinghouse namin at nakaiskedyul na muling ilaan pagkaraan ng ilang buwan. Namigay ang bishop ng mga imbitasyon para sa open house at paglalaan. Inanyayahan ko ang mga kaibigan kong malapit ang tirahan sa meetinghouse. Si Brenda lang ang sumama. Tuwang-tuwa ako.

Ilang araw bago ang open house, sinabi ni Brenda na baka hindi siya makasama dahil ayaw ng nanay niya. Nalungkot ako, pero naunawaan ko at sinabi ko sa kanya na may iba pang mga pagkakataong matuto tungkol sa Simbahan.

Gayunman, nagulat akong makita si Brenda roon. Kinausap niya ang nanay niya, na pinayagan din siya sa huli. Ipinakilala ko siya sa mga missionary. Pinasok namin ang bawat silid sa meetinghouse at nakinig kami sa maikling paglalarawan ng bawat organisasyon ng Simbahan. Sa huli, nagpunta kami sa cultural hall at kumuha ng mga polyeto tungkol sa Panunumbalik, family history, walang-hanggang kasal, at iba pang mga paksa ng ebanghelyo. Sabi ni Brenda, “Naniniwala ako rito!”

Pagsapit ng Linggo nagsimba siya. Pagsapit ng Lunes dumalo siya sa isang proyekto sa paglilingkod ng Mormon Helping Hands.

Ang binhing natanim sa puso ni Brenda ay lumago sa paglipas ng bawat araw. Sinimulan niyang baguhin ang kanyang mga ugali para makasunod sa mga kautusan at nagpabinyag.

Ngayon, pagkaraan ng ilang taon, ikinukuwento pa rin niya sa akin kung gaano siya kasayang matagpuan ang tunay na ebanghelyo at gaano kalaki ang pasasalamat niya sa tulong kong matagpuan niya ito.

Sa maraming pagkakataon mahirap makipag-usap sa mga tao tungkol sa ebanghelyo, pero kung tayo ay magdarasal, mag-aaral ng mga banal na kasulatan, makikinig sa Espiritu Santo, at handang makipag-usap sa isang tao, tutulungan tayo ng Panginoon.