2016
Pagdarasal nang May Tunay na Layunin
Pebrero 2016


Pagdarasal nang May Tunay na Layunin

Carlos Rene Romero, El Salvador

Noong 1960 may nakilala akong binata sa isang party na nagsabi sa akin na dumalaw si Jesucristo sa mga lupain ng Amerika pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Humanga ako sa ideya at ginusto kong malaman pa ang iba, kaya nagsimula akong magsaliksik sa mga aklatan at magtanong sa iba’t ibang sekta ng relihiyon sa aking bayang sinilangan sa San Miguel, El Salvador.

Halos tatlong taon akong nagsaliksik pero wala akong natagpuan. Nang banggitin ko sa mga pinuno ng relihiyon na narinig ko na ang tungkol kay Cristo sa mga lupain ng Amerika, nalinlang daw ako. Dahil wala akong natagpuang impormasyon, naniwala ako kalaunan na tama sila.

Isang araw, dalawang missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang nagpunta sa bahay at nagsabi na may mahalagang mensahe sila para sa pamilya ko. Agad kong itinanong sa kanila, “Alam ba ninyo kung nagpunta si Jesucristo sa mga lupain ng Amerika?”

Sabi ng isa sa kanila, “Pinatototohanan namin iyan.”

Sa sandaling iyon nakadama ako ng malaking katuwaan sa aking puso’t isipan at itinanong ko, “Paano mo nalaman iyan?”

May kinuha siyang aklat sa kanyang bag at sinabi niya, “Alam naming naparito si Cristo dahil sa aklat na ito, ang Aklat ni Mormon.”

Nabagabag ako sa itinuro sa akin ng mga missionary sa unang talakayan, at nagduda ako sa kuwento ng pangitain ni Propetang Joseph tungkol sa Ama at Anak.

Gayunman, naintriga ako sa Aklat ni Mormon, at patuloy akong tinuruan ng mga missionary. Isang hapon tinanong nila ako, “Nagdasal ka na ba para malaman kung totoo ang itinuturo namin sa iyo?”

Sinabi ko sa kanila na nagawa ko na iyon pero wala pang sagot.

“Dapat kang manalangin nang may tunay na layunin,” sabi nila.

Ilang gabi ko nang binabasa ang Aklat ni Mormon. Nabasa ko na at naniwala ako na nagpakita si Jesucristo sa mga Nephita. Pero hindi ko pa rin matanggap ang pangitain ni Joseph Smith. Hirap na hirap ang kalooban ko.

Isang gabi lumuhod akong mag-isa at ibinuhos ang aking damdamin sa Diyos. Sabi ko, kailangan kong malaman kung totoong nagpakita Siya kay Joseph Smith. Kung totoo, nangako ako sa Kanya na magpapabinyag ako sa Simbahan at maglilingkod sa Kanya habambuhay.

Nang bumangon ako nang maaga kinabukasan, dumating ang sagot sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Napanatag ang aking isipan at napuspos ng kapayapaan ang puso ko. Mula sa sandaling iyon hanggang ngayon, wala na akong kaduda-duda na si Joseph Smith ay tunay na propeta ng Diyos, na ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo, at na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Alam ko na si Cristo ay nagpunta sa mga lupain ng Amerika pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Nalulugod ang aking kaluluwa sa kagila-gilalas na kaalamang ito na itinuro sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.