2016
Ipamuhay ang Dalisay na Relihiyon
September 2016


Ipamuhay ang Dalisay na Relihiyon

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “Pure Religion,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Enero 13, 2015. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Kung nais ninyo na maging masaya, madama ang Espiritu Santo, at lalong mapalapit sa Tagapagligtas, kung gayon ipamuhay ang dalisay na relihiyon.

Larawan
young man with eldery woman

Dalisay na Relihiyon, ni Annie Henrie

Ilang taon na ang nakararaan, isang binatang tatawagin kong John ang nagpunta sa opisina ko nang makauwi na siya mula sa kanyang misyon.

“Elder Clarke, kailangan ko po ng tulong,” sabi niya sa akin na alalang-alala. “Minahal ko ang aking misyon. Binago ako nito. Gayunman, nawawala na ang ilan sa mga sagrado at espesyal na damdaming nadama ko sa misyon. Ano ang magagawa ko para madama ang nadama ko sa misyon?”

Maraming beses ko na itong nakita. Ang itinatanong niya ay, “Ano ang magagawa ko para maging masaya, madama ang Espiritu Santo, at maging malapit sa Tagapagligtas?” Dapat ay ito ang itanong nating lahat araw-araw.

Noong hapong iyon sa opisina ko, binuklat namin ang Santiago 1:27 at binasa ito, “Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, [D]alawin ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at pag-ingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.”

Pagkatapos ay binasa namin ang Alma 34:28: “Kung inyong tatalikuran ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi ninyo dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at ibahagi ang inyong kabuhayan, kung kayo ay mayroon, sa mga yaong nangangailangan—sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo gagawin ang alinman sa mga bagay na ito, masdan, ang inyong mga panalangin ay walang kabuluhan, at wala kayong pakikinabangan, at kayo ay kagaya ng mga mapagkunwari na itinatatwa ang relihiyon.”

Pagkatapos ay nirebyu namin ang kuwento sa Ebanghelyo ni Juan kung saan nangisda si Pedro at ang iba pang mga disipulo at walang nahuli ngunit pagkatapos ay sinabihan ng Tagapagligtas na ilipat ang kanilang lambat sa kabilang panig ng bangka at nakahuli sila ng 153 isda. Matapos silang makakain, nag-usap si Pedro at ang Tagapagligtas. Alam ng Tagapagligtas na tinuturuan Niya ang malapit-nang-maging propeta at pangulo ng Simbahan sa isa sa mga huling pagkakataon.

“Iniibig mo baga ako?” tanong ng Tagapagligtas.

Sagot ni Pedro sa kanya, “Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig.”

Pagkatapos ay sinabi ng Tagapagligtas, “Pakanin mo ang aking mga kordero.”

Dalawang beses pang itinanong iyon ng Tagapagligtas at saka Siya nagbilin: “Pakanin mo ang aking mga tupa” (tingnan sa Juan 21:3–17).

Talagang pinagbilinan noon si Pedro na ipamuhay ang dalisay na relihiyon, o pangalagaan ang mga tao. Ang propeta ng Diyos ngayon ay pinangangalagaan at minamahal din ang mga tao. Si Pangulong Thomas S. Monson ay isang magandang halimbawa ng isang taong ipinamumuhay ang dalisay na relihiyon. Nagugol niya ang kanyang buong buhay sa pagmamahal at pangangalaga sa mga tao.

Marami na akong nakitang returned missionary na katulad ng kaibigan kong si John. Kung tatanungin ninyo sila kung bakit mahal na mahal nila ang kanilang misyon, halos palagi nilang sasabihin na dahil mahal nila ang mga tao. Sa araw na simulan ng mga missionary na higit na pangalagaan ang iba kaysa sarili nila, nagiging masaya sila. Ganyan ang mangyayari sa ating lahat. Ang ating buhay ay laging magiging mas masaya kung pangangalagaan at mamahalin natin ang iba.

Ang kabaligtaran ng pangangalaga sa iba ay pag-iisip tungkol sa sarili: kotse ko, pag-aaral ko, trabaho ko, mga problema ko. Kapag lagi nating iisipin ang ating sarili, hindi magiging kasing tatag ng maaaring mangyari ang ating kaugnayan sa langit.

Sinabi ko kay John na kung ipamumuhay niya ang dalisay na relihiyon, magiging masaya siya at madarama niya ang nadama niya sa misyon. Gayundin, kung nais ninyo na maging masaya, madama ang Espiritu Santo, at lalong mapalapit sa Tagapagligtas, ipamuhay ang dalisay na relihiyon. Mula sa mga talata sa banal na kasulatan sa itaas nalaman natin ang apat na mahahalagang gawain na maaaring ilarawan bilang dalisay na relihiyon.

1. Pagbisita at Pagmamalasakit sa mga Balo

Larawan
visiting elderly woman

Bumalik si John sa kolehiyo at isinagawa ang natalakay namin. Kalaunan pinadalhan niya ako ng email kung saan ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa pagbabasa ng nakaaantig na mga kuwento mula sa mga magasin ng Simbahan sa matatanda sa isang bahay-kalinga.

“Nadama ng marami ang lubos na pagmamahal at suporta mula sa Tagapagligtas nang patotohanan ng Espiritu ang mga simpleng katotohanan at patotoo,” pagsulat niya. “Noon ko lang nalaman na madarama ko pala ang gayong pagmamahal mula sa at para sa mga estranghero na wala akong gaanong kaugnayan. At nadama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa kanila, para sa mababait na kaluluwang iyon. Malinaw sa akin na malamang magkikita kami ng mga taong ito—na ngayo’y may dementia at mga sakit sa katawan—sa kabilang buhay. Nakikinita ko ang kanilang asawa, na nakatunghay sa kanila mula sa kabilang panig ng tabing. Damang-dama ko ang presensya ng lolo ko—na hindi ko nakilala kahit kailan—habang nakaupo ako sa tabi ng lola ko, at pinalakas ako ng kanyang espiritu at sinuportahan ako. Alam kong nagpapasalamat siya sa simpleng pagbisita ko.”

Pagpapatuloy niya: “Sino ang nakakaalam na masusumpungan ko ang gayon kagiliw na awa? Tila walang kabuluhang umuwi pagkaraang mangyari ang gayong bagay at basta manood ng TV o magrelaks sa ibang paraan. Nagbago ako nang matanto ko na may ganitong magigiliw na karanasan sa lahat ng sandali habang sinisikap natin, bilang mga Banal, na pagtuunan at tulungan ang iba sa anumang paraan.”

Magagawa rin ninyo ito, at pagpapalain kayo ng Panginoon tulad ng pagpapala Niya kay John.

2. Tulungan ang mga Ulila

Maraming ulila sa buong mundo. Hindi ba maganda kung makaugnayan o masulatan natin nang regular ang isa sa kanila?

Nang umuwi ang aming anak na si Nate mula sa kanyang misyon, magkapareho ang damdamin nila ng kaibigan kong si John. Nagpasiya si Nate na magboluntaryo para maging tagapagturo sa isang programang itinutugma ang matatanda sa mga batang nangangailangan ng sumusuportang personal na pakikipag-ugnayan. Binago ng paglilingkod na iyon ang karanasan niya sa kolehiyo. Ngayong may asawa na si Nate, sila ng kanyang asawang si Carla ay muling “nag-ampon” sa pamamagitan ng programa. Naging malaking pagpapala para sa kanila sa kanilang pagsasama na ibahagi kung ano ang mayroon sila sa mga nangangailangan.

Nang maglingkod kami ng asawa kong si Mary Anne sa Bolivia Santa Cruz Mission, nagkaroon kami ng isang missionary na ulila. Wala siyang pamilya. Inatasan siya ng Panginoon na maging trainer ni Elder Hawkins. Palagay ko hindi siya ang pinakamagaling na trainer, pero si Elder Hawkins ang pinakamagaling na kompanyon para sa isang ulila na naging isa sa mga missionary ng Panginoon.

Sumulat ang mga magulang ni Elder Hawkins sa missionary na ito noong nasa misyon pa ito at patuloy siyang sinulatan sa nakalipas na 15 taon. Dahil kay Elder Hawkins at sa kanyang pamilya, ang ulilang ito ay minahal at pinangalagaan at ngayo’y maligaya na sa piling ng kanyang asawa, may trabaho, at aktibo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Makatutulong tayong lahat na baguhin ang mga batang ulila.

3. Pangalagaan ang mga Maralita at Nangangailangan

Larawan
serving the homeless

Laging ipinapaalala sa atin ng mga banal na kasulatan ang kahalagahan ng pagtulong sa mga maralita at nangangailangan. Responsibilidad nating lahat ito.1 Ang isang paraan para mapag-ibayo natin ang pagtulong sa mga maralita at nangangailangan ay sa pagbabayad ng malaking fast offering. Sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77):

“Sa unang taon ng pagpasok ko sa lambak na ito walang sapat na harina ang pamilya ko para makaraos hanggang sa pag-aani … , at nagpupunta sa bahay ko ang mga tao araw-araw para humingi ng tinapay. Ikinalungkot ko [ito] isang araw; bumaba ako sa lumang silungan at pagbalik ko sa bahay ay masigla na ako. Sabi ko sa asawa ko, ‘Huwag mong hayaang magpunta rito ang isang tao para sa pagkain at umalis nang walang dala, dahil kung gagawin mo iyan mahihirapan tayo bago ang pag-aani; ngunit kung bibigyan mo ang bawat taong dumarating magkakaroon tayo ng sapat para makaraos. …

“Layon kong patuloy na gawin ito, para magtagal ang pagkain ko, dahil kung hindi ay kakapusin ako.

“Naniniwala ka ba sa alituntuning iyan? Alam kong totoo iyan, dahil maraming beses ko nang napatunayan ito.”2

Ang sumusunod na karanasan ay nai-post sa isang Christian website ng isang doktor sa Colorado, USA, na huminto sa isang gasolinahan matapos pumugak-pugak at tuluyang mamatay ang makina ng kanyang sasakyan. Nang tatawag na siya ng tow truck, nakita niyang nadulas at bumagsak ang isang babae, na ang lumang kotse ay nakaparada sa tabi ng isang gas pump.

“Lumabas ako upang tingnan kung okey siya. Pagdating ko roon, mukhang mas nahirapan siya sa kaiiyak kaysa sa pagbagsak niya; bata pa siya na mukha talagang pagod at nangingitim ang ilalim ng kanyang mga mata. May nahulog sa kanya nang tulungan ko siyang tumayo, at kinuha ko iyon para ibigay sa kanya. Singko sentimos iyon.

“Sa sandaling iyon, naging malinaw sa akin ang lahat: ang umiiyak na babae, ang lumang [kotse] na puno ng mga bagay-bagay kasama ang tatlong bata sa likod (nakaupo ang isa sa car seat), at ang gas pump ay nasa [U.S.] $4.95. Tinanong ko siya kung okey siya at kung kailangan niya ng tulong, at panay lang ang sabi niya ng, ‘Ayaw kong makita ng mga anak ko na umiiyak ako.’”

Nang maunawaan ang kalagayan niya, kinuha ng doktor ang kanyang credit card, pinuno ng gasolina ang kotse niya, at saka bumili sa isang fast-food restaurant sa tabi ng gasolinahan ng dalawang malalaking supot ng pagkain at ilang gift certificate para sa kanya at kanyang mga anak.

“Sinabi niya sa akin ang pangalan niya, at na nakatira siya sa Kansas City [Missouri, USA],” sabi niya. “Iniwan siya ng nobyo niya dalawang buwan na ang nakararaan, at hindi niya matugunan ang mga pangangailangan nila. … Sa pagkadesperado tinawagan [niya] sa huli ang mga magulang niya, na mga limang taon na niyang hindi nakakausap. Sa California nakatira ang mga magulang niya at sinabi nila na maaari siyang tumira sa kanila at sikaping mapabuti roon ang kanyang sitwasyon para matustusan ang kanyang mga anak. Kaya inempake niya ang lahat ng gamit niya sa kotse.”

Niyakap siya ng doktor at inalayan siya ng panalangin para maging ligtas siya sa daan. Habang naglalakad papunta sa kanyang kotse, itinanong ng babae, “Anghel ka ba o ano?”

Sumagot ang doktor, “Kung minsan gumagamit ang Diyos ng mga karaniwang tao.”

Pagkatapos ay sinabi ng doktor: “Kamangha-manghang maging bahagi ng himala sa buhay ng ibang tao. At siyempre, … nang sumakay ako sa kotse ko umandar ito kaagad at nakauwi ako nang walang problema. Dadalhin ko ito sa talyer bukas para patingnan, pero palagay ko walang makikitang sira ang mekaniko.”3

Mapagkakatiwalaan ba tayo ng Panginoon na magiging sagot tayo sa panalangin ng iba? Makakaasa ba Siya na susundin natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo? Kapag mas sinunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu, mas maraming pagkakataong ibibigay ang Panginoon sa atin na maging sagot sa panalangin ng iba.

4. Pakainin ang Kanyang mga Kordero at Tupa

Larawan
talking with elderly woman

Nang makausap ni Jesus si Pedro, ang unang payo Niya ay, “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Alam ng Tagapagligtas na kung pakakainin natin ang mga kordero, hindi tayo kailangang maghanap ng nawawalang tupa. Ang ilan sa atin ay may nakababatang mga kapatid, pamangkin, o iba pang mga taong kilala natin na nangangailangan ng tulong. Maaari tayong maging magandang halimbawa sa kanila, at nawa’y mahanap natin ang mga korderong nangangailangan ng ating tulong.

Hahanapin at tutulungan ba ninyo ang isang kordero? Mapagkakatiwalaan ba kayo nang sapat, bilang pastol, na pangalagaan ang mga kordero at tupa, tulad ng ipinagagawa sa atin ng Tagapagligtas?

Ang itinanong ng Tagapagligtas kay Pedro ay maaaring itanong sa bawat isa sa atin: “Iniibig mo baga ako?” Kapag ipinamuhay natin ang dalisay na relihiyon sa pagbisita at pangangalaga sa mga balo, pagtulong sa mga ulila, pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, at pagpapakain sa Kanyang mga kordero at tupa, maipapakita natin sa Tagapagligtas na mahal natin Siya! Kapag ginawa natin ito, magiging masaya tayo, madarama natin ang Espiritu Santo, at lalo tayong mapapalapit sa Kanya.

Mga Tala

  1. Elder Jeffrey R. Holland, “Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” Liahona, Nob. 2014, 40–42.

  2. Brigham Young, “Remarks,” Deseret News, Hunyo 18, 1856, 116.

  3. “Friends Are God’s Way of Taking Care of Us,” lisburn.com/stories/friends_are_gods_way.html.